“Kaisa at kabalikat kami sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa mga hangarin ng Komisyon lalo na sa pagpapalaganap at pagpapayabong ng ating Wikang Pambansa,” pahayag ni Kalihim Herminio “Sonny” Coloma ng PCOO sa kaniyang pagbati sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Si Kalihim Coloma ang panauhing pandangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa taunang pagtataas ng watawat sa 4 Agosto,  Palasyong Malacañang.

Ang Pagtataas ng Watawat, na taunang ginagawa ng KWF sa unang Lunes ng Agosto, ay susundan ng maikling mensahe mula kay Kalihim Coloma.

Dadalo rin si Virgilio S. Almario, Tagapangulo ng KWF at Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Makakasama niya ang Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF at mga kawani.

Tampok din sa Pagtataas ng Watawat ang muling-binuhay na KWF Choral. Ang Choral na binubuo ng mga piling kawani na KWF ay sumailalim sa propesyonal na pagsasanay ng isang vocal coach.

Aawitin ng Choral ang Pambansang Awit ng Pilipinas, Wikang Filipino, at Ipagdiwang Natin.

Kinilala rin ng kalihim ang halaga ng iginagayak na Kongreso sa Pagsasalin ng KWF na sa 7—9 Agosto, UP Visayas, Lungsod Iloilo. Ayon sa kalihim, “[Ang Kongreso] ay napapanahon. Kailangang maunawaan ng ating mga kababayan ang mga programa, proyekto, polisiya, at kautusan ng ating pamahalaan.”

Kuha ang retrato mula sa youtube.com