Iniimbitahan ang lahat na dumalo sa Sinebernakular, tatlong ng araw na pagdiriwang ng isang daang taon ng Pelikulang Filipino at pakikiisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa Buwan ng Wikang Pambansa, na gaganapin sa Cinematheque Centre, Ermita, Maynila mula 22 hanggang 24 Agosto 2019.

Katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), maglalaan ang FDCP ng libreng sine o film screening, mga panayam hinggil sa mga katutubong wika at pelikulang Filipino, at isang gabi ng musika at kultura na gaganapin sa Rizal Park open air auditorium.

Ang mga itatampok na pelikula ay “Walang Rape sa Bontok” (Finallig), “Ari: My Life with a King” (Kapampangan) mula sa Luzon; “Sonata” (Hiligaynon) at “Swap” (Sebwano) mula sa Visayas; “K’na, the Dreamweaver” (Tiboli) mula sa Mindanao; at ang “Ang Larawan” (Filipino).

Makakapanayam sa unang araw ng pagdiriwang sina Anita Del Mundo, ang direktor ng “K’na, the Dreamweaver,” Mara Lopez, ang bida sa “K’na, the Dreamweaver” at Carlo Catu, ang direktor ng “Ari: My Life with a King” upang magbahagi ng kanilang kaalaman hinggil sa pelikulang Filipino at ang kahalagahan ng paggamit ng mga katutubong wika dito.

Magkakaroon din ng eksibit ng iba’t ibang wika at katutubong kasuotang ginamit sa mga pelikula.

Inaanyayahan din ang lahat na dumalo sa libreng concert tampok ang mga piling spoken word artists ng Tulaan MNL, Betsin-Artparasites, Baon Collective, Titik Poetry, indigenous community, Nomad Likha, Tadhana Collective, CollaboratoryPH, at Ampalaya Monologues at mga OPM artist Raven and the Papis, Pangayaw Ethnic Band, 4th Quadrant, 2202, Hulo, Blessie Hernandez Azul, Leanne and Naara, Gelo Music, Shirebound and Busking, Syd Hartha, Johnny Paradox, Young Music, at Kiyo, Space Moses, at No$ia para sa isang gabi ng musika at kulturang Filipino sa Rizal Park Open Air Auditorium, sa 24 Agosto, 2:00 nh.

Ang Sinebernakular ay libre at bukás sa publiko.