PAGLILINAW SA PASIYA NG KORTE SUPREMA NOONG 9 OKTUBRE 2018 HINGGIL SA CONSTITUTIONALITY NG CHED MEMO BLG. 20, s 2013 (na nagbabago sa core courses sa antas tersiyarya)

Kamakailan ay nakatanggap ng malungkot na ulat ang Komisyon sa Wikang Filipino (“KWF”) na binubuwag ng ilang unibersidad at kolehiyo ang kanilang programa sa Filipino batay umano sa pasiya ng Korte Suprema hinggil sa CHED Memo Blg. 20, s. 2013 (“CHED Memo Blg. 20”).

Nais linawin ng KWF na ang pasiya ng Korte Suprema ay tungkol sa Constitutionality ng CHED Memo Blg. 20 at sa pag-aarmonisa nito sa iba pang umiiral na batas republikang may kaugnayan sa paggamit sa Filipino bílang wikang panturo o bílang asignatura sa antas tersiyarya. Tandaan na ang saklaw ng CHED Memo Blg. 20 ay core courses na minimum requirements lamang. Mainam rin na balikan ang kaunting kasaysayan ng usapin:

Layon ng CHED Memo Blg. 20, s. 2013 na gawing interdisciplinary ang mga kurso sa tersiyarya, bilang pagpapaunlad sa competencies na nililinang ng K-12. Ang dáting mga kursong “Math,” English,” at “Science” ay napalitan ng higit na masaklaw na walong core courses tulad ng “Malayuning Komunikasyon” at “Pag-unawa sa Sarili.”

Matayog ang layon ng nasabing CHED Memo Blg. 20. Binabanggit din nito na maaaring ituro ang walong core courses gamit ang wikang Filipino o English.

Nang ilabas ang CHED Memo Blg. 20, iba ang nangyari. Nagkaroon ng pagtatanggal ng asignaturang Panitikan o Filipino bílang asignatura o bílang wikang panturo sa antas tersiyarya.

Bunsod nito ay naghain ng kaso sa Korte Suprema ang mga organisasyon at mga indibidwal na guro sa Filipino (“mga petitioner”) at nagkaroon ng Temporary Restraining Order na naging batayan ng pananatili ng asignaturang Filipino at Panitikan.

Nang maglabas ng pasiya noong 9 Oktubre 2018, tinalakay ng Korte Suprema ang pasiya nito na Constitutional ang CHED Memo Blg. 20. Ang pasiya ng Korte Suprema ay nakatuon sa iisang tanong: “Constitutional ba ang CHED Memo Blg. 20, s 2013?”

Ayon sa mga petitioner, nilalabag ng CHED Memo Blg. 20, s. 2013 ang Konstitusyong 1987 dahil hindi nakalista ang pag-aaral ng Filipino, Panitikan, at Philippine Constitution sa core courses sa antas tersiyarya.

Dalawang punto ang sinuri ng Korte Suprema para masagot ang nasabing tanong:

I. Nilalabag ba ng CHED Memo Blg. 20 ang Konstitusyong 1987?

A. Probisyon Hinggil sa Wika

Anong uri ng probisyon ang Seksiyon 6, Artikulo XIV na nilalabag umano ng CHED Memo Blg. 20: self-executory o non-self-executory?

Kapag self-executory ang probisyon, mananaig ang probisyon sa Konstitusyon at ipawawalang-bisa ang anumang batas o tuntunin na labag dito. Kapag non-self-executory ang probisyon, itinuturing itong gabay sa Kongreso sa pagbalangkas ng mga batas at hindi ito “judicially enforceable constitutional rights” (mga karapatan na maaaring ipatupad ng Korte kahit walang batas na nagsasaad nito.)

Ayon sa Korte Suprema, ang probisyon hinggil sa paggamit ng wikang Filipino bilang medium of official communication ay non-self-executory sapagkat may nakasaad na pasubaling may probisyon ng batas na magpapatupad nito.

Kung gayon, hindi maitatakda ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng probisyon ng Konstitusyong 1987 hangga’t walang Batas Republika o aksiyon ng Kongreso para bigyan ito ng ganap na bisa.

B. Probisyon Hinggil sa Pag-aaral ng Filipino, Panitikan, at Konstitusyon

Sinabi ng Korte Suprema na ang pag-aaral ng Filipino, Panitikan, at Konstitusyon ay ipinatutupad sa basic education curriculum, o Grade 1–10 at senior high school kaya sapat na pagsunod ito sa Konstitusyong 1987, na hindi nagtakda ng antas ng edukasyon kung saan dapat ituro ang mga ito.

Nagtatakda lámang ng minimum standard ang CHED Memo Blg. 20 s. 2013 kaya malaya ang mga Higher Education Institution na magtakda ng mga asignatura sa Filipino at Panitikan na kailangang kunin ng mga mag-aaral.

C. Probisyon sa Labor at Security of Tenure

Ayon sa pagsusuri ng Korte Suprema, hindi judicially enforceable rights (mga karapatan na maaaring ipatupad ng Korte) ang mga probisyon sa labor at security of tenure. Dahil dito hindi maipapawalang-bisa ang CHED Memo Blg. 20 batay sa magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga guro ng Filipino at Panitikan na maaaring mawalan ng trabaho.

II. Nilalabag ba ng CHED Memo Blg. 20 ang iba pang batas (Commission on the Filipino Language Act, Law Creating the National Commission for Culture and the Arts, at Education Act of 1982)?

A. Commission on the Filipino Language (CFL) Act

Ayon sa mga petitioner, ang CFL ang may mandatong magbalangkas at magpatupad ng mga patakarang pangwika kaya dapat na umiral ang pasiya ng CFL na manatili ang siyam (9) na yunit ng Filipino sa GE Curriculum.

B. Law Creating the National Commission for Culture and the Arts

Ayon sa mga petitioner, ang pag-aalis ng Panitikan sa core courses sa antas tersiyarya ay paglabag sa tungkuling preserbasyon at pangangalaga sa pamanang pangkasaysayan at pangkultura.

C. Education Act of 1982

Ayon sa mga petitioner, nakasaad sa Education Act of 1982 ang layon ng antas tersiyarya na paunlarin ang pambansang identidad at kamalayang pangkultura.

Sa pagsusuri ng Korte Suprema, walang tiyak na probisyon ang mga nasabing batas na nagtatakda na kailangang isama ang mga asignaturang Filipino at Panitikan sa core courses sa antas tersiyarya. Binigyang-diin muli ng Korte Suprema ang awtoridad ng CHED na magtakda ng General Education distribution requirements. Nilinaw ng Korte na maaaring isama ng mga Higher Education Institution ang Filipino at Panitikan sa mga kurso sa antas tersiyarya.

Ayon sa Korte Suprema, ang CHED Memo Blg. 20 ay may bisa sapagkat hindi nito nilalabag ang Konstitusyong 1987 at mga Batas Republika na sandigan ng mga petitioner.

Hindi intensiyon ng Korte Suprema na buwagin ang mga programang Filipino sa antas tersiyarya. Samakatwid, ang mga ginagawa ng ilang kolehiyo at unibersidad na pagbuwag dito ay hindi batay sa pasiya ng Korte Suprema at hindi rin sang-ayon sa anumang utos ng CHED.

Mga Naganap Matapos Maghain ng Motion for Reconsideration

Sa kasalukuyan, nakapaghain na ang mga petitioner ng Motion for Reconsideration. Kung gayon, hihintayin ng lahat ng mga ahensiya at institusyon ang magiging pinal na pasiya ng Korte Suprema.

Samantala, ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nagdaos ng stakeholders’ meeting noong 16 Nobyembre 2018 na naghanda ng opisyal na pahayag na ipinadala sa Korte Suprema at CHED.

Natanggap naman ng KWF ang NOTICE OF RESOLUTION ng Korte Suprema (may petsang 12 Pebrero 2019) na nagsasabing natanggap nila ang nasabing opisyal na pahayag.

Naglabas din ng pahayag ang CHED na sumusuporta ito sa enhancement ng paggamit ng Filipino bílang wikang panturo at bílang asignatura sa antas tersiyarya. Sa katunayan, mula noong 2013 ay magkatuwang ang CHED at KWF sa pagbuo ng mga sangguniang aklat na “Malayuning Komunikasyon” at “Imahen ng Filipino sa Sining.” Bukod rito ay may isinasagawa rin na General Education Curriculum (GEC) Retooling upang lumawak ang kakayahan ng mga guro sa Filipino na ituro ang mga core course sa CHED Memo Blg. 20 sa wikang Filipino.

Mainam na Hakbang ng mga Kolehiyo at Unibersidad

Hinihimok ang lahat ng kolehiyo at unibersidad na isaloob at sundin ang nakasaad sa Konstitusyong 1987 na gamitin ang wikang Filipino bilang wikang pambansa. Mahalagang kaugnay nito, na magkaroon ng higit na espasyo ang paggamit ng Filipino bílang wikang panturo at bílang asignatura, maging sa antas tersiyarya.

Hinihimok rin na lumahok ang mga kolehiyo at unibersidad sa GEC Retooling na isasagawa sa darating na 20–24 Mayo 2019 upang magkaroon ang mga guro ng pagkakataong magsanay at madagdagan ang kursong ituturo gamit ang wikang Filipino.

Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga gaganaping GEC Retooling, maaaring makipag-ugnay kay Lourdes Hinampas ng Sangay ng Literatura at Araling Kultural (SLAK) sa telepono bílang 252-1953, 0927-6856786, 0942-7365243 at email na kwf.slak@gmail.com.