Kgg. Abraham P. Sakili, PhD
Kinatawan ng mga Wika ng Muslim-Mindanao
Propesor, Departamento ng Aralin sa Sining sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
Dating Komisyoner sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) 2012-2020

Pagbati ng Salam at Mabuhay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021!

Wikang katutubo, wikang tagos-puso! – kom. aps

Ramdam at alam ng marami ang mga balakid sa tunay na pagkakaisa ng mga mamamayan sa ating bansa. Maliban sa pagkakaiba sa relihiyon at kultura, nandyan ang makapal na lamat na iniwan ng mga mananakop at patuloy na nananahan sa puso at diwa—gumagapang at nananalaytay sa daluyan ng búhay at kaalaman. Sa kasawiang palad iilan lang na bahagi ng mamamayan ang nabibiyayaan o nakikinabang sa punto ng pag-unlad ng pamumuhay. Ang dating maunlad at malakas na pamayanan ng Kamusliman ay nalugmok at dumausdos sa pinakamababang antas ng kaunlaran kapalit ng pinuhunan nilang dugo at tapang sa pakikipaglaban.

Iyan ang buod ng damdamin at karanasan ng Kamusliman o mamamayang Moro sa ating bansa na binubuo ng labing tatlong etno-lingguistikong grupo na may bílang na humigit kumulang na pitong milyong katao. Sa usaping wika may kani-kaniyang paraan sila ng pagpapahayag—ang Bahasa Sug magkaiba sa Meranaw, ang wika ng Maguindanao ay di nauunawaan ng Sama, ang Yakan ay nakasentro sa Basilan; ang iba pang mga malilit ang bílang ng populasyon gaya ng Kalagan, Molbog, Sangir, Palawani, Jama Mapun, Iranun, at Sama Laut ay mayroon din kani-kanilang wika. Ang salitang Arabo– maliban sa gamit nito sa pagdarasal at sa ritwal– ay Wika ng Banal na Qur’an at panturo ng ilm o aral sa pagbuo ng makaDiyos at mataas na uri ng makataong  kabihasnan, at  simbolikong wikang tagapag-ugnay ng mga Bangsamoro sa malawak na mundo ng Dar-al-Islam. Ang Bahasa Malayo naman ay gamit ng mangilan-ngilan sa pangangalakal sa katimugang Sulu, Tawi-tawi, at Sabah-Borneo.

Mabibigyang diin sa bandang ito na ang usaping wika ay hindi hiwalay sa usaping politika at lagi itong magkaugnay sa konteksto ng kasaysayan at kultura na nagbibigay saysay at halaga mismo sa wika, kung kaya hindi lang sangkap ng pagpapahayag ang turing sa wika kundi ito na rin mismo ang paksa—kung baga magkaugnay ang kultura, pagkatao, pananaw, at hangarin sa búhay.

Sa kasalukuyan, bagaman naisabatas na ang BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) nananatiling hindi pa rin ganap ang pagkakaroon ng kakailanganing representasyon o boses ng Kamusliman sa pagpapalakad ng bayan o ng pamahalaan. Kailangan mabago na ang sistemang “unitary” at gawin itong “federal”para ganap na ang repormang pagbabago sa ikauunlad ng Kamusliman. Ayon sa ulat-talaan ng nakaraan, ang mga lalawigan sa Muslim Mindanao ay nasa listahan ng 10 pinamahirap na probinsiya sa buong bansa. Nanguna ang Sulu sa listahan ng pinakamahirap na lalawigan—na kabaligtaran sa mataas na antas ng kaunlaran nito sa  daan-taóng kasaysayan bílang pinakamaunlad na pamayanan—yaman hatid ng pandaigdigang pangangalakal nito sa Emperyo ng Tsina at Britanya na silang higit na nangailangan ng  likás yaman ng Sulu o Lupah Sug  gaya ng perlas, bees wax, yantok, at iba pang yamang gubat at yamang dagat—na sa mga yamang ito nabigyang dagdag lakas din ang Sultanato ng Sulu at mga Tausug sa matagumpay nilang pagtaboy sa mga dayuhang mananakop.

Sa tema ng dekolonisasyon ng pag-iisip sa pamamagitan ng wika, wasto ang pagbigay pansin sa isyung ito dahil marami pa ring lamat ng kolonialismo ang patuloy na namamahay sa kasulok-sulokan ng mga kultura, wika, at kaugalian ng mga mamamayan. Kaugnay nito sinasariwa ng inyong lingkod ang mga  mga espesipikong panawagan ng mga  Muslim sa pamahahalaan na ipinahayag ni dating NHI director Dr. Samuel Tan ng Sulu, noong 1997 sa siyudad ng Cotabato. Ilan sa mga panawagang ‘yon ay pinagsama ng inyong lingkod   na banggitin sa sumusunod na maikling mga pangungusap:

Iminungkahi ni Dr. Tan at mga lider na Muslim ang pagkakaroon ng dalawang senador na Muslim o Moro na sila mismo ang maghalal;  representasyon nila sa mataas na sangay ng gobyerno gaya ng  DFA (Department of Foreign Affairs) o Departamento ng Ugnayang Panlabas ng Bansa; Komisyon sa Awdit; Bureau of Custom; mga heneral na Muslim sa  Sandatahang Lakas o AFP, mga Muslim na Katuwang na Kalihim o Undersecretaries sa iba-ibang pambansang departamento; representasyon sa sangay ng Hudikatura at pagkakaroon ng mga hukom na Muslim sa Supreme Court at sa Court of Appeals; representasyon sa sangay ng  pananalapi  gaya ng Central Bank; representation sa pagpaplano ng kaunlaran sa bansa gaya ng NEDA; at partehan ng yaman  mula sa langis, mineral, at iba pang yaman nagmumula sa teritoryong kanilang  nasasakupan kasama na ang mga likás-yaman sa mga teritoryong pagmamay-ari nila batay sa kasaysayan.

Dagdag pa sa mga nabanggit ay ang representasyon ng mga Muslim o Moro sa Philippine History o Kasaysayan ng ating bansa—paraan ito sa pagkakaroon ng historical justice o katarungang pangkasaysayan at para na rin sa opisyal na pagkilala sa mga naambag ng mga Muslim na mayaman at mataas na antas ng kaunlarang pangkasaysayan gaya ng masidhi at daan-taóng kasaysayan nila ng pakikibaka. Ang katotohanan ng kasaysayan ng mga Muslim ay parang kinukubli at di tinuturo sa mga paaralan, o kaya kung pinapaksa man itong kasaysayan ng Kamusliman, ang laman ng pagtatalakay ay masyadong manipis, mababaw, at parang plinantsa ng “exteriorization” na pamaraan. Ang “exteriorized history” o manipis na paglalarawan ng kasaysayan ay paraan para mapatingkad ang panig ng pinapaborang kasaysayan.  Ang pag-exteriorize ng kasaysayan ay pagtratong di pantay, kaya di ito tama at di makatarungan hindi lang sa mga mamamayang Muslim kundi sa buong sambayanan.

KARAGDAGANG MGA PUNTO

Ang kasaysayan ng Kamusliman sa bansang ito ay sobrang pinanghihimasukan, sinasala, pinipili, at mistulang pinaglalaruan o linilihis sa katotohanan para ang tutok-pansin ng mga Pilipinong mag-aaral ay doon lámang sa isa sa dalawang malakihang daloy  o agos  ng ating kasaysayan—na ang pinatingkad o pinaborang kalahating bahagi ng kasaysayang ito ay ang  narrative ng maka-Kristiyanong bahagi ng bansa na nakatutok sa paghihimagsik ng mga Katipunan na ang maagang kulo nito, kasunod ng paggarote kina paring Gomez, Burgos at Zamora, ay nasusugan pa ng iláng dekadang pagkapoot ng mga Pilipino sa mga prayle at mga Kastilang mananakop.

Sa pangalawang hiwalay na daloy naman ng ating kasaysayan na umusad  patungong Islamiko, Malayo, at Asyanong line o daloy dito bumida ang mga Muslim sa  maalab at matagumpay  nilang pakikibaka para pangalagaan ang kultura nila na hindi nawala  sa kabila ng pagsasama-sama at pagtutulungan ng buong puwersa ng mga Kanluraning bansa para supilin ito, ngunit  matagumpay na naitaboy ng mga Muslim ang mga kalaban gamit ang iláng natipong kagamitan, tibay ng loob, at buong tiwala sa panananalampalatayang Islam na pinakasandata sa pakikipaglaban.

Sa paglalahad ng katotohanan ng kasaysayan na walang bahid na pagkiling o pagpabor sa napupusuan, kailangan pangungunahan ito ng Kagawaran ng Edukasyon sa bansa at ng Unibersidad ng Pilipinas na susuportahan ng ibang institusyong nagbabahagi ng impormasyon gaya ng Mindanao State Univesity, mga pribadong eskuwelahan at mass media, para mapunuan ang anumang pagkukulang at maisulong na ang kailangang gawin sa pagpakatotoo hinggil sa kasaysayan ng ating bansa. Ito na ang tamang pagkakataon para isalba at itindig nang taas-noo ang integridad ng mga naatasang magturo at mag palaganap sa buong bansa ng totoo at makatarungang kasaysayan ng Pilipinas para sa lahat ng mamamayan.

Nandito’ng mga sumusunod  ang buod o iláng piniling aspekto o pangyayari sa kasaysayan ng mga Muslim sa Pilipinas na kailangang  maituro o mapalaganap bílang essential na mga impormasyon sa pagtatama sa ating kasaysayan na ang ilan dito ay madalas nating marinig o mabasang bahagi ng talumpati ni Pangulong  Duterte gaya ng kabayanihan ni Lapu-lapu, pag-alsa laban sa mga mananakop na Amerikano at  pag-massacre sa mga Tausug  kasama ang mga babae, matanda at bata sa  Bud Dahu noong 1906; at mga naambag ng Islam. Nandito pa ang pilíng dagdag na mga paksâ o usapin:

  1. Pagtalakay ng pangkalahatang kultura sa pananaw ng mga Muslim—kabilang dito ang paksâng 5 Pillars of Islam and 6 Articles of Faith or Iman; at pagsurvey ng kasaysayan ng Islam sa ating bansa mula sa pagkatatag ni Abubakar o Shariful Hashim ng unang Sultanato sa Sulu noong 1450; pagbisita  sa Tsina ng mga lider ng Sulu na ang isa sa kanila ay namatay sa Shandong, China; pagdating ng Islam sa Sulu at sa paglaganap nito sa kalakhang Mindanao kung saan napalaganap ang Islam sa Cotabato bandang 1600  ni Sharief Kabungsuwan;  napalaganap na rin ang Islam sa Maynila at mga Katagalugang bayan sa gitnang Luzon kung saan nanguna sa mga pangalan ng  makapangyarihang Muslim sa Luzon sina Rajah Sulayman at ama niyang si Rajah Matanda at pinsan nila na si Rajah Lakandula na lider na Muslim ng Tondo, Maynila. Sa kasaysayan ng Islam sa Luzon mas mahalagang maidiin ang buod ng ginampanang tungkulin ng matapang na batang lider na Muslim na Rajah ng Macabebe, Pampanga na naipakilala sa kasaysayan sa negatibong bansag na“Bambalito”ang unang  bayaning Pilipino na namatay sa pagtatanggol sa bayan sa Labanan sa Bangkusay, Tondo, Maynila.
  2. Isang pangyayari na mahalaga rin maikuwento ay ang tungkol sa pagmamay-ari ng Sultanato ng Sulu sa Sabah-Borneo at kung paano ito kinamkam sa kanila ng pamahalaan ng Britanya at di-makatarungang binigay sa Malaysia imbis na ibalik sa tunay na may-ari ng Sabah—ang Sultanato ng Lupah Sug o Sulu at mga mamamayan nitong Bangsa Sug na Tausug, Sama, Sama Laut, Yakan, at mga nakatira sa Sabah-Borneo.
  3. Ang kabayanihan ni Rajah Bungso o Sultan Muwallil Wasit ng Sulu na nanguna sa paglusob sa mga pagawaan ng barko ng Kastila sa Kabikulan (Bicol) noong 1627 na nagresulta sa pagkatalo ng mga Kastila sa pamumuno ni Gobernador Nino el Tabura na sa mga sumunod na pangyayari ay lumusob din sa Bud Tumantangis sa Jolo kasama ang maraming sundalong Kastila at mga kaalyadong Pilipino. Ang sumunod na mga pangyayari ay humantong sa pag-asawa ng Sultan ng Sulu sa anak na babae ng gobernador Tabura na si Donya Lucia na nagbunga ang pagsasama ng isang supling na naging Sultan din ng Sulu.
  4. Ang pagkilala ng mga lider ng iba-ibang bansa sa sovereignty o malayang kapangyarihan ng Sultanato ng Sulu at ng Sultanato ng Maguindanao na pinapatunayan ng mga nalagdaang mga tratado o treaties ng soberentiya ng mga ito. May mga lehitimong treaties of sovereignty ang Sultan ng Sulu at ng Sultan ng Maguindanao sa mga kapantay nilang lider ng Espanya, Britanya, Pransiya, Netherland, at Amerika. Kasama sa mga tratadong ito ay ang Bates Treaty ng 1898 na kumilala rin sa kalayaan ng Sultanato ng Sulu; Ang tungkol naman sa kontrobersiyal na Treaty of Paris noong August 20, 1899—itong mapanlinlang Treaty of Paris na ito ay tungkol sa pagbenta ng mga Kastila sa mga Amerikano ng kunwaring pagmamay-aring teritoryo nila sa Pilipinas sa halagang 20 milyon na dolyar. Napasamang naibenta ang Sulu na di naman pagmamay-ari ng mga Kastila at di nila nasakop.  Sa wika ni Dr. Onofre D. Corpuz hinggil sa maanomaliyang bentahan na naganap sa pamamagitan ng Treaty of Paris noong 1899: “…Spain sold something it did not own or possess” (binenta ng Espanya ang isang bagay (o lupain) na hindi nila hawak o pagmamay-ari. Sa ganitong maanomalyang pamaraan nautakan at napwersadong isama ang Kamusliman sa panibagong nation-state o Wesphalian na samahan na bumihag sa kanilang kalayaan at pumigil sa kanilang kaunlaran.
  5. Ang pag-alsa ng mga Tausug noong 1913 sa Bud Bagsak sa Jolo—kaugnay rin ito sa pagpaslang o massacre sa mga Tausug sa Bud Dahu sa taong 1906 na nabanggit na ni Pangulong Duterte sa iláng talumpati o ulat-bayan na may kasamang  pagpakita ng larawan ng magkahalong daan-daang patay na lalaki, babae, matanda at batang Tausug na pinaslang ng mga mananakop na Amerikano at pinagsamang ibaon ang mga bangkay sa mababaw na hukay sa tuktok ng Bud Dahu.
  6. Ang pagkilos ng mga Muslim sa pamamagitan ng MNLF (Moro National Liberation Front) sa pamumuno ni Propesor Nurullaji Misuari at ng Maguindanao na Alim si Ustadz Hashim Salamat, tagapagtatag ng MILF (Moro Islamic Liberation Front)—kasama na sa mga sumunod na nangyari ay ang pagkakaroon ng napagkasunduang Tripoli Agreement noong Disyembre 1976, patungo hanggang sa kasalukuyang kalagayan ng Kamusliman pagkatapos malagdaan ang BARMM na kasunduan naman sa pagitan ng MILF at nang gobyerno ng Pilipinas. Ang marami pang ibang mga detalye ay mababasa sa mga mapagkatiwalaang aklat o sulatin.

Tungkol sa isyung pangpolitikal o usaping pangkasaysayan, ang mga ito kahit parang hindi diretsong tumutukoy sa usaping wika ay   tamang paraan sa paglilinaw ng konteksto sapagkat ang usaping wika ay dikit at kakambal na ng usaping kultura o suliraning politika. Ang wastong pagbasa sa mga dahilan ng problema at ang napapanahong angkop na tugon dito ay siyang tamang daan na magpapalaya. Sa malawak at malalim na pagpapahayag ng mga adhikaing magpapalaya kailangan gumamit ng wika na madaling maunawaan ng nakararaming mamamayan—ito ang mga wikang katutubo, wikang tagos-puso!

Bílang panghuli, sa pagbubuklod ng wika, kasaysayan, at kultura kailangan ng paggalang sa likás na pagkakaiba-iba na di na kailangan pang isulong ang pagkakapareho ng diwa at dikta ng anumang mapanupil na puwersa. Kaisahan sa pagkakaiba-iba—Ito ang kaisahan na makapagpalaya at makakapagpatibay ng pundasyon ng ating Republika. Sa pagbuo at pag-unlad ng pambansang wika, gagabayan ito ng kinauukulang ahensiya na kailangan ang sapat na suporta sa pagsulong nito at hayaan itong bukás na pagyamanin ng mga kaalaman ng kulturang Islam, wikang Malay’-Polynesian, at diwang Katutubo.

Magsukul !  aps/13agosto2021