Kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga huwarang indibidwal na nagtaguyod at naglingkod sa wika sa 19 Agosto, Araw ni Quezon, Sulô Riviera Hotel, Lungsod Quezon.

Dumalo bílang mga panauhing pandangal sina Kgg. Sitti Djalia A. Turabin-Hataman, Kinatawan ng Kongreso ng Pilipinas (Anak Mindanao Partylist); at Kgg. Ma.Josefina “Joy” G. Belmonte, Pangalawang Punong Lungsod ng Lungsod Quezon.

Iginawad ang Dangal ng Wikang Filipino kay Padre Roque J. Ferriols, SJ, ng Ateneo de Manila University at Lucio “Ka Louie” N. Tabing ng DZMM. Si Padre Ferriols ay iginagalang na guro na nagpasimula ng pagtuturo ng pilosopiya sa wikang Filipino. Batikang mamamahayag naman si Louie Tabing at may programa sa radyo na maraming nang natulungan sa larang ng agrikultura, ang Sa Kabukiran.

Kinikilala ng Dangal ang mga natatanging indibidwal at institusyon na may di matatawarang kontribusyon sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wikang Filipino. Tatanggap sina Padre Roque Ferriols at Louie Tabing ng tropeong likha ni Prop. Rita Gudiño ng Unibersidad ng Pilipinas. Si Hukom Cezar Peralejo ang unang tumanggap ng Dangal noong 2013.

Wagi sa KWF Gawad Sanaysay sina Mark Anthony S. Angeles (Ikalawang Gantimpala) at John Kelvin R. Briones (Ikatlong Gantimpala). Tatanggap sila ng P20,000.00, P15,000.00, at plake ng pagkikilala nang magkahiwalay. Walang nanalo ng unang gantimpala sa timpalak ngayong taon na tumalakay sa mga usaping pangkapayapaan.

Pinarangalan din ang mga Ulirang Guro sa Filipino sa National Capital Region na kinabibilangan nina Grace I. Yumul (Valenzule National High School), Jovita T. Ocampo (Culiat High School), Marfe S. Seraño (Benigno S. Aquino High School), at Ermelita L. Peñalosa sa antas sekundarya. Kinilala naman sa antas elementarya sina Rowena R. Cadayona (Timoteo Paez Elementary School), Romeo S.M. Egot (Bagong Silang Elementary School), at Sheila M. Salangsang (Gen. Maximo Hizon Elementary School).

Kabilang ang pitong guro mulang NCR sa 45 Ulirang Guro sa Filipino na iginawad ng KWF para sa mga pilî at karapat-dapat na guro sa Filipino sa bawat rehiyon. Tatanggap sila ng espesyal na medalyon at plake ng pagkilala.

Ika-136 taong kapanganakan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon ang 19 Agosto. 14 Agosto ipinagdiwang ng KWF ang ika-23 anibersaryo nito.