Dumagsa ang mga panauhin sa Pagdiriwang ng Araw ni Balagtas simula noong Biyernes, 1 Abril 2016 sa Orion Bataan. Lumahok sa okasyon ang mga estudyanteng manunulat mula sa iba’t ibang paaralang pansekundarya. Ito ay pagdiriwang ng ika-228 anibersaryo ng kaarawan ng bayaning makata na si Francisco “Balagtas” Baltazar, ang pagdiriwang ay may temang  “Si Balagtas at ang Manlilikhang Filipino.”

Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga gawain na ginanap sa bayan ng Orion (noon ay Udyong), Bataan. Isinagawa ang Kampo ni Balagtas mula 1-3 Abril 2016 para sa mga kabataang manunulat mulang Gitnang Luzon, NCR, Rehiyon 8, at 9 sa Orion Elementary School. Layon nitong higit pang mapahusay ang kanilang kasanayan sa pagsulat pamamagitan ng pagbibigay ng mga lektura at palihan sa pagsulat ng tula at kuwento.

Sa mensahe ni Tagapangulong Almario, sinabi niya na “simula ngayong taon, nais naming ilagay sa kasaysayan na ang Kampo Balagtas ay isang pagtitipon ng mga kabataang manunulat sa hay-iskul, may workshop at seminar para sa pagsulat, at inaalay natin kay Balagtas. Nais din naming isulong ang deklarasyon kay Balagtas bilang bayani dahil wala tayong bayaning manunulat at cultural worker…Kapag pinag-aralan ang kasaysayan ng panitikan sa loob ng 300 taong pananakop ng Espanyol, nagsulong ng isang himagsik pampanitikan ang Florante at Laura ni Balagtas.

Sa ikalawang araw, kinilala ang mga nagwagi sa Talaang Ginto na sina Levine Andro H. Lao (Ikatlong Gantimpala), Adelma L. Salvador (Ikalawang Gantimpala) at ang itinanghal na Makata ng Taon 2016 na si Mark Anthony S. Angeles. Tinanggap din ni Jose F. Lacaba ang Dangal ni Balagtas 2016 para sa kaniyang mahahalagang kontribusyon sa larangan ng panitikang.

Naganap din sa ikalawang araw ang pagbubukas ng Aklatang Balagtas sa Barangay Wawa, Orion, Bataan.