Introduksiyon

Sa isang pagdinig sa Senado noong 2014, itinanong ni Senador Loren Legarda sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang isang napakahalaga ngunit napakasalimuot na tanong, ilan ba ang wika sa Filipinas? Mahalaga ang tanong na ito para sa isang multilingguwal na bansang kagaya natin dahil una, sa punto de bista ng praktikalidad, may implikasyon ito sa pagpaplano at pagpopondo ng mga proyektong pangwika. May implikasyon ito halimbawa sa programang pang-edukasyong Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE). Kung tukoy natin ang bilang ng mga wika, mas malinaw na makikita ang aktuwal na pangangailangan, at maiiwasang maipagamit sa pagtuturo sa mga bata ng isang komunidad ang wikang hindi nila lubos na maiintindihan. Mabibigyan din natin ang mga wika ng akmang pondo at panahong kinakailangan nila sa iba-ibang programa ng bansa.

Sa tanong na ito ni Senador Legarda nagsimula ang proyekto ng Atlas ng mga Wika ng Filipinas noong 2014. Nagsimula ang proyektong ito sa pagsusuri ng datos mula sa pitong pag-aaral na sinundan ng serye ng pagbabalida ng datos sa iba-ibang panig ng bansa—makikita ang mas detalyadong pagtalakay sa proseso ng pagbuo ng Atlas sa bahagi ng “Paano binuo ang Atlas”. Nitong 2016 naman inilabas ang resulta ng pag-aaral na ito nang mailathala ang Atlas ng mga Wika ng Filipinas, at ang katambal nitong Mapa ng mga Wika ng Filipinas. Dito, ipinakita ang naitalâng 130 na Wika ng Filipinas, pati ang iláng batayang datos hinggil sa kanila.

Bukod pa sa halagang dala ng praktikalidad, layunin din ng Atlas na ito na ipakita ang angking halaga ng mga katutubong Wika ng Filipinas, na ayon kay Fredrick Barth, isang eksperto sa sosyolingguwistika, ay isang mahalagang elemento sa pagkakakilanlan ng kultura (sinipi sa KWF 2016), Mahalaga din ang mga Wika ng Filipinas dahil nagsisilbi itong daluyan ng kaalaman at pangunahing paraan ng ekspresiyon ng kultura. Isang magandang halimbawa nito ang kaalaman sa flora at fauna ng kapaligirang ginagalawan ng isang kultura na ang mga pangalan at gamit ay mistulang nakatalâ sa wikang ginagamit nila. Dagdag pa rito ang halaga ng mga Wika ng Filipinas bílang pangunahing sangkap na tinitingnang magpapaunlad sa sistema ng edukasyon sa bansa gaya ng isinasaad ng Seksiyon 4 ng Batas Republika 10533 na “Basic Education shall be delivered in languages understood by the learners as the language plays a strategic role in shaping the formative years of learners…” Batay din sa ilang pananaliksik, may positibong relasyon ang malakas na kaalaman sa wika at kultura, at ang pagkalahatang positibong kalusugan (Walsh, 2018). Isa lang ito sa mga kongkreto at positibong epekto ng wika at ng pag-aalaga dito.

Ngayon, inililipat ng KWF ang Atlas ng mga Wika ng Filipinas sa panibagong midyum: online. Ang paglilipat na ito ay upang higit na mapadali at mapalawak ang pag-access dito ng higit na maraming Filipino—mga katutubong may-ari ng wika, eksperto, mananaliksik, estudyante, at sinomang nagnanais na higit pang matuto at makilala ang napakaraming wika ng Filipinas. Sa pamamagitan din ng mas malawak at mas madaling pag-access dito, nilalayon ng KWF na higit pang maging inter-aktibo sa mga komunidad, at buksan ang Atlas na ito sa komentaryo, mungkahi, puna, at input mula sa ibang mananaliksik, eksperto, at sa mga nagmamay-ari ng mga katutubong wika.

Para sa dagdag na detalye hinggil sa proseso ng pagbibigay ng inyong komentaryo, magtungo sa “Paano Gamitin ang Atlas na Ito.”

Ano nga ba ang mga Wika ng Filipinas?

Bago tayo tumungo sa pagpapaliwanag sa naging proseso ng Atlas na ito, talakayin muna natin ang terminong Wika ng Filipinas o sa Ingles: Philippine languages. Sa mga naunang pag-aaral sa Lingguwistika, mayroong dalawang pangunahing gamit ang terminong ito. Ayon kay Blust (1991) nagagamit ang terminong Wika ng Filipinas sa isang heograpikong pagbása bílang mga wikang sinasalita saFilipinas. Sa ilan pang kaso gaya ng Ethnologue, isinama rin dito wika ng mga “dayuhang” nanirahan na dito gaya ng Tsino, pati na rin ang dayuhang wikang natutuhan at ginagamit na ng maraming Filipino gaya ng Ingles. Nilagyan ko ng panipi ang salitang dayuhan dahil ang ilan sa mga ito ay nanirahan na nang matagal sa Filipinas, at itinuturing nang Filipino.

Ang pangalawan namang gamit ng terminong Wika ng Filipinas ay nakabatay sa henetikong ugnayan ng karamihan ng wikang sinasalita sa Filipinas (Blust 1991). Sa pag-aaral kasi ng mga wikang Austronesian, mayroong mga nagpapanukala na may hiwalay na grupo o subgroup sa loob ng pamilyang Austronesian na sumasaklaw sa halos lahat ng wika sa Filipinas. Lumalabas din ang saklaw ng henetikong batayan na ito sa politikal na teritoryo ng Republika ng Filipinas, at sumasaklaw sa isang wika sa teritoryo ng Taiwan, at iláng wika sa Sulawesi sa Indonesia. Hindi rin kasama sa subgroup na ito ang wikang Sinama, Yakan, at Inabaknon dahil nagmula sila sa ibang sangay ng pamilyang Austronesian.

Sa paggamit ng terminong Wika ng Filipinas sa Atlas na ito, kumuha kami ng iláng elemento mula sa mga nabanggit na pagbasa sa terminong ito. Una, limitado lámang ang saklaw nito sa mga wikang sinasalita sa kinikilalang teritoryo ng Republika ng Filipinas. Pangalawa, gagamit nang mas malawak na henetikong batayan. Imbes na maging limitado sa Philippine subgroup, isinama namin lahat ng wikang Austronesian na sinasalita ng mga Filipino na kabilang sa unang batayan. Pangatlo, bagamat hindi itinuturing na miyembro ng pamilyang Austronesian, itinuturing pa ring Wika ng Filipinas ang Chabacano na sinasalita ng iláng mga Filipino sa mga lungsod na malapit sa baybayin, pati ang Filipino Sign Language na sinasalita o isinesenyas ng mga Binging Filipino. Ang mga wikang ito ang matatagpuan ninyo sa Atlas na ito.

Paano binuo ang Atlas na ito?

Sa pagbuo ng Atlas na ito, sinimulan ang unang tentatibong listahan ng mga Wika ng Filipinas sa pamamagitan ng paghahambing ng pitong lokal na pag-aaral hinggil dito. Ang mga pag-aaral na ito ay ang sumusunod:

Sinangguning Pag-aaral Bílang ng Wika

      • Linguistic Atlas of the Philippines ni McFarland (1980)…110
      • A Comparative Study of the Philippine Lexicons ni Yap (1990)… 80
      • Census of Household Population by Ethnicity, Sex, and Region: Philippines ng National Statistics Office [ngayon ay Philippine Statistics Office] (2010) 144
      • Datos ng National Commission on Indigenous Peoples (2014)… 114
      • “Ethno-Linguistic Group Listing,” Glimpes: Peoples of the Philippines ni Peralta (200)…130
      • Ethnologue ni Lewis at Simons (2010)…184
      • Isang Mapa ng mga Wika sa Pilipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (2006)…103

Mula sa pitong pag-aaral na ito, nakalikha ng listahan ng 115 na wikang itinuring na hindi na nangangailangan ng dagdag na balidasyon. Ito ang mga wikang nabanggit sa lima o higit pa sa mga pag-aaral sa itaas. Ang mga wika namang nabanggit sa isa hanggang apat na pag-aaral lámang ay nagdaan pa sa balidasyon, tinatayang may kabuoang 300 na wika at wikain o diyalekto ang kinailangang ibalida sa kanilang mga komunidad (KWF 2016).

Sa balidasyon na ito, nagtungo ang mga mananaliksik ng KWF sa komunidad ng mga wikang natukoy na kailangan pang balidahin, at inalam nila dito ang sumusunod na mahahalang impormasyon: tawag na ginagamit ng komunidad sa kanilang sariling wika, ang mga wikain o baryasyon ng kanilang wika, at ang nakikita nilang pagkakaiba ng sarili nilagn wika sa mga kalapit nilang wika. Sa prosesong ito, ang komunidad ang binibigyan ng huling pasiya kung ang kanilang ginagamit na pananalita o midyum ng komunikasyon ay isang nagsasariling wika, o baryasyon/diyalekto lámang ng isa pang kinikilalang wika (KWF 2016). Sa pamamagitan nito, nakapagtukoy pa ng dagdag na 15 pang katutubong wika para sa kabuoang bílang na 130.

Ang kasalukuyang datos naman ay naisapanahon pa batay sa isinagawang pananaliksik ng KWF nitong 2017–2019.

Paano gamitin ang Atlas na ito?

Makikita ninyo ang mga datos sa Atlas na ito sa pahina ng “Mga Wika ng Filipinas,” at sa “Mapa ng Mga Wika sa Rehiyon.” Nakalista dito ang mga rehiyon ng Filipinas batay sa alpabetikong ayos. Bawat mapa dito ay magpapakita ng mapa ng naturang rehiyon na mayroong marka ng kulay o pattern na kumakatawan sa lokasyon ng mga kilaláng tagapagsalita ng isang tiyak na wika.

Sa ngayon, ang lokasyong nakamarka sa bawat wika ay batay sa kasalukuyang datos na hawak ng KWF. Sa iláng wika gaya ng Karaw na tukoy ang partikular na mga baranggay kung saan ito sinasalita, makikita ang marka sa mismong mga pook na ito. Sa mga wika namang hindi tukoy ang tiyak na pook gaya ng Manobo Kinamigin, namamarkahan ang buong lalawigan kung saan ito sinasalita. Mapapansin ding karaniwang nagpapatong-patong ang kulay ay pattern ng dalawa o higit pang wika sa iisang lalawigan. Ipinakikita nito ang yaman at diversidad ng wika ng ating bansa, at ang multilingguwal na katangian ng mga komunidad sa bansa, at ng maraming Filipino.

Para sa mas kompletong detalye hinggil sa mga Wika ng Filipinas, maaaring magtungo sa pahina ng “Mga Wika ng Filipinas.” Sa pahinang ito makikita ang listahan ng mga wika, kasama ang iláng impormasyon hinggil sa bawat wika. Maaaring iclick ang “Dagdag pang impormasyon” para ma-redirect sa pahina ng wikang pinili. Dito makikita ang kompletong impormasyon na mayroon ang KWF hinggil sa wikang ito, kasama ang lokasyon, populasyon, klasipikasyon, at sigla ng wika. Makikita dito maging ang mas detalyadong lahok hinggil sa lokasyon.

Iláng paalala sa mga gagamit ng Atlas

Ang Atlas na ito ay isang patuluyang proyekto ng KWF. Dahil sa limitasyon ng mga mananaliksik ng KWF, at sa dami ng mga wika sa ating bansa, maaari kayong makakita ng kulang na impormasyon, talâng kailangang isapanahon, o sadyang maling impormasyon. Patuloy naming pagsusumikapan na dagdagan, isapanahon, at iwasto ang mga datos dito.

Bukás din ang Atlas sa inyong mungkahi. Maaari kayong magbigay ng mungkahi hinggil sa mga wika o diyalektong hindi naitalâ, mga wikang naitalâ lámang bílang diyalekto, at iba pang mali o kulang na impormasyon. Maaaring magmungkahi, i-click lamang. Maaari din kayong maglakip ng datos na sumusuporta sa inyong mungkahi.

 

Mga Sanggunian

Blust, Robert. “The Greater Central Philippines Hypothesis.” Oceanic Linguistics 30, no. 2 (1991): 73-129. doi:10.2307/3623084.

Dibisyon ng Ibang Wika at Literatura ng Pilipinas, Komisyon sa Wikang Filipino. Isang Mapa ng mga Wika sa Pilipinas (na may halimbawang teksto at pananalita) 2006. Di-nalathala.

Eberhard, David M., Gary F. Simons, at Charles D. Fennig (eds.). Ethnologue: Languages of the World. (Dallas, Texas: SIL International, Ika-22 edisyon, 2019) http://ethnologue.com.

Komisyon sa Wikang Filipino. Atlas ng mga Wika ng Filipinas. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2016.

Lewis, M. Paul, Gary F. Simons, at Charles D. Fennig (eds.). Ethnologue: Languages of the World. (Dallas, Texas: SIL International, Ika-17 edisyon , 2013) http://ethnologue.com.

McFarland, Curtis D. 1980. A linguistic atlas of the Philippines. Tokyo, Japan: Institute for the Study of Languages and Cultures of Asia and Africa, Tokyo University of Foreign Studies.

National Statistics Office, Census of Household Population by Ethnicity, Sex, and Region: Philippines, 2010.

Peralta, Jesus T. “Ethno-Linguistic Group Listing”, Glimpses: Peoples of the Philippines. Maynila: Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining, 2000.

Walsh, Michael. “Why preserve the world’s endangered languages?” Keynote Address, International Conference on Language Endangerment ng Komisyon sa Wikang Filipino, Maynila, 10–12 Oktubre 2018.

Yap-Aldave, Fe at Surian ng Wikang Pambansa, Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, at Isports. A Comparative Study of the Philippine Lexicons. Manila: Cacho Hermanos, Inc. Ikalawang Edisyon. 1990.

Bumalik

 

image_pdfimage_print