Napasakamay ni David Michael M. San Juan ang titulong Mananaysay ng Taon” “ng magwagi ng unang gantimpala ang kanyang sanaysay na “Kontra- Gahum: Ang Lahatang Panig at Kapit-sa-Patalim na Pag-unlad at Pagsulong ng Wikang Pambansa Mula sa Panahon ng Kolonyalismo Hanggang sa Bungad ng Ikalawang Milenyo” sa katatapos na timpalak sa Gawad Surian sa Sanaysay 2009.

Pumangalawa si Dr. Leodivico C. Lacsamana, tagapangulo, Kagawaran ng Filipino sa College of Arts & Sciences, University of Asia and the Pacific sa kanyang sanaysay na “Bayang Binigyan ng Wika, Wikang Nagtanghal sa Bayan: Ang Paglaganap ng Wikang Filipino Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas.”

Nasungkit naman ni Jonnabelle V. Asis, associate professor sa Departamento ng Sosyolohiya, UP Diliman ang Ikatlong Gantimpala sa kanyang akdang “Wikang Filipino – Binhi ng Pagkakaunawaan Tungo sa Panlipunang Pagkakaisa at Pagbabago.”

Nagwagi ng karangalang-banggit ang mga sumusunod: Robinson K. Cedre, kilalang tagapagsanay sa mga Theatre Arts Workshop atb., “Pasyon at Ebolusyon ng Wikang Filipinong Binhi sa Sinapupunan ng Baler… Nag-usbong at Lumaganap sa Mayamang Kaisipan ng Pinagpalang Luzvimindang Mahal”; Dr. Emmanuel S. Gonzales, full professor, Institute of Arts and Sciences, Department of Language and Literature, Far Eastern University, “Wikang Filipino, sa Pusod ng Baler: Isang Pagkilala, Pagtanggap at Pagpapalaganap sa Buong Pilipinas”; at Irene Alis-Brillo, librarian sa University of the Cordilleras Grade School/High School Department, “Baler at ang Wikang Filipino.”

Tinanggap ng mga nagsipagwagi ang kani-kanilang tropeo/plake at gantimpalang salapi sa mismong programa ng Araw ng Gawad na idinaos sa Century Park Hotel, Malate, Maynila noong Agosto 28, 2009.

Ang Lupon ng Inampalan ay pinangunahan ng tagapangulo nito na si Prof. Patrocinio V. Villafuerte, Puno ng Kagawaran sa Filipino, Pamantasan Normal ng Pilipinas; mga kagawad na sina Dr. Pamfilo D. Catacataca, Propesor, National Teachers College at Retiradong Direktor IV, Komisyon sa Wikang Filipino at Dr. Teresita F. Fortunato, pangulo, PSLF at propesor, DLSU-Manila.

Ang talumpati ni David Micheal San Juan:

“Sa kagalang-galang nating panauhing pandangal, Senador Edgardo Angara, sa pinagpipitagang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, Ginoong Joe Lad Santos, sa iba pang mga komisyuner ng KWF, sa mga hurado ng patimpalak, sa iba pang gagawaran ng parangal, sa lahat ng mga panauhin, mga kababayan, isang magandang araw po sa inyong lahat.

Sa pangalan po ng iba pang nagwagi sa patimpalak ay malugod kong tinatanggap ang unang gantimpala sa Gawad Surian sa Sanaysay para sa taong ito. Lubos po ang aming pasasalamat sa karangalang ipinagkaloob ng KWF at ng mga hurado, sa kabila ng relatibong pagkabagito ng aming mga panulat.

Isang malaking karangalan ang mabigyan ng pagkilala sa pagsulat sa isang wikang lahatang-panig na sumusulong at umuunlad kahit na ginigipit, sinisikil, isinasantabi at minamaliit sa sarili nitong bansa – ang wikang Filipino.

Ang bawat titik na maisulat sa wikang pambansa ay mabisang gamot sa sisinghap-singhap nating bayan. Ang bawat pagsulong ng wikang Filipino ay tagumpay ng sambayanang Pilipino tungo sa kalayaang pampulitika at kaunlarang pang-ekonomiya. Ang bawat tagumpay ng wikang pambansa ay malaking igpaw ng pangkalahatang pagsisikhay upang mahubog ang pambansa at makabansang kamalayan ng mga mamamayan sa kapuluan.

Binura ng mahigit 300 taon sa ilalim ng Krus at Espada ang oportunidad natin na maagang makabuo ng pambansa at makabansang kamalayan na isang mahalagang sangkap sa kaunlaran.

Samantala, inilapat ng mga Amerikano ang mapaminsalang “psychological cloning” na siyang lalong nagpalabnaw sa ating nasyonalismo sa wika, sa kultura at maging sa ekonomya.

Patuloy na ipinangangalandakan ng mga ignorante ang diumano’y superyoridad ng wikang Ingles. Sa mga bulwagan ng kapangyarihan naman ay iwanawasiwas ang bandila ng lubusang pagbibigay-karapatan sa mga dayuhan na ariin, angkinin at gamitin ang lupa at iba pang likas na yaman ng bayan, bilang diumano’y tanging paraan upang umunlad ang buhay ng sambayanan, sa himig ng isang kanluraning sayaw. Samakatwid, tila walang masasabing pambansa at makabansang kamalayan sa buong Pilipinas sa kasalukuyan. Isang mahalagang hakbang sa pagbuo ng pambansa at makabansang kamalayan ang paggamit at pagpapaunlad ng wikang Filipino sa lahat ng posibleng larangan.

Gayunman, dapat nating tandaan na ang lingguwistikong gahum o pangingibabaw ng Ingles sa ating bayan ay bahagi lamang ng mas masaklaw at mas masalimuot na “psychological cloning” na ipinataw sa atin ng mga mananakop lalo na ng mga kampon ni Uncle Sam.

Kailangan nating lahatang-panig na isulong ang nasyonalismo sa wika, sa edukasyon, sa kultura, sa pulitika at lalung-lalo na sa ekonomya. Hangga’t ang ekonomya ng bansa ay lubusang napangingibabawan ng mga dayuhan, hindi lubusang mahuhubog ang sambayanang may kakanyahan.

At paano naman mahihikayat ang mga mamamayan na iwaksi ang sobrang pagsandig sa dayuhan na nagpabansot sa ating pambansa at makabansang kamalayan? Simple ngunit kumplikado – kailangan nating salitain, basahin, sulatin, gamitin, palaganapin at namnamin ang wikang Filipino upang ang pag-iisip na Amerikanisado o lutong-Kanluranin ay mapalitan ng orihinal, nagsasarili at malayang kaisipan na magbubunsod malaon ng ekonomyang malaya sa kontrol ng dayuhan, at kung gayo’y higit na magbibigay ng kapakinabangan sa naghihikahos nating bayan.

Hindi po ako ang nagsabi nito. Nirepaso ko lamang po ang sinabi ni Dr. Jose Rizal sa pamamagitan ni Simoun sa ikapitong kabanata ng El Filibusterismo. Aniya, “…habang pinananatili at pinangangalagaan ng mga mamamayan ang kanilang wika, pinananatili at pinangangalagaan din nila ang tanda ng kanilang kalayaan gaya rin ng pagpapanatili at pangangalaga ng tao sa kanyang kalayaan habang kanyang pinanghahawakan ang sarili niyang paraan ng pag-iisip.”

Isapuso natin ang winika ni Simoun at tuluy-tuloy tayong magsikhay at mag-ambag sa pagbuo ng isang bansang marangal, masaya, maunlad, malaya at mapayapa.

Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Maraming salamat po.”