Ang Abril ay Buwan ng Panitikan ng Filipinas

BANYUHAY PANITIKAN

Mula sa pariralang “bagong anyo ng búhay,” ang salitang “banyuhay,” matapos ipauso noong dekada singkuwenta ni Alejandro G. Abadilla, ama ng makabagong Tulang Filipino, ang nakamihasnang panumbas sa Ingles na metamorphosis—terminong pambiyolohiya na tumutukoy sa isang napakalaking pagbabago sa pisikal na anyo o kabuuang estruktura ng isang organismo mula sa isang yugto patúngo sa susunod na yugto ng pag-iral nito. Sa literaturang pandaigdig, pamagat ito ng bantog at mapaghawing-landas na nobela ni Franz Kafka tungkol sa isang laláki na nang magising isang umaga ay isa nang insekto.

Noong dekada sitenta, higit na naging popular ang banyuhay bilang pangalan ng grupong pangmusika ng makata-kompositor-manganganta na si Heber Bartolome at nagpatanyag ng isang awiting may ganitong di-malilimutang linya: “Tayo’y mga Pinoy, tayo’y hindi Kano, / H’wag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango.” Mapaghawing-landas din ang grupong ito ni Bartolome sa larang ng popular na musikang Filipino.

Laging kaugnay ng panitikan bilang prinsipyo at hangarin ang pagbabanyuhay. Bilang malikhaing sining, prinsipyo ng pag-akda ang pagtatanghal ng “bago” o “naiiba.” Ang nakagawian o gasgas nang karanasan ay inihahain nang may bagong paraan ng pagtingin kayâ’t muling napagtutuunang-pansin at napahahalagahan. May naiibang nakikita ang makata o mangangatha, na hindi nakikita ng karaniwang mata, at ito ang sinisikap niyang itanghal upang makita ng mga mambabasá. Madalas, tulad ng nasabi na ni Aristotle ilang libong taon na ang nakararaan, isinasalaysay ng malikhaing manunulat hindi ang mga naganap kundi ang mga posibilidad. Batay sa kaniyang sitwasyong kinapapalooban at inoobserbahan, natutukoy niya ang mga puwedeng maganap at naaangkupan niya ng mga imahen, tauhan, diyalogo, aksiyon, at iba pa na makauupat ng pagkabagabag, pagkaligalig, at malalim na pag-iisip: Totoo nga kayâ ito? Puwede nga kayâng magkaganito? Ano nga kayâ’t mangyari ang ganito?

Itinalâ nga ba ni Jose Rizal sa kaniyang mga nobela ang mga nagaganap sa Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Español? O, batay sa kaniyang mga nasasaksihan ay naisip niya ang mga posibleng mangyari? Nakini-kinita nga kayâ niya ang pagkabigo ng himagsikan, na tunay na naganap sa ating kasaysayan? Hindi kayâ nahiwatigan ng mga nagbasá sa kaniya ang kritikal na panunuri at leksiyong ibinabahagi niya sa sitwasyong pampolitika at panlipunan ng kaniyang panahon? Sadyang hindi kayâ siya binabása maging ng mga lider ng bansa sa ngayon kayâ nauulit-ulit lamang ang mga pagkakamali sa kasaysayan?

Sabi ni Rolando S. Tinio, pangunahing makata-mandudula-direktor-aktor sa huling hati ng siglo dalawampu at postumong naideklarang Pambansang Alagad ng Sining, “laging sariwang alaala ng bayan ang panitikan.” Luma man o bago, taglay ng mga akdang pampanitikan ang lumipas, kasalukuyan, at hinaharap. Pagkat hindi talaan lamang ng mga nangyari kundi ng mga posible, maaaring ibunyag ng teksto ang sitwasyong nais mabago at ang pagbabagong hangad na matupad. Hindi ang totoong nangyayari kundi ang minimithing maganap ang dapat na matambad sa tinutunghang akda. Kayâ nga puwedeng maging luma ang bago o bago ang luma. Lalo’t walang nangyayaring malaki at tunay na pagbabago o pagbabanyuhay sa batayang estruktura ng lipunan, laging magtatagpo bilang mga hangarin ang kahapon at bukas sa ngayon ng panitikan.

“Banyuhay Panitikan,” ito ang tema sa taóng ito ng malakihang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan sa Abril. Sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at sa suporta ng mga pampublikong ahensiyang nakapailalim dito tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Book Development Board (NBDB) pati na ng mga pribadong organisasyon tulad ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), PEN International, Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP), University of Santo Tomas Center for Creative Writing and Studies (UST CCWS), Samaháng Pangmanunulat ng Polytechnic University of the Philippines, Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNS CWC), at iba pa, isinusulong sa selebrasyong ito ang mga sumusunod na layunin:

1) mahikayat ang pagkalinang ng mga bagong pampanitikang anyo, kaisipan, at ekspresyon sa pagtataguyod ng mga forum at seminar;

2) makatuklas ng mga bagong manlilikha sa pagsasagawa ng mga palihan at palabas na mapagtatanghalan nila ng kanilang mga akda at talento; at

3) makapagbigay ng espasyo para sa paggamit ng karunungan ng katutubo o komunidad pati na ng mga tradisyon at kasaysayan bilang kuwadro teoretiko ng samot-saring pampanitikang ekspresyon at mga gawaing pampamayanan.

Malinaw para sa mga organisador ng pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan sa Filipinas ang mapagbanyuhay na katangian ng panitikan. Dapat mabatid at alalahanin ng lahat na ang panitikan, na isang malikhaing sining, ay isa ring institusyong panlipunan at pampolitika. Hinuhubog ito, kung paanong hinuhubog nito, ng mga tagisan ng kapangyarihang nagaganap sa lahat ng aspekto ng búhay at pamumuhay ng mga mamamayan. Narito ang mga nakamihasnan at ang dapat talikdan, ang karaniwan at mga alternatibo, túngo sa pagbalangkas at pagsasakatuparan ng mga nararapat at kailangang pagbabago. Para sa isang totohanang banyuhay panitikan.