Inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Aklat ng Bayan, ngalan ng bagong serye ng mga aklat ng ahensiya, noong 15 Agosto 2014, Pambansang Museo, Lungsod Maynila.

May 18 bagong titulo ang Aklat ng Bayan na nagmimithing bumuo ng “Aklatan ng Karunungan” at itampok ang kakayahan ng Filipino bilang wika ng saliksik at paglikha. Bahagi ito ng pangmatagalang proyekto ng ahensiya.

Kabilang sa mga ipinakilalang aklat ang Ortograpiyang Pambansa, Manwal sa Masinop na Pagsulat, Korespondensiya Opisyal, Hambingang Wika, Panitikang Popular, Kung Sino Ang Kumatha kay Balagtas, Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896, Si Balagtas at ang Panitikan para sa Kalayaan, Bisayan Grammar and Notes, Gabay ng mga Senior Citizen, Pangalan ng Tanggapan ng Pamahalaan, Vocabulario de la Lengua Tagala, Mena Pecson Crisologo, mga Lektura sa Panitikan, Baybayin: Ortograpiya at mga Tuntunin sa Pagsulat sa Wikang Tagalog, Kaalamang-bayan ng Cordillera, Panitikang Meranaw, at Pandiwa.

 

Dumalo sa paglulunsad sina Tagapangulo ng KWF Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan; Roberto T. Añonuevo, Direktor Heneral ng KWF; Dr. Purificacion G. Delima, Full-time Komisyoner ng KWF; Felipe de Leon Jr., Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Sining at Kultura (NCCA); at Angel Bautista ng Pambansang Museo.

 

Kinatawan ni Dr. Galileo Zafra ang mga awtor at editor ng Aklat ng Bayan sa pagbibigay niya ng maiksing mensahe para sa mga panauhin. Si Dr. Zafra ang editor ng Mga Lektura sa Kasaysayang Popular. Nakasama niya rin sina Rogelio Mangahas at Leonida Villanueva (Patnubay sa Korespondensiya Opisyal), Elvin Ebreo at Anna Maria Yglopaz (Vocabulario De La Lengua Tagala), at Sandor Abad (Panitikang Mëranaw).