KuloatKolorum-Logo

ni Virgilio S. Almario

KATUTUBO BA SA ATIN ANG CORAL REEF?

 

NAPAKAHALAGA SA ATIN ng coral reef. Unang-una, ito ang pugad ng mga isda at lamang-dagat. Sa gayon, ang pangangalaga sa kalusugan nitó ay katumbas ng pag-iingat sa ating likás na yamang-dagat. Sapagkat may mga  coral reef sa nakapaligid na tubigan ng Filipinas, tiyak na kilalá ito sa sari-saring pangalan sa iba’t ibang katutubong wika natin.

 

 

 

Kayâ laking gúlat ko nang tanungin ang mahigit 4,000 titser ng Calabarzon sa isang kumperensiya sa Cavite kamakailan. Ano sa Tagalog ang coral reef? Matagal  na katahimikan. Pagkuwan, isang taga-Laguna ang nagtaas ng kamay. “Bahura,” sagot niya. Bakit “bahúra”? usisa ko. Hindi ba katutubo ang coral reef sa mga dagat sa paligid ng Calabarzon? [Ang “bahúra” ay mula sa Espanyol na bajura.] Bukod pa, isang malaking pagkakamali ito sa paggamit ng Espanyol. [Ang bajura ay Espanyol para sa malaking tumpok o isla ng buhangin sa dagat na kinasasadlakan ng barko kapag maalon ang dagat. Samantala, ang Espanyol sa tumpok ng korales ay arrecife.]

 

Sa matandang bokabularyo nina Noceda at Sanlucar, nakalista ang “bangkóta” bílang katumbas ng arrecife. Ngunit matandang Tagalog iyon. May gumagamit pa kayâ ng “bangkóta” sa mga mangingisda ngayon sa Quezon, Laguna, Batangas, o Cavite?

 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino, pinilì ang “tangríb” ng mga Ilokano bílang pangunahing lahok para sa coral reef. Bukod sa “bangkóta,” may lahok at singkahulugan din mulang Hiligaynon—ang “págang.” Sa Cagayan de Oro, inulit ko ang itinanong ko sa mga titser ng Calabarzon. Isa sa mga titser ay Sebwano at isinagot ang Sebwanong “pásil.” Natuto ako ng isang bagong pangalan. Sa KWF, isinagot naman sa akin ni Sheilee Vega, isang taga-Albay, ang Bikol na “barawáng.” Nadagdagan ang aking karunungan.

 

Ano pa kayâ ang “tangríb” sa Waray, sa Ivatan, sa Tausug, sa Palawan, at sa mahigit sandaan pang wikang katutubo ng Filipinas?

 

Ang ginawa kong paghahanap ay dapat ipagpatuloy. Sa ganitong simpleng paraan ay napatutunayan natin kung katutubo o hindi ang isang bagay na mahalaga sa ating búhay. Sa ganitong paraan din ay higit nating nailalapit sa ating puso ang isang taal na yaman ng bansa, na hindi natin ganap na naisasaloob sa patuloy na pagtawag ditong coral reef o sa bulagsak na “bahúra.”

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.