Hihiranging mga Kampeon ng Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Merlie M. Alunan at ang Lamiraw Writers Workshop sa Pinulungan Ngan Panurat: Pambansang Kumperensiya sa Wika at Panitikang Waray, 26 Pebrero 2015, sa Leyte Normal University, Lungsod Tacloban.

 

Si Alunan ay iginagalang na makata at manunulat sa Ingles at Sebwano. Nagkamit na siya ng mga parangal at pagkilala sa loob at labas ng Filipinas. Kabilang na rito ang Palanca, Free Press, Ani ng Dangal, at ang prestihiyosong Parangal Suthorn Phu mula sa Thailand.

 

Ikalawang gagawaran ang palihang itinatuguyod ni Alunan at Northwest Samar State University, ang Lamiraw Writers Workshop. Sa loob ng isang dekada mahigit na pagpapalihan, naging mahalaga ang gampanin nito sa pag-aangat ng antas ng panulat sa Waray.

 

Iginagawad ng KWF ang Kampeon ng Wika sa mga indibidwal o pangkat na nagkaroon ng makabuluhang ambag sa pagpapaunlad at pagpapayabong ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa Filipinas.

 

Noong nakaraang Agosto 2014, kinilala ng KWF bílang mga Kampeon sina Leoncio P. Derriada, Alicia P. Magos, at Eliza Uy-Griño sa isinagawa nitong pambansang kumperensiya sa pagsasalin.