Ipinakita sa midya ang Linguistic Atlas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Kapihang Wika nitong 28 Enero 2015 sa Main Library ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Iniulat ni Komisyoner Purificacion G. Delima, isang dalubhasa sa wika at lingguwistika, ang nilalaman ng Linguistic Atlas. Kabilang dito ang komprehensibong impormasyon gaya ng distribusyon, deskripsiyon, at mapa ng mga wika sa bawat rehiyon ng bansa. Inihanda ito ng Sangay ng Salita at Gramitika (SSG) ng KWF sa tulong ng isang dalubhasang cartographer.

Nag-ulat naman si John Enrico C. Torralba, OIC ng Sangay ng Edukasyon at Networking, tungkol sa mga tungkulin at gawain ng KWF sa hinaharap.

Kasama rito ang mga gawain tulad ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas 2015 na may temang Si Balagtas at ang Kabataan sa 30-31 Marso, at ang Buwan ng Wika na ibabandera ang Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran sa Agosto.