Sabay na pasisinayaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Filipino Ito!, isang eksibit na nagtatampok ng iba’t ibang salitang nagpapakita ng kulturang Filipino, sa tanggapan ng Senado ng Filipinas at sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Filipinas, sa 14 Agosto 2019, 1:30nh.

Layunin ng Filipino Ito! eksibit na maitampok ang yaman ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas. Mula vakúl ng mga Ivatan hanggang lépa ng mga Badjaw, binubuo ang eksibit ng 27 salita na tanda ng karunungang nakuha mula sa mga katutubo at nailahok na sa Wikang Pambansa.

Ilan pa sa mga ibibidang salita ay bánoy o mas kilala bilang agila, buláwan o ginto, ang salitang laya at ang dami ng kahulugan nitó sa mga katutubong wika sa Filipinas, at katarúngan na salitang Sebwano.

Makakasama ni Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo Virgilio S. Almario si Pangulo ng Senado Vicente C. Sotto III para sa bating pagtanggap sa Tanggapan ng Senado.

Si Sotto ay kilala bilang tagapagtaguyod ng wikang pambansa. Kamakailan lamang ay inihain niya ang Senate Bill No. 499 na sumususog sa Republic Act No. 7104 o ang Komisyon sa Wikang Filipino Act.

Magbibigay naman ng kanilang mensahe sa tanggapan ng Kongreso sina Pasig Rep. Roman Romulo, kasama si KWF Direktor Heneral Atty. Anna Katarina B. Rodriguez. Inanyayahan din sa pasinaya sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy House Speaker Loren Legarda.

Ang paglulunsad ay bukás sa publiko.

Ang Filipino ito! eksibit ay bahagi ng mga inihandang proyekto ng KWF para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2019 na may temang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.

Pagkaraan ng eksibit sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan, dadalhin ng KWF ang eksibit sa mga paaralan at iba pang interesadong ahensiya ng pamahalaan. Para sa reserbasyon ng eksibit, makipag-ugnayan lang sa komisyonsawika@gmail.com.