Ang Ikalawang Gawad Sagisag Quezon na isang parangal para sa mga kasalukuyang bayani ng wika ay ipinagkaloob sa mga piling indibiduwal at institusyon noong Agosto 2, 2009 sa programang “Sining Gising” ng NBN Channel 4 kaalinsabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2009.
Pinangunahan nina Mahistrado Antonio Eduardo B. Nachura ng Korte Suprema, Monsignor Sabino A. Vengco, Jr. ng Simbahang Katolika at G. Edgardo M. Reyes, batikang nobelista, kuwentista at direktor sa pelikula ang mga tumanggap ng Gawad Sagisag Quezon. Ginawaran ang bawat isa ng isang plake ng karangalan.
Si Kgg. Eduardo B. Nachura, Mahistrado ng Korte Suprema, ay ginawaran dahil sa kanyang pagpapatupad ng Saligang Batas na may mga probisyon ng pagpapahalaga sa wika mula pa nang siya ay kinatawan ng ika-2 distrito ng Samar; Si Monsignor Sabino A. Vengco, Jr., isang alagad ng simbahan na ang kanyang mga gawaing pangsangkatauhan ay ganap na naipatutupad sa paggamit ng wikang Filipino sa kanyang pagmimisa, pangangaral, homily, pagtuturo at pagsusulat; si G. Edgardo M. Reyes, ay ginawaran sa kanyang mga nobela, kuwento, sanaysay, kolum at mga pag-aaral at pag-aambag sa leksikograpiya at ortograpiya ng wika na itinuturing na kaban ng yaman ng panitikang pilipino.
Ang iba pang ginawaran ay ang dating Senador Vicente C. Sotto III sa kanyang paggamit ng wikang pambansa hangga’t maaari sa pagpapatupad ng mga probisyon ng Dangerous Drug Board bilang tagapangulo at miyembro ng Lupon ng mga Direktor nito at bilang mahusay na kompositor ng tanyag na mga awiting “Magkaisa” at “Dakilang Lahi”; Ang Makata ng Cellphone Frank G. Rivera dahil sa kanyang pagbabahagi ng malawak na kaalaman sa larangan ng sining na sumasalamin sa kaluluwa ng ating wika, lahi at kultura at sa pagtatamo ng iba’t ibang gawad, parangal at pagkilala mula sa iba’t ibang samahang pangwika, pansining at pangkultura; Prof. Arthur P. Casanova sa kanyang pagiging dalubhasa sa wikang pambansa ay milyun-milyong sambayanan ang nabiyayaan ng kanyang paggamit at pagsusulong ng wikang Filipino sa pagtuturo, pagsusulat ng libro, panitikan, dula, sanaysay, tula, mga kuwentong pambata, at iba pa; G. Angel C. Cacnio, isa sa iginagalang na pintor ng bansa kabilang sa mga bantog niyang likhang-sining ay ang kabayanihan nina Mabini, del Pilar, Manuel Roxas atb. Siya rin ang gumuhit ng larawan ni Pangulong Manuel Luis Quezon sa beinte pesos ng perang Pilipino na opisyal na ipinalabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas. G. German Moreno, haligi ng pelikulang Tagalog bilang artista at direktor, sa ilang pahayagang wikang katutubo ang gamit, at nakalikha ng mga salita, prase at bigkasing palasak sa kasalukuyan; Radyo Balintataw, may apat na dekada nang nagpapaunlad ng wika sa radyo, telebisyon at pelikula mula nang itatag ni Gng. Cecile Guidote-Alvarez at umani na ng maraming parangal mula sa mga samahang sibiko, pangkultura at pangwika at ang Philippine Charity Sweepstakes Office dahil sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang mga slogan na nagbibigay ng pag-asa at mga katuparan gaya ng mga mensaheng: “Ang nagwawagi ay di umaayaw, ang umaayaw ay di nagwawagi”, “Haplos mo haplos ko”, “Dampi ng pagmamahal” at “Walang kupas.”
Ang GAWAD SAGISAG QUEZON ay bunga ng pagtutulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino na kinakatawan ni Punong Komisyoner Jose Laderas Santos, Samahan ng mga Manananggol na Nagtapos sa MLQU sa pangunguna ng tagapagtatag nito, Atty. Pete S. Principe at ng Quezon City Academy sa pamumuno ng pangulo nito. Prof. Tomas C. Ongoco ay kaisahang parangal sa ngalan ng mga dakilang adhika at lunggati ng Ama ng Wikang Pambansa, Pangulong Manuel Luis Quezon at sa diwa ng (KKK) Katarungan, Kultura at Kapatiran (KAWIKA)
Commission on Higher Education
Department of Education
National Commission for Culture and the Arts
Office of the President
Philippine Charity Sweepstakes Office
Be First To Comment