Pinasinayaan noong 6  Disyembre 2018 ang ika-11 Bantayog-Wika sa Filipinas na kumikilala sa wikang Pangasinan at bílang pagpaparangal sa mga katutubong wika ng Filipinas, isinagawa ito sa Center Aisle, Maramba Boulevard, Lingayen Pangasinan.

Ang Bantayog-Wika, na likha ng tanyag na eskultor na si Luis “Junyee” E. Yee Jr., ay magkatuwang na inilantad sa madla nina Gob. Amado I. Espino III ng lalawigang Pangasinan at pangunahing katuwang sa proyekto, Bise-Gobernador Jose Ferdinand Z. Calimlim Jr., Kong. Leopoldo N. Bataoil, Dir. Mary Ann M. Macaranas ng Sentro ng Wika at Kultura, Kom. Purificacion G. Delima mula sa Komisyon sa Wikang Filipino at bílang kinatawan ng Tagapangulo at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Saksi rin sa isinagawang pagpapasinaya ang iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan sa lalawigan.

Yarì ang hubog-kawayang bantayog sa stainless steel at may taas na sampung talampakan. Nakaukit sa katawan nito ang baybaying bersiyon ng “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio. Lumiliwanag din ang teksto para sa mga nais bumisita sa kinatatayuan nito sa Maramba Boulevard.

Ang wikang Pangasinan ay isa sa mga panguhaning wika sa Filipinas. Ito ang wikang sinasalita sa lalawigan ng Pangasinan , partikular sa mga bayan ng Basista, Bayambang, Binmaley, Calasiao, Dagupan, Lingayen, Malasiqui, Mangaldan, Mangatarem, Mapandan, Pozorrubio, San Carlos, San Fabian, San Jacinto, Santa Barbara, at Uribiztondo. May mga nagsasalita rin nito sa mga bayan ng Anao, Camiling, Gerona, Lungsod Tarlac, Mayantoc, Moncada, Paniqui, Pura, Ramos, San Clemente, San Manuel, Santa Ignacia, at Victoria sa lalawigan ng Tarlac. Mababása ang dadag na deskripsiyon ng wika at kulturang Pangasinan sa marker na kapuwa nakasulat sa wikang Pangasinan at Filipino.

Una nang nakapagtatag ng mga Bantayog-Wika sa Antique para sa wikang Kiniray-a; Ifugao para sa wikang Tuwali; Lungsod Mati, Davao Oriental para sa wikang Mandaya; Kalinga para sa wikang Kinalingga; Occidental Mindoro para sa mga wika ng Mangyan; Bukidnon para sa wikang Binukid; Bataan para sa wikang Ayta Magbukon; Batangas para sa wikang Tagalog; Surigao del Norte para sa wikang Surigawnon; at Lungsod Baguio para sa wikang Ibaloy.

Inaasahan ang pagtatayo ng iba’t ibang Bantayog-Wika sa Filipinas na mayroong humigit-kumulang 130 katutubong wika at itinuturing na isang dakilang pamanang-bayan ng bansa. Itinataguyod ito ng Tanggapan ni Senador Loren B. Legarda at ng Komisyon sa Wikang Filipino.