Dadalo bílang panauhing pandangal at susing tagapagsalita si Kalihim Judy S. Taguiwalo ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) sa Gabi ng Gawad 2016 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gaganapin sa ika-19 ng Agosto 2016 sa UP Bahay ng Alumni.

Si Kalihim Taguiwalo ay propesor ng Department of Women and Development Studies, College of Social Work and Community Development sa UP – Diliman at dáting direktor ng UP Center for Women’s and Gender Studies. Nanungkulan din siyang UP Faculty Regent noong 2009-2010, naging Pambansang Pangulo ng All UP Academic Employee Union at tagapagtatag ng All-UP Workers’ Alliance.  Sa kasalukuyan ay Tagapangulo siya ng Board of Trustees ng IBON Foundation.

Ang Gabi ng Gawad ay paggunita ng KWF sa ika-138 kaarawan ni dáting Pangulong Manuel Luis Quezon, ang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa. Ipagdiriwang din sa araw na ito ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng KWF.  Bahagi ng pagdiriwang ang pagkilala sa mga nagwagi sa Gawad Dangal ng Wikang Filipino, Kampeon ng Wika, Ulirang Guro sa Filipino, at Gawad KWF sa Sanaysay.

“Angkop na maging panauhing pandangal sa Gabi ng Gawad si Kalihim Taguiwalo,” aniya ni Purificacion G. Delima, Full-time na Komisyoner ng KWF.  “Ang kaniyang progresibong pananaw sa paglilingkod sa bayan ay tugma sa isinusulong ng KWF, na ang Filipino ay wika ng dangal at kaunlaran.”

Sa mga nakaraang taon ay naging panauhing pandangal at susing tagapagsalita sa nasabing okasyon ang ilang mga kilalang lider sa bansa gaya nina Bise-Alkalde Joy Belmonte ng Lungsod Quezon, Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Guinigundo, Representante Sitti Djalia Turabin-Hataman ng Anak Mindanao Party List, at Presidente ng The Manila Times College Isagani R. Cruz.