TUGATOG NG KAMANGMANGAN ang pagsulat ng anyong “samu’t-sari.” O kahit na ang anyong “samo’t-sari.” Kapag nakita ko ito sa libro ng isang propesor sa Filipino, iniisip ko kung nagbuklat man lámang siyá ng matinong diksiyonaryo sa buong búhay niya. Kapag natunghayan ko ito sa tabloyd, iniisip ko kung naging titser ng reporter o ng editor ang mangmang na propesor. Sapagkat sa ganoong paraan kumakalat ang kamangmangan sa wika: Mula sa isang mangmang na guro tungo sa isang estudyante na kung maging guro o miyembro ng midya ay ikakalat din ang kamangmangan sa sambayanan.

Una, bakit may gitling ang “samu’t-sari”? Inuulit ba? Hindi, dahil ang totoong anyo nitó ay “samu at sari.” Kayâ dapat wala itong gitling. Ngunit may salitâ bang “samu”? A, bakâ inisip ng sumulat na “samo” ang tunay na anyo ng unang salitâ ngunit kailangang palitan ng U an O dahil nadikitan ng ’T? May ganoon bang tuntunin sa Filipino? Wala rin. Kayâ sobrang kamangmangan ang itinatanghal ng pagsulat sa anyong “samu’t-sari.”

Ang ibig sabihin talaga ng sumusulat ng “samu’t-sari” ay pagdurugtong sa “samot” at sa “sari.” Dalawang lehitimong sinaunang salitâng Tagalog ang mga ito. Ang sarì ay nangangahulugang “ibá-ibáng bagay na pinagsáma.” Ganoon din ang ibig sabihin ng sámot. Kayâ kapag ginamit sa anyong inuulit ang sarì-sarì at ang sámot-sámot, nangangahulugan ito ng “maraming ibá-ibáng bagay o sangkap na pinagsáma.”

Ang pagsasabi, sa gayon, ng sámot-sarì ay isang eksaherasyon. Napakaraming ibá-ibáng bagay o sangkap ang pinagsáma-sáma. At iyon naman ang waring ibig ipahiwatig ng mangmang na gumagamit ng “samu’t-sari” o “samo’t-sari.”
Muli, may pilosopong sampay-bakod na igigiit na “nakamihasnan” na ang “samu’t-sari.” At kayâ dapat daw pahintulutang gamitin. Paanong maituturing itong nakamihasnan samantalang hindi ito ginagamit noon. Sari-sari at samot-samot lámang ang nása bokabularyo ng ating mga ninuno. Pumasok lámang ang pinagsámang samot at sari sa makabagong panahon at sa panulat ng mga guro at editor na mangmang sa Tagalog. Siyempre, mabilis niláng naihawa sa kaniláng kamangmangan ang mga muslak na di-Tagalog.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.