dumagat

Sa ikalawang pagkakataon ay muling nakiisa ang Komisyon sa Wikang Filipino sa taunang pagdiriwang ng Araw ng mga Dumagat na ginanap noong Enero 10, 2010 sa National Power Corporation Compound, Hilltop, Norzagaray, Bulacan.

Matagumpay na pinangunahan ni KWF Punong Komisyoner Jose Laderas Santos ang pakikisalamuha sa mga katutubong Dumagat. Samantala, masigasig na ginampanan ng mga kawani ang nakatalagang mga gawaing pangwika ng kani-kanilang sangay.

Pinangunahan ni Aries Burgos, 5 taong-gulang ang Tatlumpu’t Dalawang (32) mga batang Dumagat sa timpalak sa pagtukoy ng pangalan ng karaniwang mga bagay na ipinapalagay na alam na ng mga batang Dumagat. Ang mga larawang-guhit gaya ng bahay kubo, mga gamit na makikita sa kusina, mga instrumento sa pagtugtog ay matiyagang inihanda at iginuhit na lahat ni G. Dodie Roldan na kasama rin ni G. Jesus Ferrer na nangasiwa sa timpalak para dito. Pinamahalaan din nina G. Ferrer at G. Roldan ang patimpalak sa pagbigkas ng tulang may pamagat na Ako ay Dumagat na magkatuwang na isinulat nina Punong Komisyoner Jose Laderas Santos at G. Jesus Ferrer ng Sangay ng Impormasyon at Publikasyon. Sina Abigail Bihasa at Sheryl Friginal ang dalawang dalagitang Dumagat na napakiusapang lumahok sa timpalak para bumigkas ng tula sa tulong ng gurong si Emerenciana Sembrano ng Sitio Basyo, Doña Remedios Trinidad, Bulacan at ni Sgt. Arnel R. Targa, Detachment Commander, Suha Checkpoint, Norzagaray, Bulacan.

Pinangasiwaan ng Sangay ng Pagsasalingwika sa pamamagitan ni Bb. Rosie Martinez ang pagpapa-awit ng mga katutubong awitin ng mga Dumagat. Dalawang awiting Dumagat “Be De Edup Mo” at Podiin, Podiin Eya (Purihin, Purihin Siya) ang ipinarinig ni Gng. Myra Cruz ng Sitio Manalo, Norzagaray, Bulacan. Inawit naman ni G. Raymon Villianida ang “Nototol Kami” (Lalakad na Kami).

Pinangunahan ng Puno ng Sangay ng Lingguwistika, Dr. Leticia Macaraeg at mga kasama nito ang pagpapakuwento sa mga katutubong Dumagat at pagpapasulat ng kuwento ng mga ito sa kanilang wika at pati na rin ng salin ng kuwento sa wikang Filipino. Isang katutubong kuwentong Dumagat ang ibinahagi ni G. Dominador Friginal; ikinuwento naman ni Araceli Torres ang simpleng pamumuhay nila sa kabundukan; at tungkol sa pamanhikan at kasal ang isinalaysay ni G. Francisco dela Rosa. Samantala, naroon pa rin ang gurong si Emerenciana Sembrano na siyang matiyagang nagsulat ng mga kuwentong isinalaysay ng tatlo sa wikang Dumagat at pati na ang salin nito sa Filipino.

Nakapangalap ng mga katawagan/salitang Dumagat sina Dr. Miriam P. Cabila, Gng. Evelyn E. Pateño at Gng Rena N. Bondame ng Sangay ng Leksikograpiya sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mag-asawang Romy at Melanie Samson ng Boloan, Ilog Bayan, Nueva Ecija at kay Gng Espie O. Fortuna ng Bulacan.

Samantala, si Komisyoner Bernard R. Masinas kasama si Bb. Martinez ng Sangay ng Pagsasalingwika ay naging abala rin sa pakikipanayam kay Gng. Myra Cruz, isang katutubong Dumagat. Nakapagtipon si Komisyoner Masinas ng ilang mga karaniwang pambati/katanungan at parirala sa wikang Dumagat na may salin sa Filipino. Naipasalin din ni Komisyoner Masinas sa wikang Dumagat ang tulang “Ako ay Dumagat” ang piyesang ginamit sa timpalak sa pagbigkas ng naturang tula.

Ang mga Dumagat ay isang grupo ng mga katutubo na may sariling wika at kultura. Sang-ayon sa Ethnologue kilala rin sila sa mga pangalang Umiray Dumaget at Umiray Agta. Matatagpuan sila sa lalawigan ng Quezon bagama’t may mga Dumagat na makikita rin sa ilang lugar sa Bulacan at Nueva Ecija. Ayon sa datos ng Summer Institute of Linguistics noong 1994 ang populasyon ng Dumagat ay tinatayang umaabot sa Tatlong Libo. Bukod sa kanilang katutubong wika, karamihan sa mga Dumagat ay matatas din sa wikang Tagalog at Iluko.

Nasa ika-68 taon na ang ugnayang ito sa mga Dumagat na sinimulan ni Gen. Alejo Santos noong 1947. Ang krusadang ito ay itinuloy ng kanyang mga anak sa pangunguna ni Dr. Rene Santos at ngayon ay pinangungunahan ng kanyang biyudang si Gng. Amy Santos katuwang ang anak na si Rene Boy Santos. Maraming samahang sibiko ang nakiisa sa okasyon at tunay na naging masaya ang lahat sa maghapong gawain.