Rebolusyonaryong manunulat na si Emilio Jacinto, ipagpaparangalan sa Literatour sa Majayjay
Mas makikilala pa ng mga sasama sa Literatour sa Majayjay, Laguna ang tinaguriang Utak ng Katipunan na si Emilio Jacinto sa ika-117 paggunita ng kaniyang pagkamatay sa 16 Abril 2016.

Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Bayan ng Majayjay, itatanghal sa Liiteratour ang lawas ng mapaghigmasik na panulat ni E. Jacinto sa mga pagbasa’t pagtatanghal ng Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B. at búhay ni E. Jacinto.

Pumanaw ang rebolusyonaryong manunulat sa Bayan ng Majayjay sa gulang na 24 dahil sa malaria. Bilang karagdagang pagpupugay sa kaniyang kadakilaan, maghahandog ng mga tula ang mga premyadong makata na sina Michael M. Coroza (Sa Pook Na Ito, Jacinto) at Makata ng Taon 2015 Christian Ray Pilares (Pingkian).

Katuwang ng KWF sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, (NCCA), Pambansang Lupon sa Pagpapaunlad ng Aklat (NBDB), at iba pang mga institusyon. Para sa mga detalye, maaaring tumawag sa 736-2519, o bumisita sa kwf.gov.ph.