Tinipon muli ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mahigit 30 kasapi ng midya para sa Kapihang Wika nito ngayong 30 Oktubre 2014 sa lobby ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Iniulat ni Dr. Purificacion G. Delima, full-time na Komisyoner sa wikang Ilokano, ang mga natalakay sa matagumpay na pambansang kumperensiya ng KWF, ang Wika ng Seguridad ng Kaligiran, na idinaos sa Lungsod Legazpi, Albay noong 21—23 Oktubre.

Sumunod ang pagbabahagi ng Direktor Heneral ng KWF Roberto T. Añonuevo ng mga napag-usapan at nagawang resolusyon sa pambansang seminar sa pagsusuri sa Filipino sa K-12 kurikulum noong 27—29 Oktubre sa Miriam College, Lungsod Quezon.

Ipinaliwanag naman ni Marne Kilates, batikang manunulat at media consultant ng KWF, ang tungkulin at gawain ng KWF sa hinaharap para sa kabatiran ng midya. Nilalayon ng Kapihang Wika na lalo pang mapalakas ang ugnayan sa midya ng KWF. Naniniwala ito sa kapangyarihan at gampanin ng midya sa pagpapalagap ng wasto at mabisang paggamit ng Filipino.