1

CHRISTIAN RAY PILARES, NAGWAGI BILANG MAKATA NG TAON 2015

 Hinirang na Makata ng Taon 2015 si Christian Ray P. Pilares para sa kaniyang tulang “Pingkian” sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2015 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nagkamit ng ikalawang gantimpala ang “Pananaginip kay Tud Bulul” ni Michael Jude C. Tumamac at ikatlong gantimpala naman ang “Bahagdan, Walang Sukat Ang Bayaning Kabataan” ni Francisco A. Monteseña.

 

Isang freelance writer si Pilares at kasalukuyang tinatapos ang kursong Broadcast Communications sa Polytechnic University of the Philippines. Ito ang kaniyang unang pagkakataóng sumali at magwagi sa prestihiyosong timpalak sa tula na nagsimula noong 1963.

 

Sagisag-panulat sa pahayagang Kalayaan ng dakilang Katipunero na si Emilio Jacinto ang Pingkian. Isinulat ni Jacinto ang mahahalagang rebolusyonaryong akda gaya ng Kartilya ng Katipunan, Ningning at Liwanag, at Pahayag. Namatay siya sa gulang na 24.

 

Tatanggap si Pilares ng Php30,000, tropeo, at karangalan bílang Makata ng Taon 2015. Pagkakalooban naman sina Tumamac at Monteseña nang magkahiwalay na Php20,000 at Php15,000, kasama ang plake ng pagkilala. Sa 30 Marso 2015 mangyayari ang parangal para sa mga nagwagi sa Kampo Balagtas, Orion Elementary School, Bataan.

 

Kabataan ang naging tema ng timpalak ngayong taon. May sukat at tugma sa antas tudlikan pataas ang mga inilahok na tula. Umupo sa lupon ng inampalan ang mga premyadong makatang sina Dr. Michael M. Coroza, Enrique S.Villasis, at Mikael De Lara Co.

 

Patuloy na kinikilala ng Talaang Ginto ang mga batikan at umuusbong na makata sa wikang Filipino. Ilan sa mga nagwagi rito ay bahagi na ng panulaan at panitikang Filipino gaya nina Bienvenido Lumbera, Rogelio Mangahas, Lamberto Antonio, Virgilio Almario, Cirilo Bautista, Mike Bigornia, at iba pa.