Wika ni Lourd: Filipino ako, Filipino ang wika ko, Filipinas ang bayan ko

Ilalabas ngayong Setyembre ang pinakabagong poster ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) tampok ang tanyag na manunulat, mang-aawit, at peryodista na si Lourd De Veyra.

Nakilala si De Veyra bílang bokalista ng bandang Radioactive Sago Project. Isa siyang premyadong manunulat na ilang ulit nang nagwagi sa Gawad Palanca. Nakapaglimbag na siya ng tatlong aklat ng tula, isang nobela, at dalawang koleksiyon ng sanaysay.

Bukod sa musika at pagsulat, isa sa mga aktibo at dinamikong tinig si De Veyra sa midya. Nagsisilbing siyang host ng ilang programa sa radyo at telebisyon gaya ng Word of the Lourd, Wasak, History: Tsismis Noon, Kasaysayan Ngayon, at Kontrabando.

Sa nabanggit na poster, sinasabi ni Lourd na “Filipino ako, Filipino ang wika ko, at Filipinas ang bayan ko.” Kasama sa poster ang mga retratong sumasagisag sa mga halagahang Filipino na marangal, malikhain, at mapagbago.

Bahagi ito sa kampanya ng KWF na kilalanin ang mga personalidad na nagsisilbing ehemplo sa mahusay at epektibong paggamit ng Filipino sa kanilang larang. Nauna nang naging modelo ng KWF sina Gob. Vilma Santos-Recto, Francis N. Tolentino ng MMDA, at ang mang-aawit at kompositor na si Noel Cabangon.