Programa at Proyekto ng KWF

Sa 2015, mas pinalakas at pinalawak ng KWF ang pagpapatupad sa mandato nitóng paunlarin at palaganapin ang wikang Filipino at mga wika ng Filipinas. Sa pangkalahatang kampanyang Uswag: Dangal ng Filipino, pinaigting ang pambansang kampanya na magamit ang wikang Filipino bilang wika ng mga dominyo ng kapangyarihan, wika ng kaunlaran, at wika ng karunungan.

Salin
Serbisyo ng Sangay ng Salin (frontline service)

Bukás ang tanggapan ng Sangay ng Salin sa mga nais na kumuha ng kanilang serbisyo. Gayundin, nakikipag-ugnayan ang Sangay ng Salin sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng PDIC at DOST-PAGASA para sa pagsasalin ng kanilang mga polyeto, brochure, at mga babasahin sa wikang Filipino at mga wika sa Filipinas.

Programang Palítang Salin (Translation Exchange Program)

Bagong proyekto ng KWF na pakikipagtulungan sa embahada ng mga bansa upang maisalin sa Filipino ang ipinagmamalaking panitikan ng ibang bansa. Gayundin, layunin ng programang ito na maipakilala ang mahuhusay na panitikang maihahandog ng Filipinas upang maisalin sa iba’t ibang wika.

Una nang nagpahayag ng interes sa programang ito ang Embahada ng Checo. Kasalukuyang isinasalin, sa ilalim ng programang Aklat ng Bayan ng KWF, ang pilîng mga tula ni Jaroslav Seifert.

Saliksik
Atlas Filipinas

a.1. Linguistic Atlas

Dalawang taóng pambansang saliksik pangwika ng KWF hinggil sa umiiral na mga wika sa Filipinas. Layunin nitóng maglathala ng awtorisado at napapanahong mapang pangwika (language map) ng Filipinas. Maglalathala

Noong 2014, nakapaglahok na ng higit 130 wika sa database ng mga wika at inihahandang mapang onlayn na binubuo sa pamamagitan ng digital mapping software. Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng KWF ang pagbabalidá ng higit 20 pang wika.

a.2. Geographic Atlas

Dalawang taong pambansang saliksik ng KWF hinggil sa awtortisadong pangalan ng mga lugar sa Filipinas. Layunin ng proyektong ito na maisapanahon ang baybay ng pangalan ng mga lugar sa Filipinas.

Ensiklopidya ng Kapayapaan

Pagkalap at pagsaliksik ng mga salitâng kaugnay ng kapayapaan sa mga wika sa Filipinas. Layunin nitóng makapaglathala ng awtorisadong sanggunian ng mayamang bokabularyo tungkol sa “kapayapaan” at kaugnay na tradisyon at pagpapahalaga ng komunidad.

Gramatikang Pambansa

Bagaman inilunsad noong 2013, opisyal na sinimulan noong 2014 ang pananaliksik para sa Gramatika ng Filipino bilang Pambansang Lingua Franca. Layunin ng proyektong ito na makabuo ng napapanahong imahen ng wikang Filipino, na isinasaalang-alang ang impluwensiya ng unang wika ng mga tagapagsalita. Pinuntahan ng mananaliksik ang sampung pinakamaunlad na mga siyudad at nagsisilbing tagpuan ng mga kultura at mga wika. Mula Lungsod Baguio sa Luzon, Lungsod Cebu at Lungsod Catbalogan sa Visayas, at Lungsod Davao at Lungsod Zamboanga sa Mindanaw, pinatutunayan sa mga datos ng mga mananaliksik na ang Filipino na sinasalita sa buong kapuluan ay pinayayaman at pinauunlad ng mga katutubong wika.

Tesawro ng Batayang Dalumat ng Kultura

Ang Tesawro ng mga Batayang Dalumat ng Kultura ay pagkalap ng mga katumbas na salita mula sa mga katutubong wika ng 387 batayang dalumat (basic concepts) na binuo ni Dr. Jesus Peralta, isang antropologo at ipinagkatiwala ang kaniyang database ng mga wika sa KWF.

Pagtuturo ng Filipino bilang Pangalawang Wika

Ang Pagtuturo ng Filipino bilang Pangalawang Wika ay nakatuon sa paghahanda ng mga materyal at pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga guro na nagtuturo ng Filipino bilang pangalawang wika sa batayang edukasyon. Kinikilala sa pamamagitan ng proyektong ito ang likás na katangian ng wikang Filipino na maimpluwensiyahan ng bokabularyo at estrukturang gramatika ng unang wika ng mga Filipino.

Dokumentasyon ng grupong Agta/Negrito

Komprehensibong pagdodokumento ng wika at kultura ng mga grupong Agta/Negrito, lalo na yaong mga grupong nanganganib nang mawala. Layunin nitóng maidokumento ang pang-araw-araw na pamumuhay, ang mga umiiral pang kaugalian at paniniwala, gayundin, makapagtalâ ng mga bokabularyo mula sa kanilang wika na itinuturing na unang mga wika sa Filipinas.

Diksiyonaryo ng Halamang gamot

Layunin nitóng makapaglathala ng diksiyonaryong magtatampok ng mga halamang gamot na katutubo sa Filipinas, kasáma ang retrato, ang bisa ng halaman bilang gamot, at ang iba pang mga katawagan sa halaman mula sa iba pang katutubong wika sa Filipinas. Lahok din dito ang mga halamang gamot na ipinasok lámang ngunit lumaganap na sa Filipinas. At lahat ng magiging lahok sa diksiyonaryong ito ay ilalagay sa isang computer database.

iii. Seminar, Treyning, at mga Forum

Uswag: Dangal ng Filipino 2015

Tatlong araw na pambansang seminar-workshop ng KWF sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Edukasyon at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining na tumatalakay sa Ortograpiyang Pambansa, KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, at Patnubay sa Korespondensiya Opisyal.

Konsultasyon sa mga Wikang Katutubo

Pinangunahan ng KWF, sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Edukasyon, ang konsultasyon sa mga wikang katutubong ginagamit sa programang MTB-MLE. Layunin ng serye ng mga konsultasyong ito na maarmonisa ang ortograpiya ng mga katutubong wika sa ortograpiyang pambansa. Sa pamamagitan ng armonisasyong ito, matatamasa ang pagtulay (bridging) sa pagtuturo gamit ang wikang katutubo at wikang Filipino.

Kapihang Wika

Buwanang media forum upang maibahagi sa midya ang napapanahong isyung pangwika at mga programa’t gawain ng KWF. Batid ng KWF na mahalagang kabalikat ang midya sa pagpapalaganap ng wastong paggamit ng wikang Filipino.

Lekturang Romualdez

Taunang lekturang ipinangalan sa dáting punòng mahistrado Norberto L. Romualdez. Ang taunang lektura na isinasagawa tuwing ika-6 ng Hunyo ay pagtatampok sa napapanahong mga kaalaman at makabagong pag-aaral hinggil sa wika at kultura ng Filipinas.

Seminar sa Korespondensiya Opisyal

Ang Seminar sa Korespondensiya Opisyal ay itinataguyod ng KWF sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) at Komisyon sa Serbisyo Sibil (CSC). Isang araw na gawain na dinadaluhan ng mga guro o kawani ng pamahalaan upang mapag-aralan ang wastong paggamit ng wikang Filipino sa mga korespondensiya opisyal. Ang Seminar sa Korespondensiya Opisyal ay isa sa mga gawain ng KWF upang maisakatuparan ang Atas Tagapagpaganap blg. 335.

Publikasyon

Aklat ng Bayan
Pandiwa
Iba pang babasahin

c.1. Madalas Itanong hinggil sa Wikang Pambansa
c.2. Pagpaplanong Wika at Filipino

Promosyon at Networking

Registry ng mga Organisasyong Pangwika

Talaan ng mga organisasyong pangwika sa buong Filipinas. Layunin nitó na makabuo ng mga network para sa mas madaling pagpapalaganap ng mga programang pangwika na pinangungunahan ng KWF at iba pang institusyon.

Registry ng mga Tagasalin

Talaan ng mga tagasalin (indibidwal man o organisasyon) upang makabuo ng network ng mga tagasalin at magkaroon ng panimulang listahan para sa “hukbo ng tagasalin” na bahagi ng binubuong Kawanihan sa Pagsasalin (Bureau of Translation)

Filipinas Posters
a.1. Vilma Santos
a.2. Noel Cabangon
a.3. Lourd de Veyra
a.4. Dingdong Dantes
a.5. Abigail Maraño

Mga Gawad at Timpalak

Gawad Julian Cruz Balmaseda

Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay isang gawad para sa pinakamahuhusay na tesis at disertasyon na isinulat gamit ang wikang Filipino para sa mga larang akademiko, lalo na sa agham pangkalikasan, agham panlipunan, at matematika. Layunin ng gawad na ito na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo ang pagsusulat at publikasyon ng mga akdang orihinal at ambag para sa intelektuwalisasyon at modernisasyon ng Filipino.

Timpalak Uswag Darepdep

Isang timpalak pampanitikan sa Filipinas na naglalayong magtanghal at kumalap ng pinakamahuhusay na akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na likha ng mga kabataang nasa edad 12-17. Isang paraan ang timpalak na ito upang payabungin ang produksiyong pampanitikan ng mga rehiyon sa pamamagitan ng pagsisimula sa mga kabataang manunulat sa mga katutubong wika. Inaasahang makapag-aambag sa mga wikang katutubo ang timpalak na ito sa pagpapayaman ng wikang Filipino—batay sa paniwala na ang pinakamataas at pinakamagandang uri ng wika ay matatagpuan sa panitikan.

Ulirang Guro sa Filipino

Taunang gawad na ibinibigay ng KWF sa mga natatanging guro na nagpamalas ng husay at inisyatiba sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa kanilang komunidad.

Dangal ng Wikang Filipino

Kumikilala sa mga nagtaguyod, nagpaunlad, at nagpalaganap ng wikang pambansa, ang Dangal ng Wikang Filipino ay parangal na ibinibigay lámang sa mga pilîng-pilîng indibidwal na may angking kontribusyon sa lipunan para higit na umangat ang Filipino sa iba’t ibang larang at dominyo ng kapangyarihan, gaya ng, ngunit hindi limitado sa, agham at teknolohiya, batas, edukasyon, inhinyeriya, kawanggawa, negosyo, pamamahala, sandatahang lakas, sining, at ugnayang panlabas.

Dangal ni Balagtas

Kumikilala sa mataas na ambag sa panitikan, ang Dangal ni Balagtas ay iginagawad sa mga manunulat at alagad ng sining na nakalikha ng mga akdang nag-iiwan ng bakas o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat. Pangunahing konsiderasyon ang pagpapamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang wikang panrehiyon o panlalawigan. Isinasaalang-alang din ang mga nalathalang aklat at iba pang akda na kinikilala sa angkin nitóng husay, lawak, at lalim, alinsunod sa matalisik na pagtanaw ng mga kritiko at publiko.

Talaang Ginto: Makata ng Taon

Mula pa noong 1963, kinikilala na ng Talaang Ginto ang galíng ng makatang Filipino. Pinagsasanib ng taunang patimpalak ang makulay na kasaysayan ng panulaang Filipino na pinalalakas ng mga umuusbong na kumbensiyon sa pagtula.

Gawad KWF sa Sanaysay

Taunang gawad ng KWF para sa pinakamahusay na sanaysay hinggil sa mga pilî at napapanahong tema. Sa pamamagitan ng timpalak na ito, naitatanghal ang Filipino bílang wika ng saliksik.

Salin Na!

Pambansang timpalak sa pagsasalin ng mahahalagang dokumentong pangwika, pangkasaysayan, at pangkultura sa wikang Filipino upang mabása at mapag-aralan ng mas nakararaming Filipino.

Sa ikalawang taon ng timpalak, itinatampok ang Impresiones ni Heneral Antonio Luna na magdiriwang ng ika-150 anibersaryo sa 2016.

Kampeon ng Wika

Iginagawad sa mga pilîng indibidwal at institusyon na ipinalalaganap ang wikang Filipino at mga wikang katutubo sa kani-kaniyang larangan. Sa nakaraang dalawang taon, nakapaghirang na ang KWF ng mga Kampeon ng Wika sa mga alagad ng midya, panitikang rehiyonal at organisasyong pampanitikan. Ngayong 2015, mas pinalawak ng KWF ang paghahanap ng mga karapat-dapat na indibidwal at organisasyon sa dominyo ng kultura, politika, musika, at akademya.