ORION, Bataan – Alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Bilang 964 na may petsang ika-11 ng Pebrero 1997, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mangunguna sa pagdiriwang ng Araw ng Balagtas 2018. Isa sa programa dito ay ang pagdaraos ng Pambansang Kampong Balagtas 2018, isang kumperensya ng mga kabataang manunulat ng tula at sanaysay na magaganap sa Orion Elementary School sa bayang ito sa ika 2-4 ng Abril 2018.

Ayon sa KWF, ang nasabing kumperensya ay bukas sa lahat ng mag-aaral na nasa baitang 7 hanggang 11 na kasapi at nakapaglathala na sa pahayagan ng kanilang paaralan. Hindi na maaaring lumahok pa ang mga kalahok ng nagdaang taon gayundin ang mga kaanak at kawani ng KWF.

Isa rin sa tuntunin ng paglahok ay magpapasa ang paaralan ng tatlong (3) kopya ng pahayagan ng paaralan ng taong 2017-2018, na naglalaman ng mahuhusay na akdang nasa wikang Filipino at isinulat ng mga aplikanteng mag-aaral; 3 – 5 tula naman ang hinihingi para sa lalahok sa tula at 2 – 3 sanaysay sa mga lalahok sa kategoryang ito. Ito ay sasamahan ng rekomendasyon ng tagapayo ng publikasyon ng paaralan.

Ang KWF ay pipili ng 150 mag-aaral na lalahok sa kumperensya batay sa mga ipinasang pahayagan ng paaralan.

Pasa sa iba pang detalye o impormasyon, makipag-ugnayan sa opisina ng KWF sa telepono bilang 736 2519 at hanapin si Ginoong Roy Rene S. Cagalingan o John Enrico C. Torralba.

http://1bataan.com/kwf-mangunguna-sa-pagdaraos-ng-araw-ng-balagtas/