Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP), Lungsod Pasay – Ang “Pammadayaw: Araw ng Gawad 2018” ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP) ay gaganapin sa 28 Agosto sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP), Lungsod Pasay.

            Ang Pammadayaw, isang programa sa pagpaparangal, ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Filipinas tuwing Agosto. Ang aktibidad ay magtatampok ng mga gawad pangwika at ng mga nagwagi sa mga timpalak na itinaguyod ng KWF.  Ang ilan sa mga gawad na ito ay angKampeon ng Wika, Dangal ng Wika, Gawad KWF sa Sanaysay, at Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura.

                Ang hihiranging Dangal ng Wika na si Maria Stanyukovich, antrolopogong Ruso at tagapagtaguyod ng Araling Filipinas, ang siyang magbibigay ng tampok na panayam hinggil sa estado ng wikang Filipino sa Russia. Mauugat ang pag-aaral ng wikang Filipino sa Russia sa mga naunang Rusong iskolar at lingguwista gaya nina Peter Pallas (ika-18 siglo) Peter Dobell (ika-19 siglo), at nina Sergey Bulich, Eugene Palivanov, at Roy Franklin Barton (ika-20 siglo).  Ipinagpapatuloy ng Moscow State University at Saint Petersburg University ang tradisyong ito ng pagtuturo at pag-aaral ng mayamang wika at kultura ng Filipinas.

Si Stanyukovich, na kasalukuyang puno ng Departamento ng Australia, Oceania, at Indonesia ng Kunstkamera Museum sa Saint Petersburg, ay nagsagawa ng puspusang pananaliksik sa mga epiko ng Filipinas. Ang pinakakomprehensibong saliksik niya ay hinggil sa Hudhud ng mga Ifugaw.

Igagawad rin ang Dangal ng Wika sa Dulaang UP, ang opisyal na grupong panteatro ng Unibersidad ng Pilipinas. Simula sa pagkakatatag nito noong 1970s, pinangunahan ng Dulaang UP ang mga pagsasalin at adaptasyon sa wika at kulturang Filipino ng mga klasikong dula ng daigdig.

Si Dr. Lucena P. Samson, iskolar ng wikang Kapampangan, ang tatanghaling Kampeon ng Wika.  Malaki ang naging ambag ni Dr. Samson sa katutubong wika at mga wikain ng Filipinas. Kasama sa kaniyang mga proyekto ang opisyal na ortograpiyang Kapampangan at antolohiya ng panitikang Kapampangan upang tiyakin ang kasiglahan ng wikang Kapampangan para sa susunod pang mga henerasyon.

Gagawaran ng Selyo sa Kahusayan sa Wika at Kultura ang Pampahalaang Unibersidad ng Bukidnon, Pampahalaang Unibersidad ng Ifugao, Pampahalaang Unibersidad ng Mariano Marcos, Pampahalaang Kolehiyo ng Occidental Mindoro, at Pampahalaang Kolehiyo sa Teknolohiya ng Aurora  para sa kanilang mga programa sa pangangalaga ng mga katutubong wika ng kanilang rehiyon at sa pagpapalaganap ng wikang Filipino.

Noong 16 Agosto 2018, ang Lupon ng Inampalan ng Gawad KWF sa Sanaysay 2018 ay nagpasiya na walang nagwagi sa timpalak sa sanaysay sa taong ito.

Ang mang-aawit ng kundiman na si Lara Maigue at kompositor na si Ramoncito Carpio ay magtatanghal ng isang bagong kundiman na pinamagatang “Minsan Lang,” isa sa mga finalist sa katatapos na NCCA Konsiyerto ng Kundiman 2018. Bilang pagwawakas sa gabi, magkakaroon ng rap performance tampok ang “Sugo” at “May Pag-asa” ng fliptop rapper na si BLKD.  Ang pangkulturang pagtatanghal ay naglalayong itampok ang husay ng wikang Filipino na umakma sa iba’t ibang uri ng musika.

Ang “Pammadayaw: Araw ng Gawad” ng KWF ay idinaraos taon-taon simula noong 2016.

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay itinatatg sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104 na may mandato sa pagtataguyod ng saliksik, pagpapaunlad, at preserbasyon ng wikang Filipino at iba pang mga katutubong wika ng Filipinas. # # #