1

Muntinlupa, kauna-unahang lungsod na Kampeon ng Wika ng KWF

Pamahalaang Lungsod ng MuntinlupaHinirang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Lungsod ng Muntinlupa bílang kauna-unahang lungsod na Kampeon ng Wika nitong 20 Agosto 2015 sa Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa.

Tinanggap ni Jaime R. Fresnedi, Punong Lungsod ng Muntinlupa, ang pagkilala para sa lungsod. Ginawaran ang Muntilupa dahil sa aktibo nitong pagpapalaganap at paggamit ng Filipino sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay mula pa nang maitatag itong lungsod noong 1995.

Patunay ang malawakang paggamit ng Filipino ng Muntinlupa sa pagsunod nito sa E.o. 335. Hinihimok ng E.o. 335 ang mga kagawaran, kawanihan, ahensiya, at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino sa lahat ng opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.

Dumalo sa paggawad sina Purificacion G. Delima, Full-time na Komisyoner at Roberto T. Añonuevo, Direktor Heneral ng KWF.

Kinikilala ng gawad ang mga indibidwal at/o institusyon na nagsasagawa ng mga makabuluhang hakbang sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ngayon pa lámang kinilala ang isang lungsod sa Filipinas bílang Kampeon ng Wika.

Retrato: Pamahalaang Lungsod ng Muntilupa. Mula sa muntinlupacity.gov.ph




CHED, SUPORTADO ANG FILIPINO BÍLANG WIKA NG KOMUNIKASYON

Sinuportahan ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ang paggamit ng wikang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon.

Sa ipinadalang liham na may petsang 5 Enero 2015, ipinaabot ni Tagapangulong Patricia B. Licuanan ng CHED kay Tagapangulong Virgilio S. Almario ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sinusuportahan nito ang pagpapatupad ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 335, s. 1988 na nag-aatas sa lahat ng kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya, at instrumentality ng pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang na kailangang para sa layuning magamit ang Filipino sa opisyal na mga transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.

Ayon kay Tagapangulong Licuanan, “sinusuportahan namin ang nasabing patakaran kasama ang mga institusyonal na programa at aktibidad na magsasakatuparan nito.

Kasalukuyang nagbibigay ng mga seminar-workshop sa Korespondensiya Opisyal (KO) ang KWF sa mga tanggapan ng pamahalaan. Pakay ng seminar-workshop na makatulong sa epektibong implementasyon ng EO 335 sa buong bansa. Maaaring magpadala ng email ang mga interesadong ahensiya sa komisyonsawika@gmail.com tumawag sa 736-2525 local 105.