KULO AT KOLORUM (92) “SAMU’T-SARI”

TUGATOG NG KAMANGMANGAN ang pagsulat ng anyong “samu’t-sari.” O kahit na ang anyong “samo’t-sari.” Kapag nakita ko ito sa libro ng isang propesor sa Filipino, iniisip ko kung nagbuklat man lámang siyá ng matinong diksiyonaryo sa buong búhay niya. Kapag natunghayan ko ito sa tabloyd, iniisip ko kung naging titser ng reporter o ng editor ang mangmang na propesor. Sapagkat sa ganoong paraan kumakalat ang kamangmangan sa wika: Mula sa isang mangmang na guro tungo sa isang estudyante na kung maging guro o miyembro ng midya ay ikakalat din ang kamangmangan sa sambayanan.

Una, bakit may gitling ang “samu’t-sari”? Inuulit ba? Hindi, dahil ang totoong anyo nitó ay “samu at sari.” Kayâ dapat wala itong gitling. Ngunit may salitâ bang “samu”? A, bakâ inisip ng sumulat na “samo” ang tunay na anyo ng unang salitâ ngunit kailangang palitan ng U an O dahil nadikitan ng ’T? May ganoon bang tuntunin sa Filipino? Wala rin. Kayâ sobrang kamangmangan ang itinatanghal ng pagsulat sa anyong “samu’t-sari.”

Ang ibig sabihin talaga ng sumusulat ng “samu’t-sari” ay pagdurugtong sa “samot” at sa “sari.” Dalawang lehitimong sinaunang salitâng Tagalog ang mga ito. Ang sarì ay nangangahulugang “ibá-ibáng bagay na pinagsáma.” Ganoon din ang ibig sabihin ng sámot. Kayâ kapag ginamit sa anyong inuulit ang sarì-sarì at ang sámot-sámot, nangangahulugan ito ng “maraming ibá-ibáng bagay o sangkap na pinagsáma.”

Ang pagsasabi, sa gayon, ng sámot-sarì ay isang eksaherasyon. Napakaraming ibá-ibáng bagay o sangkap ang pinagsáma-sáma. At iyon naman ang waring ibig ipahiwatig ng mangmang na gumagamit ng “samu’t-sari” o “samo’t-sari.”
Muli, may pilosopong sampay-bakod na igigiit na “nakamihasnan” na ang “samu’t-sari.” At kayâ dapat daw pahintulutang gamitin. Paanong maituturing itong nakamihasnan samantalang hindi ito ginagamit noon. Sari-sari at samot-samot lámang ang nása bokabularyo ng ating mga ninuno. Pumasok lámang ang pinagsámang samot at sari sa makabagong panahon at sa panulat ng mga guro at editor na mangmang sa Tagalog. Siyempre, mabilis niláng naihawa sa kaniláng kamangmangan ang mga muslak na di-Tagalog.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.




KULO AT KOLORUM (91) PATAYIN ANG OLIGARKIYA!

KASUNOD NG KAMPANYA laban sa droga, nagdeklara kamakailan ang Pangulong Rodrigo Duterte ng pagdigma laban sa mga “oligárka.” Ito ang iilang tao na may monopolyo ng kapangyarihang pampolitika at pangkabuhayan. May “oligarkíya” palá sa halip na demokrasya sa Filipinas. Dahil hawak ng mga “oligárka” ang mga lider nating politiko, silá diumano ang nakasasapote ng lahat ng malalaki’t masasabaw na kontrata ng gobyerno.
Ang totoo, Ingles ang salitâng ginamit ni Pangulong Digong: oligarch. Isang salitâ itong mula sa Griegong oligarkhēs [oligos= ilan o kaunti; arkhēs=arka] at may katumbas na oligarca sa Español. [Ang kabá ko, bakâ naisalin itong “oligárko” ng mga reporter natin at brodkaster!]
Gayunman, kung tamà ang pagkatandâ ko, hindi ito ang unang paglabas ng oligarch sa ating politika. Ginamit na ito noon ni Pangulong Marcos upang tukuyin ang iilang mariwasâ sa ating lipunan na kumokontrol sa buong ekonomiya ng Filipinas. Ipinahayag din ni Pangulong Marcos noon na dudurugin niya ang mga oligárka. Alam kong isa ang pamilya Lopez sa nagdusa sa kampanyang iyon. Ngunit hindi palá napuksa ang mga oligárka? Sa halip, nadagdagan pa ng sinasabi namang mga crony ni Pangulong Marcos. Hintayin natin kung higit na mabagsik ang gagawing kampanya ni Pangulong Digong laban sa mga oligárka.
Mula rin sa aking munting sulok, iminumungkahi kong suriing mabuti ang iilang oligarkikong pamilya sa buong kapuluan. Bakâ lumitaw na silá rin ang mga naghaharing dinastiya sa politika. May sospetsa rin ako na nakalaganap silá sa mga isla at rehiyon. Kung sakali, may mansiyon lang silá sa Forbes o Alabang, pero nása mga probinsiya ang kaniláng mga plantasyon, minahan, pabrika, at malalakíng negosyo. Magandang ipubliko ang naturang saliksik hinggil sa mga oligárka. Kasi, kung sakali, bakâ mabawasan ang poot ng mga taga-Cebu at taga-Davao sa tinatawag niláng “Imperial Manila.” Bakâ makita nilá na ang marami sa mga “Imperyalista” sa Metro Manila ay hindi mga Tagalog kundi nag-ugat din mula sa kaniláng siyudad sa Cebu, Panay, Negros, at Mindanao.
Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.



KULO AT KOLORUM (90) ANG KASO NI LAPU-LAPU

NOON DAW PANAHON ng kampanya ay nagpahayag si kandidatong Digong Duterte na “iwawasto” niya ang trato kay Lapu-Lapu bílang bayani ng bayan. Ngayong Pangulong Digong Duterte na siyá, marami akong naririnig na ugong na dapat niyang ituwid ang “historikal na kawalang-katarungan” na sinapit ni Lapu-Lapu sa itinuturong kasaysayan ng Filipinas.
Paano kayâ? Ideklara ng Malacañang si Lapu-Lapu na isang pambansang bayaning kahanay nina Rizal at Bonifacio? Kapag nagkagayon, dapat ding itaas ang ranggo nina Tamblot, Dagohoy, Soliman, Diego Silang, at napakarami pang ibáng lumaban sa kolonyalismong Español. Bakit si Lapu-Lapu lang ang puyo ng interes ni Pangulong Digong Duterte? Dahil “Bisaya” si Lapu-Lapu? Pero marami pang ibáng Bisayang bayani ang ating bayan, bakit si Lapu-Lapu lang ang dapat muling pag-aralan?
Ang totoo, makabubuti na marami táyong itampok na mga bayani sa ating kasaysayan. Kailangan natin halimbawa ang ibá-ibáng imahen ng kabayanihan, lalo na mula sa hanay ng kababaihan. Bakâ kailangan din natin ang magagandang modelo ng alagad ng sining, ng mga siyentista, ng mga lingkod ng bayan. Para hindi puro mandirigma, heneral, martir, at politiko ang ating templo ng kabayanihan.
Sa kaso ni Lapu-Lapu, palagay ko’y unang dapat asikasuhin ng saliksik ay ang tumpak niyang pangalan at ang paraan ng pagbaybay dito. “Lapu-Lapu” ba siyá talaga. Bakit may gitling? Hindi ba’t higit na nararapat ang walang gitling na “Lapulapu.” Kapangalan ba siyá ng ating mamahaling isda?
O kayâ, bakâ mas wasto ang haka na “Lapu” lámang ang pangalan ng magiting na unang tagapagtanggol ng kalayaan? Katulad ng haka ng ibang historyador sa pangalan ng sagisag ng unang pakikipagkaibigang pandaigdig—si Sikatuna. Sabi nilá, “Tuna” lang ang kaniyang pangalan, dahil ang Sikatuna ay nagkamalîng pagtatalâ sa “Si Ka Tuna.” Marami diumanong nahahawig na pagtatalâ sa pangalang katutubo na naisasáma ang pantukoy (kayâ “Si Dapa” ang dapat na pagsulat sa “Sidapa”) o ang katawagan ng paggalang (kayâ “Ka Tigbak” ang dapat na pagsulat sa “Katigbak”).
Ngunit ano ba ang “lapu” sa Bisaya? Kung wala, bakâ mas mainam ang likhang pangalan sa isang bayani ng komiks, si “Kulafu,” at patuloy na ikinasisiya bílang tatak ng siyoktong sa Mindanao. Kayâ lang, ang problema’y walang tunog F sa Bisaya.
Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.



KULO AT KOLORUM (89) LÁWIG, LAWÍG

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO·FRIDAY, JULY 1, 2016
ni Virgilio S. Almario

MARAMI SA dumalo nitóng 19 Mayo 2016 sa pagbubukás ng Lawig, eksibit ng dalawang kabataang artist mulang Negros, ang nag-akala na ukol ito sa Tagalog na “láwig.” Wala kasing tuldik ang pamagat ng eksibit at inisip ng mga dumalo na nauukol ito sa pagpapahabà o pagpapalawak ng saklaw ng sining. Gaya na rin ng posibleng “pagpapaláwig” ng bisà ng sining ng dalawang taga-Negros hanggang sa Kamaynilaan.

Bukod pa, talagang isang ordinaryong paraan ng paghulà sa bigkas ng isang salitâ na kapag hindi tiyak ang kahulugan at walang tuldik ay bigkasin ito sa paraang malumay.

Kailangan tuloy magpaliwanag ang mga artist na salitâng Hiligaynon ang kanilang pamagat at may bigkas itong mabilis: “Lawíg.” Sa Hiligaynon, ang “lawíg” ay púsod o umbilical cord. Ibig ipatuklas ng dalawang artist ang kaniláng sariling pagkamulat hinggil sa kanilang pinagmulang pook, gayundin ang kaniláng pagsasaproblema sa historikong relasyon ng Negrense at Ilonggo.

Sa unang aspekto, nais niláng itanghal ang malulungkot na realidad sa lipunang Negrense, lalo na ang paghihirap ng marami at kasaganaan ng iilan. Sa ikalawang aspekto, nais niláng ipadamá ang kirot ng waring pagbubukod ng mga Negrense at mga Ilonggo laban sa isa’t isa samantalang iisa ang kanilang púsod o pinagmulan.

Isa sa dalawang artist ay Ilonggo ngunit nagtira sa Bacolod. Isa ang lumaki sa Bacolod ngunit nag-aral sa UP Iloilo. Kapuwa nilá dinanas ang hirap makisáma sa napuntahang pook. Bakit? Dahil hindi maganda ang turing ng mga Ilonggo sa Negrense at hindi rin maganda ang turing ng mga Negrense sa Ilonggo. Isang malaking misteryo ito lalo na kapag nakinig sa kasaysayan ni Dr. Cecilia Nava na nagsasabing nagmula sa Iloilo ang karamihan sa mga unang mayaman at mga unang magsasaká na nandayuhan sa Negros. Kayâ iisa din ang kaniláng wika; ngunit kung bakit magkahiwalay, wika nga, ang kanilang puso.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.




KULO AT KOLORUM(88) PRESUMIDO

MEDYO NAHULÍ NA ako sa pagpansin nitó. Pero ibig ko pa ring makiisa sa mga pumuna hinggil sa paggamit ng “presumptive” sa bagong-halal nating Pangulo ng Filipinas. Una, waring iniuso na naman ito ng ating midya bunga ng panggagaya sa nagkataóng malawakang gamit nitó sa United States. Ikalawa, mahahalatang may alagang samâ-ng-loob ang nag-uso nitó sa atin.

Kapag tiningnan sa diksiyonaryong Ingles, ang “presumptive” ay isang pang-uri na tumutukoy sa isang bagay na tinatanggap dahil sa kakulangan ng dagdag na impormasyon o inaakalang totoo batay sa mga nakuhang katunayan. Ginagamit ito ng mga Amerikano para ilarawan ang kalagayan ng mga politikong kumakandidato at naghihintay ng nominasyon ng kaniláng partido. Sa ating kawikaan, para siláng “nakabitin sa balag-ng-alanganin.” Kung medyo liyamado, gaya ng kalagayan ngayon nina Donald Trump ng Republican Party at Hilary Clinton ng Democratic Party, tipong “feeling” nominado na silá kayâ “presumptive.”

Kung gagamitin ito sa naganap na tagumpay sa eleksiyon ni Meyor Rodrigo Duterte, nangangahulugang hindi pa tiyak ang pagiging Pangulo niya ng Filipinas hanggang magtipon ng Board of Canvassers ng Kongreso sa 25 Mayo at opisyal siyáng ipahayag na nagwaging Pangulo ng Filipinas.

Ngunit, at ito ang malaking ngunit. Bakit kailangang gamitin ang “presumptive” kay Duterte sa kabilâ ng milyon-milyong botong inilamang niya sa kasunod na si Mar Roxas? Sinumang makakuha ng gayong malaking boto ay hindi na dapat ituring na “presumptive.” Tiyak na, “presumptive” pa rin ang turing? Sumuko na nga ang mga kalaban, “presumido” pa rin ang pakiramdam?

Ang isang tanong nga, ginamitan ba ng “presumptive” sina Ramos, Erap, GMA, at PNoy noong naghihintay silá ng opisyal na proklamasyon? Hindi. Tinawag agad siláng “president-elect.” Sa aking palagay, hindi lang nakikiuso sa mga Americano ang tumatawag kay Digong na “presumido.” May kargang prehuwisyo iyon. Lalo na mula sa mga hindi matanggap ang katotohanang santambak ang tiwalang nakuha ng meyor ng Davao mula sa sambayanang Filipino.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.

 




KULO AT KOLORUM (87) PG, DQ

SA DUMATING NA mga mungkahing akronim ay dalawa ang napagtuonan ko ng pansin.

Una, ang DQ (di kyu), na ang totoo ay mas dapat ituring na daglat para sa disqualification. Matagal ko na itong alam. At alam kong alam ng mga taga-UP, lalo na ang mga nanganganib makatanggap ng ganitong hatol at mapaalis sa unibersidad. Kumakatawan ito noon sa delinquent at hindi kasimbagsik ng DQ ngayon. Pero nagkaroon ito ng atensiyong pambansa dahil sa naging kaso laban kay Grace Poe. Ang kabá ko nga, bakâ marami sa mga mamamayan ang bumibigkas ngayon ng DQ at alam ang legal na gamit nitó pero hindi alam ang pinagmulang salitâng Ingles.

Ikalawa, ang PG (pi dyi), na nakagugulat ang kahulugan ngayon sa sektor ng kabataan: “PatáyGútom.” Nakagugulat, dahil Ingles ang bigkas sa akronim ngunit Filipino ang ibig sabihin. Nakagugulat, hindi ito ang inaasahan kong kahulugan.

Ang alam kong PG ay ang gamit na akronim sa lupon ng mga sensor sa pelikula: “Parental Guidance,” at mas mahigpit sa GP o “General Patronage.” Ang ibig sabihin sa PG, puwedeng panoorin ng musmos pero dapat na may tsaperong nakatatanda. Gayunman, itinuturing na itong mas maluwag kaysa markang bawal ang menor de-edad.

Ngunit ang PG ng mga tin-edyer ngayon ay may bahid ng pamantayang panlipunan at pangkabuhayan. Sa tahas na turing, panlait sa kapuwa-tao. PG ang mukhang dukha, at lalo na ang umaastang hindi kumakain sa oras o talagang walang kakayahang mapakain ang sarili. Kayâ kapalmuks na nakikikain, malakas kumain, o hindi nahihiyàng manghingi o tumanggap ng maski ano mula sa ibang tao.Sa maikling salitâ, ang PG ay isang táong walang dangal.

Ang totoo, ang PG ay isang bagong pangyayari. Walang “patáy-gútom” sa sinaunang wika ng Filipinas. Kahit ang “pulúbi” ay nagmula lámang sa pobre ng Español. Ang malubhang paghihikahos ay resulta ng kolonyalismo at matitinding paghihirap sa makabagong panahon. Gayunman, maaaring hindi nais laitin ng mga kabataan ang ating mga dukha. Sa halip, higit na nais tukuyin ng mga kabataan sa PG ang mga oportunista, ang mga trapong politiko, ang mga walang-budhing negosyante, ang mga korap na empleado ng gobyerno, ang mga kotong pulis, atbpang nabubuhay sa pawis ng kapuwa-tao.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.

 




KULO AT KOLORUM (86) PAKUPYA SA FRENCH

HINDI NATIN ALAM kung sa wikang French kinuha ni Rizal ang circumflaje na tinawag ni Lope K. Santos na “pakupyâ”—ang tuldik na mukhang salakot (^) na ipinagamit na simbolo para sa diing maragsa para sa mga salitâng nagtatapos sa patinig. Circonflexe ito sa French at karaniwang ginagamit sa ibabaw ng patinig upang isimbolo ang nawala at sinusundang tunog na S. Halimbawa ang maîtresse.

Nabanggit ko ito dahil sa isang gulo ngayon sa France bunga ng nais pairaling reporma sa ispeling ng wikang French. Isa sa reporma at higit na pinoprotestahan ay ang pagtatanggal ng circonflexe. Wala daw silbi, at mainam alisin para maging mas simple ang wika, sabi ng Akademyang Frances. Kayâ ang halimbawa ko sa itaas ay magiging maitresse. Ang totoo, 20 taón na ang nakalilipas nang ipanukala ito ng Akademya. Makikita na matagal naghintay ang gobyerno bago pinairal ang panukala ng Akademya—na kinikilálang taliba para sa pagpapanatiling dalisay ng wikang French. Sa kabilâ ng paghihintay ng tamang panahon at sa kabilâ ng pangyayaring nagmula ang panukala sa iginagálang na lupong pangwika, sinalubong pa rin ng malaking protesta ang reporma.

Sabi ng mga nagpoprotesta, ginagamit lang dahilan ang simplipikasyon para sa medyokridad. Ang paghihirap daw sa ispeling ay nararapat at isang senyas ng mabuting edukasyon. May nagsasabi pa na ang kahinaan sa lumang ispeling ay sintomas ng paghinà mismo ng France. Na ang pangangailangang gawing simple ang wika ay pruweba lang na nawawalan na ng lakas at lusog ang buong bansa.

Maaaring mabisàng pangkonsiyensiya sa gobyerno ang hulí kong binanggit na banat. Ngunit ang kaso ng circonflexe ay malinaw na patunay sa malimit na irrasyonal na tunggalian sa bawat pagbabagong pangwika. Maraming hindi basta tumatanggap ng katwiran. Kahit nagmula ang pagbabago sa isang institusyong gaya ng Akademyang Frances na itinatag noon pang 1635. May mga mamamayang tagagamit ng wika sa France hindi basta matatanggap na wala talagang silbi ang tulad ng circonflexe. At bakit? Dahil nakamihasnan na niláng gamitin ang circonflexe. Nakamihasnan na niláng magdagdag ng sikap para masunod ang lumang tuntunin sa pagbaybay. Mahirap awayin ang nakamihasnan.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.




KULO AT KOLORUM (85) AKRONIM PA MORE

INULAN AKO NG text tungkol sa akronim. Luma na raw ang alam ko. Pasensiya po, matanda na po. Nagtanong tulong ako sa mga apó ko. Nagulat ako sa ibinigay niláng mga sampol.

Sige nga, alam ba ninyo ang GMG? Sagot: “Google Mo Girl.” Alam kong alam na ninyo ang MU. “Mutual understanding.” Pero may bagong pakahulugan: “Mag-un.” Binago ang “on” hindi para pumasok sa U ng MU, kundi para daw magtunog Pinoy. Ewan.

Pero heto ang mas mabigat. HHWWPSSP. Sirit? “Holding hands while walking at pa-sway-sway pa.” Grrrabe!
Kung sa bagay, ang tagal kong nag-isip noong una kong matanggap sa text ang “btw.” “By the way” palá. Ngayon, paborito ko na ito kapag nakikitsika sa text. Pero ginulat pa rin ako ng sagot sa aking “otw” nang itanong ko kung nasaan ang hinihintay ko. Akala ko, nagkasakit. At mabuti’t hindi ko iniwan. Noon palá’y “on the way” ang mensahe.
Gayunman, palagay ko’y nagiging kodigo ng magkakabarkada ang ganitong akronim. Kung hindi man, nagpapakyut lang. At malaki ang suspetsa kong hindi magtatagal ang marami sa mga ito. Hindi katulad ng “ty.” Institusyon na. Bagaman dapat mag-ingat sa paggamit. Kasi, mukhang táyong mga Pinoy lang ang nagti-ty.

Naalala ko tuloy ang isang debate namin ng isang manunulat sa Ingles na pumuna sa inimbentong “palikuran” para sa toilet. Mahabà na daw, masyado pang magálang. Bakit daw hindi gamitin ang CR. “Comfort Room.” Internasyonal daw at maiintindihan kahit saan. Akala niya’y Americano lang ang nagto-toilet. Sa London, WC ito. “Water Closet.” At dahil mas pa-British ang mga Japanese, hindi alam sa Tokyo ang CR.

Ang totoo, mahirap gamitin ang CR para sa maraming kubeta natin, lalo’t pampubliko. Malimit na marumi, mabahò, walang tubig, walang sabon, walang papel. Kayâ sa halip na comfort ay teribleng discomfort ang dadanasin mo.

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabasá. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.