Ipinagkaloob ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Gawad Dangal ni Balagtas kay Rogelio G. Mangahas, isa sa mga nanguna sa kilusang modernista sa panulaang Filipino, noong 30 Marso 2015 sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas sa Orion Elementary School, Orion, Bataan.

 

Túbong Cabiao, Nueva Ecija si Mangahas at ipinanganak noong 9 Mayo 1939. Kabilang siya sa tinatawag na ‘Tungkong-bato ng Panulaang Makabago’ noong dekada 60.  Kasama sina Lamberto Antonio at Rio Alma, pinasiklab niya ang sariwa at makabuluhang pagbabago sa panulaang Filipino.
Itinuturing na mahalagang aklat at muhon sa panitikang Filipino ang kaniyang unang aklat na Duguang Plakard at iba pang Tula (1970).  Awtor din siya ng aklat ng mga haiku, ang Gagamba sa Uhay, na pinagkalooban naman ng National Book Awards ng Manila Critics Circle noong 2006.

 

Bukod sa pagiging makata, si Koyang Roger, na karaniwang tawag kay Mangahas, ay isa ring editor, tagasalin, at propesor. Maybahay niya ang batikang manunulat at propesor na si Fe B. Mangahas.

 

Ang Gawad Dangal ni Balagtas ay isang lifetime achievement award na ipinagkakaloob sa pilíng manunulat at/o institusyon na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Filipinas. Kinikilala ng gawad ang mga alagad ng sining na nakalikha ng mga akdang nag-iwan ng bakas at humawi ng landas sa larangan ng pagsusulat.

Unang ipinagkaloob ang Gawad Dangal ni Balagtas kay Lamberto Antonio noong 2013 at sinundan ni Teodoro “Teo” T. Antonio noong 2014.