(Panayam para sa Sawikaan, 25 Setyembre 2014)

ni Virgilio S. Almario

 

 

NARITO ANG ISANG paborito kong “Battle of the Brainless.”

 

Anawnser: Anong nag-uumpisa sa ”S” ang ating national flower?

(Beep) Kontestant A: Sunflower!

Anawnser: Mali. Dagdag na clue. Itinitinda ito sa kalye.

(Beep. Beep) Kontestant B: Stork!

Anawnser: Mali. Inuulit ko. National Flower. Pambansang Bulaklak.

Nag-uumpisa sa “S.” Itinitinda sa kalye.

(Beep. Beep) Kontestant B: Sitsarong Bulaklak.

Anawnser: Mali. Mali. Last clue. Nagtatapos ito sa letter “A.”

(Beep) Kontestant A: Sitsarong Bulaklak na may sukà.

 

Ginagawa nating katatawanan kahit ang ating sariling kahinaan. Bukod sa sampagita, tamaraw, at tinikling. Bukod kina Lapulapu, Rizal, Bonifacio, Marcelo H. del Pilar, at Mabini. Bukod sa Intramuros, Boracay, Banaue, Chocolate Hills. Bukod sa Katipunan, Republikang Malolos, Death March. Ano pa ang alam natin tungkol sa ating sariling kasaysayan at pambansang karanasan? Halimbawa, alam ba natin na “naga” ang orihinal na pangalan ng “narra”? Nasaan ba ang Pasong Tirad? Kung wala sa teksbuk, di na natin alam. Bukod pa, minememorya lang natin ang lahat. Hindi natin talaga inaalam para maging maging bahagi ng ating karunungan. Halimbawa, bakit ba may rice terraces ang mga Ifugaw? Ano ang silbi ng bakawan sa ating búhay?

 

Ito ang tinatawag na cultural literacy. Literasing pangkultura.

 

Napakababà ng ating pambansang literasing pangkultura. Bakit? Hindi kasi sapat ang pormal na pag-aaral tungkol sa bagay na ito. Kulang ang laman ng mga teksbuk. Kulang din sa kaalaman ang mismong mga guro ng agham panlipunan at ng Filipino. Paano natin aasahan ang mga guro sa panitikan na ni hindi nakababása ng kahit isang libro ng bagong tula ni Rio Alma? Paano natin paniniwalaan ang isang titser sa kasaysayan na ni hindi nakahipo ng history books nina Renato Constantino at O.D. Corpuz? Napakababà ng literasing pangkultura ng mga guro natin sa batayang edukasyon. At kahit siguro sa edukasyong tersiyari.

 

Dapat sanang tumulong sa atin ang radyo’t telebisyon. Ngunit ano bang programang edukasyonal ang mapapanood sa malalaking tsanel? Kulturang KKK. Ang hilig nating magmemorya ng Kakatwa, Katawa-tawa, at Kagila-gilalas. Manok na apat ang paa. Pamilyang unano. Birheng lumuluha ng itim na tubig. Mga madyikero. Parang karnabal ang laman ng ating diyaryo. Parang horror house naman ang mga hedlayn na krimen, hulidap, korupsiyon sa gobyerno. O parang Guinness World Record ang pinakamalaking buwaya, pinakamahabàng hotdog, pinakamalapad nabibingka.

 

Dapat sanang sagipin táyo mula sa kamangmangan ng ating gobyerno. Ngunit kasingmangmang din lámang natin ang ating mga pinunò’t politiko. Kung hindi nagnanakaw, higit na nais niláng hanguin táyo mula sa kahirapan. At paano? Sa pamamagitan ng edukasyon. Ngunit edukasyong madalîng pagkakitahan. Ngayon, ang tawag nila’y “edukasyong global.” Para daw maging “competitive” ang kasanayan natin sa world market. Ang ibig lang sabihin, para mas marami sa atin ang makapagtrabaho sa ibang bansa. Noon pa’y ito na ang itinuturo sa ating halaga ng edukasyon. Mag-aral para magtagumpay. Ang ibig sabihin ng “magtagumpay” ay yumaman. Iyon din ang layunin ng di-nakaapag-aral na magnanakaw at ng edukadong magnanakaw sa Customs, magnanakaw na pulis, magnanakaw sa batasan, palasyo, at hukuman.

 

Sapagkat diploma lang ang pangunahing layunin sa pag-aaral, parang pabrika ang ating mga kolehiyo’t unibersidad. Komersiyal. Umaabot sa dalawang libo ang mga paaralang tersiyari sa buong Filipinas. Sa China, 300 lang. Ilang mga imbentor, siyentista, inhinyero, at matitinik sa saliksik mayroon táyo? Sa tinatagal-tagal, wala pang sanlibo. Marami pa rito ang nása ibang bansa. Bakit táyo nagpapaaral ng mga kabataan para magtrabaho sa ibang bansa? Para magpadalá silá ng dolyar? Pero sino ang magpapahusay sa ating industriya kung ang mahuhusay nating edukado ay nása ibang bansa? Kahit tumaas ang ating remittances, may higit na pakinabang ang ating puhunan sa edukasyon kung narito’t ginagamit ng ating mga edukado ang talino para paunlarin ang kabuhayan ng bansa.

 

 

Kultura at Kasaysayang Filipino

 

EDUKASYONG PANGKULTURA ANG ang isang dakilang sagot sa ating pambansang suliranin. Kailangan natin ang higit na edukasyon hinggil sa ating sariling kultura’t kasaysayan upang higit nating makilála at mahalin ang ating sarili. Ang edukadong may ganap na kaalaman hinggil sa kultura at kasaysayan ng Filipinas at minamahal ang naturang kaalaman ang tatawagin kong “Si Marangal na Filipino.”

 

Si Marangal na Filipino ay “Filipino” sa isip at diwa. Hindi siya nag-iisip bilang Kristiyano o Muslim, o NPA o MILF, o Sebwano o Ilokano, o Aquino o Marcos, o Ateneo o De La Salle. Higit na iniisip niya ang kaligtasan at kapakanan ng Filipinas. Hindi ang interes lámang ng pamilya o ng partido. “Filipino” siya sapagkat nakalaya ang kaniyang kamulatan at kalooban mula sa mga prehuwisyo at makikitid na hálagáhang ikinakalat ng mass media, politika, at maski na ng relihiyon.

 

Sapagkat ipinagpaparangalan ni Marangal na Filipino ang pagiging “Filipino,” malaki ang posibilidad na magsisikap siyang maging “Marangal.” Hindi lámang niya iiwasan ang lahat ng uri ng korupsiyon. Mag-iisip siyang ibahagi ang talino’t kasanayan sa kaniyang bayan. Alam niya, higit na maipagpaparangalan niya ang Filipinas kung mahahango ito sa kinasadlakang kumunoy ng karalitaan. Hindi niya pagsasamantalahan ang kamangmangan ng mga kababayan. Hindi rin niya tatakasan ang sawing kapalaran.

 

Sasabihin ninyo, nangangarap na naman si Almario.

 

Ngunit noon pa natin nakikita ang pangangailangan para sa isang edukasyong mapagpalaya. Para makalaya tayo mula sa mga kuko ng Amerikanisasyon, mula sa piring ng sinasabi ni Rizal na Oskurantismo. Para makalaya táyo mula sa makasarili kundi man konserbatibong hálagáhan.

 

Ngunit ano ang sagot natin laban sa naturang pambansang kahinaan? Dinagdagan natin ang subject sa values education. Naglista táyo ng mga hálagáhang madalas ay tila duplikado lámang ng mga birtud ng isang Kristiyano o ng isang mabuting Boy Scout o Girl Scout. Hindi natin itinuturo kung ano ang mabuting “Filipino.” Sa ating pagtuturo, ang “Filipino” ay masunuring Kristiyano o Boy Scout o Girl Scout, at hindi kailanman “Filipino.” Kayâ, hindi sibika ang remedyo. Kailangan lang dagdagan ang mga leksiyon hinggil sa mga bagay na maipagpaparangalan natin at maipagmamalaki bílang Filipino. Para makilála natin ang sarili bílang “Filipino.” Para buong katapatang maipahayag natin ang islogan ni Gob. Vi na “Filipino ako, Filipino ang wika ko, Filipinas ang bayan ko.”

 

Kung ano-ano ang isinisermon natin sa mga kabataan. Kayâ silá lalong nalilito. Ang kailangan natin ay mga edukadong si Marangal na Filipino. Tandaan ang unang-unang pangaral ni Emilio Jacinto sa mga Katipunero noon, “Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.”  At ano ang pinakamalaki at pinakabanal na kadahilanan noon para sa mga Katipunero?? Pag-ibig sa bayan. Palagay ko, iyon pa rin ang pinakamalaki at pinakabanal na tungkulin natin ngayon. Iyon ang pagiging “Filipino” ni Marangal na Filipino. Kasunod na niyan si Filipinong Makatarungan, Makatao, Makalikasan, Matulungin, May Sariling Sikap, Disiplinado, atbp.

 

 

 

Ferndale Homes

20 Setyembre 2014