BISYON AT MISYON

Bisyon ng KWF ay magawa ang Filipino na isang modernong wikang magagamit na mabisang kasangkapan sa kabuuan ng pambansang pagpapaunlad.

Misyon ng KWF  ay magbalangkas, mag-ugnay at magpatupad ng mga programa at proyekto ng pananaliksik upang higit pang mapabilis ang pagsulong at pagbulas ng wikang Filipino at gayundin ng mga layuning intelektuwal. Kakambal ng pagpupunyaging ito ang mga gawaing pangangalaga at pananatili ng iba pang mga katutubong wika ng bansa.

KASAYSAYAN

Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na nilagdaan ng Pangulo ng Komonwelt, si Manuel L. Quezon noong Nobyembre 13, 1936. Ang pangunahing layunin ng Surian ay piliin ang katutubong wika na gagamiting batayan ng pagpapalaganap at pagpapatibay ng wikang pambansa ng Pilipinas.

Ang batas ay pag-alinsunod sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhanang “ang Kongreso ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang wikang pambansa sa isang wikang katutubo.”

Noong Enero 13, 1937, hinirang ng Pangulo ang mga kagawad ng SWP. Si Jaime C. de Veyra ang naging unang direktor. Ang naging unang tahanan ng Surian ay ang isang maliit na silid sa Department of Public Information. Pagkaraan, nagpalipat-lipat ito: napatira sa Silid Blg. 326 ng Kongreso, nagkaroon ng silid sa Malacañang, nalipat sa Philippine Columbian, at noong 1940, napunta sa gusali ng UP Alumni sa Padre Faura. Noong 1942, napunta naman ito sa Philippine Normal School (naging College at ngayo’y University) bago napalipat sa “radio room” ng Mataas na Paaralang Mapa noong 1946. Nagbalik ito sa Malacañang noong 1947 bago napunta sa Philippine School at Arts and Trade. Nagkaroon din ito ng opisina sa isang “Japanese Temple” sa kalye Lipa, Maynila.

Nang itadhana ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 94 at ang Batas ng Pagbabagong Tatag ng 1947, inilipat ang pangangasiwa ng SWP sa Kagawaran ng Pagtuturo, at ito ay nanahanan sa gusali ng Edukasyon sa Arroceros. Tumagal ito roon ng 34 na taon. Noong 1984, nang buwagin ang nasabing gusali at nalipat ang noo’y Ministri (ngayo’y Kagawaran) ng Edukasyon, Kultura at Isports sa Palacio del Gobernador, lumipat ang SWP sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Gusaling LDCI sa kanto ng EDSA at East Avenue, Lungsod Quezon.

Noong Enero taong 1987, batay sa nilagdaang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 ng Pangulong Corazon C. Aquino, ang SWP ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika ng Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang Bagong Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987. Petsa Agosto 14, 1991 nang likhain sa bisa ng Batas Republika 7104,  ang Komisyon sa Wikang Filipino. May atas ang Komisyon na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas.

Ang pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng atas ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa ng iniuugnay sa iba’t ibang tanggapang pampamahalaan at maging pribado man (RA 7104, Sek. 14-g).

Sa kasalukuyan, ang komisyon sa Wikang Filipino ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at nakabahay sa ikalawang palapag (second floor) ng Gusaling Watson, 1610 J.P. Laurel Street, San Miguel, Maynila.

Mga Probisyong Pangwika sa Saligang-Batas

Saligang-Batas ng Biyak-na-Bato (1896) – Ang Wikang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Pilipinas.

Saligang-Batas ng 1935 – Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy ng gagamiting mga wikang opisyal.

Saligang-Batas ng 1973 – Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na adopsyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino

Saligang-Batas ng 1987 – Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito’y dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.

PAMUNUAN

Jose_santos

 

 

 

 

 

JOSE LADERAS SANTOS
Punong Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Tagalog

 

abdurahman

 

 

 

 

 

CARMELITA C. ABDURAHMAN
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Waray

 

luis

 

 

 

 

 

CONCEPCION H. LUIS
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Ilocano

 

alcala

 

 

 

 

 

VICTORIA L. ALCALA
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Cebuano

 

tamayo

 

 

 

 

 

ANTONIO L. TAMAYO
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Pangasinan

 

Tomawis

 

 

 

 

 

ISMAEL M. TOMAWIS
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Meranao

 

macinas

 

 

 

 

 

BERNARD R. MACINAS
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Bikol

VILMA L. TACBAD
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Kapampangan

Fr. RANHILIO C. AQUINO
Komisyoner
Kinatawan ng Wikang Kahilagaang Pamayanang Kultural

ISTRUKTURA

Ang KWF ay binubuo ng Apat(4) na teknikal na Dibisyon at isang  Sangay Pampangasiwaan

Dibisyon ng Pagsasalingwika

  • Pagbabalangkas at pagsasakatuparan ng mga programa at proyektong pagsasalin para sa masigla at malawakang pagpapayaman ng wikang Filipino iba pang mga wika sa Pilipinas.
  • Pagsasalin sa Filipino at sa iba pang mga wika sa Pilipinas ng mahahalagang akdang pangkasaysayan at mga tradisyong pangkultura ng mga pangkat etnolingguwistiko, mga kodigo, batas, resolusyon, pagsasabatas, textbook, at mga kagamitang sanggunian sa iba’t ibang disiplina at iba pang mga kagamitang banyaga na ipinalalagay na kailangan sa edukasyon at para sa iba pang layunin.
  • Pagsasalin ng mga akdang klasiko at moderno sa Ingles at sa ibang mga wikang banyaga patungo sa Filipino, gayundin ng mga panitikang etniko kabilang na ang mga alamat, kuwentong bayan at iba pa na, sinulat para mapagyaman ang pamanang pangkultura ng bayan.
  • Tumulong sa pagbubuo ng mga patakaran, plano at programang malawakang pagsasalin mula sa ibang wika, kapwa katutubo at banyaga patungo sa Filipino at gayundin sa Filipino patungo sa ibang wika, gayundin ang pagsasalin sa Filipino ng mga terminolohiyang pang-agham at teknikal.
  • Pagsasalin at/o pag-eedit ng mga kagamitang panturo, panimulang aklat, module, talatanungan at iba pa sa kahilingan ng mga indibidwal at tanggapang publiko at pribado
  • Pagdaraos ng mga kongreso, kumperensiya, seminar, workshop, talakayang pambayan at panayam tungkol sa pagsasalin at mga pag-aaral sa pagsasalin; at
  • Pagsasagawa ng iba pang kaugnay na mga tungkulin.

Dibisyon ng  Lingguwistika at Applied Linguistic

  • Pagsasagawa ng patuloy na pananaliksik sa ponolohiya, morpolohiya, sintaks, pragmatiko, diskursong pag-aaral at applied linguistics sa Filipino at sa iba pang mga wika sa Pilipinas.
  • Pagpapaunlad at pagsasagawa ng mga programa, proyektong pananaliksik para sa paglinang, pagsasapamantayan at modernisasyon  ng wikang Filipino.
  • Pagpaplano, pagsasagawa  at pagpapalaganap ng pananaliksik tungo sa pagsisimula at pagpapanatili ng patuloy na paggamit ng Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon  at bilang wikang panturo sa sistemang pang-edukasyon tulad rin sa paggamit sa rehiyunal na wika bilang wikang pantulong sa opisyal na komunikasyon at pagtuturo sa mga rehiyon.
  • Pag-iisip at pagpapakilos ng pagkakaroon at produksiyon ng mga aklat, mga kagamitan tungkol sa literacy at mga sanggunian sa Filipino at sa iba pang mga wika sa Pilipinas
  • Paghahanda ng opisyal na sangguniang gramatika at/o pedagohikal na gramatikang Filipino at, kung maaari sa bawat wika sa Pilipinas, pana-panahong pagrebisa at pagpapakinis nito.
  • Pagrepaso, pagwawasto at pagsusuri sa panglingguwistikang anyo, pahayag at pagbabaybay sa Filipino ng mga materyal sa pagtuturo, pag-aaral na nasusulat sa Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas na nilalayong gamitin bilang opisyal na teksto at pangkalahatang sanggunian sa tatlong antas ng edukasyon, na isinumite para sa layuning ito, kabilang ang mga materyal na pangkaalaman mula sa pamahalaan, gayundin sa pribadong indibidwal at entidad.
  • Pagsasagawa ng sosyolingguwistikong pagsisiyasat at pag-aaral tungkol sa lumilitaw na mga variety/pagkakaiba-iba at rehistro sa Filipino.
  • Pagsasagawa ng pana-panahong pagpupulong, kumperensiya/panayam, seminar, gawaing kapulungan/palihan, talakayang pambayan, at panayam tungkol sa ponolohiya, morposintaks, semantika, pragmatika, diskursong pag-aaral, at applied linguistics sa Filipino
  • Pagsasagawa ng iba pang kaugnay na tungkulin.

Dibisyon ng Leksikograpiya at mga Corpus ng Pilipinas

  • Pagtatag ng arkibo at/o talaang pangmatagalan at kumakatawan sa lahat ng mga wika sa Pilipinas na kasama ngunit hindi limitado sa audio at video recording, iba’t ibang uri ng pananalita, katipunan ng mga teksto at panitikan na nakaayos na corpus at magagamit ng higit na nakararam.
  • Pagpalano at pagpapatupad ng mga proyektong corpus na batay sa field work  na sumusunod sa mga batayang prinsipyong pang-etika ng dokumentasyong pangwika.
  • Pagbibigay ng mga mungkahing patakaran, paraan at pamantayan sa dokumentasyong pangwika at sa paghahanda ng mga diksiyunaryo, tesauro, , encyclopedia sa Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas.
  • Paghahanda,  pagrerebisa at pagsasapanahon ng monolingguwal, bilingguwal at multilingguwal na diksyunaryo, tesauro, encyclopedia, glosaryo, siyentipiko at espesyal na bokabularyo, mga terminolohiyang teknikal at iba pang kahalintulad na mga materyales sa leksikograpiko sa Filipino at sa iba pang mga wika sa Pilipinas.
  • Pagsasagawa ng higit pang pananaliksik sa mga elementong panglingguwistika sa Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas upang matiyak ang kanilang anyo at kahulugan sa pagbuo ng pinag-isang bokabularyong multilingguwal tungo sa pagyabong ng wikang Filipino
    Pagdaraos ng pana-panahong mga pagpupulong/kongreso, mga kumperensiya, mga seminar, gawaing kapulungan, talakayang pambayan at panayam tungkol sa dokumentasyon at leksikograpiya sa wika.
  • Pagtulong  sa pagbuo ng mga patakarang pangkaunlaran at preserbasyon ng mga etnikong wika upang makaagapay sa puspusang  mga gawain para sa pagpapayaman at pagtataguyod ng wikang Filipino; at
  • Pagganap sa kaugnay na gawain.

Dibisyon ng Impormasyon at Publikasyon

  • Nagsisilbing tagapagsagawa ng opisyal na dokumentasyon at tagapagkalat ng impormasyon tungkol sa mga gawain ng Komisyon.
  •  Tagapagpagana at tagapagpanatili ng opisyal na website www.kwf.gov.ph alinsunod sa mga patakaran at kapasyahan ng Komisyon.
  • Tagapamahala sa mga gawaing pang-alaala at mga gawad  ng “Buwan ng Wika”, “Araw ni Balagtas”, “Gawad Parangal” at mga katulad nito.
  • Pagpapanukala at pagpapatupad ng mga proyekto at programa kaugnay ng mga teknolohiyang IT  at multimedia upang maisagawa ang mga pangunahing tungkulin sa pananaliksik at paglalathala ng Komisyon at ng mga sangay nito.
  • Pagkakaloob ng mga lingkurang multimedia sa internet, paglalathalang desktop, at mga katulad nito.
  • Pagkakaloob ng mga lingkurang aklatan at bangko ng impormasyon sa Komisyon at sa publiko.
  • Tagapamahala sa pagpapalimbag, pag-iingat at pamamahagi ng mga kagamitang gawa ng Komisyon.
  • Pagganap sa kaugnay na gawain.

Dibisyon ng Pangasiwaan at Pananalapi

  • Pamamahala at pagkakaloob sa mga dibisyon/yunit ng kinakailangang datos pampananalapi, impormasyong pantauhan at mga lingkurang pantulong upang makapagplano, mapamahalaan at maipatupad ng mga ito ang kanilang mga gawain ng mahusay at epektibo.
  • Pagkokontrol sa mga budget at paghahanda ng mga panukalang budget ng Komisyon.
  • Paghahanda ng taunang pahayag pampananalapi at pagpapanatili ng mga talang pampagtutuos.
  • Pamamahala sa lahat ng mga paniningil, pagdedeposito, pagbabayad, pagpapasuweldo at iba pang kahilingan at paghahanda ng iba pang kaugnay na ulat.
  • Pag-iingat ng isang sistema para sa mga kasulatan.
  • Pamamahala sa mga ari-arian ng KWF, pagkuha, pag-iimbak  at pamamahagi ng mga kagamitan, mga materyales at kagamitang kinakailangan sa pagpapatakbo ng tanggapan.
  • Pangangasiwa sa lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa mga tauhan kabilang na ang pagpapatupad ng programang pagsasanay at mga benepisyo ng mga tauhan.
  • Paghahanda ng mga kautusan, memorandum , liham ng tanggapan at iba pa, pamamahala sa pagpapadala ng mga sulat at iba pa sa koreo at pamamahala sa transportasyon.
  • Paghahanda ng mga ulat gaya ng performance evaluation, buwanan/quarterlykabuuang ulat, assets and liabilities at iba pa.
  • Pagtiyak sa kalinisan at ligtas na kapaligiran sa pagtatrabaho para sa mga empleyado nito sa pamamagitan ng pagkuha ng serbisyo ng mga janitor at guwardiya, at
  • Pagganap sa kaugnay na gawain.

Ang KWF ay matatagpuan sa:

2/F Watson Bldg., 1610 J. P. Laurel Street
Malacanang Complex, San Miguel, Manila 1005
Email Address: komfil.gov@gmail.com

Mga Telepono: (632) 736-2524 736-2525 7363832 Fax 736-0315