Mula sa Rappler: Pagtuturo at paggamit ng Filipino sa kolehiyo limitado pa rin

Ayon sa survey na isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino, limitado pa rin sa mga asignatura o kursong itinuturo sa wikang pambansa sa mga unibersidad.

Dapat nang simulan ng mga kolehiyo at unibersidad ang reporma sa kanilang mga patakaran at programa para sa Filipino upang maisulong ang wikang pambansa.

Iminungkahi ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) batay sa resulta ng kanilang survey na isinagawa nitong 3rd quarter ng 2015. Sa 144 na institusyong tinarget para sa survey, 73 lang ang tumugon:

  • 44 ang publiko, at 29 ang pribado
  • 48 ang mula sa Luzon, 14 sa Visayas, at 11 sa Mindanao

Layunin ng survey na mailahad ang estado ng paggamit at pagtuturo ng Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad.

Limitado sa mga asignatura o kurso sa Filipino ang programa sa wikang Filipino ng mga kolehiyo at unibersidad, ayon sa survey results na pinag-usapan sa Kapihang Wika nitong Martes, Oktubre 27.

Basahin ang buong balita sa Rappler.

 




Filipino: ‘Pambansang wika, pero hindi wikang opisyal’

Mula sa Rappler: Pangunahing balakid upang maging wikang opisyal ang Filipino ang kahirapang isalin ang mga opisyal na terminolohiya na kadalasang ginagamit sa pamamalakad, pangangasiwa, at sa usaping batas. I-click ang sumusunod na link para sa buong balita mula sa rappler.com. http://rappler.com/nation/101966-filipino-wikang-opisyal




KWF SA CHED: TUPDIN ANG MANDATO NG KONSTITUSYON HINGGIL SA WIKANG PAMBANSA

Iginiit ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na itaguyod ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ang wikang Filipino at ang karapatan sa seguridad sa trabaho ng mga guro ng Filipino sa tersiyarya. Ito ay ayon sa liham na may petsang 19 Disyembre 2014 at ipinadala ng KWF, sa pamamagitan ni Tagapangulong Virgilio S. Almario, kay Tagapangulong Patricia B. Licuanan ng CHED.

Matatandaan na noong 27 Nobyembre 2014 ay naglabas ng pahayag ang CHED na paninindigan nito ang CHED Memorandum Order (CMO) Blg. 20, serye 2013. Dahil sa nasabing memo, libo-libong guro sa kolehiyo at unibersidad ang posibleng mawalan ng trabaho simula 2016 dahil sa pagkawala ng mga sabjek na ituturo.

Sa liham na ipinadala, itinanong ni Almario kung ano ang mga hakbang ng CHED upang “tupdin ang mandato ng 1987 Konstitusyon na mapalaganap ang wikang Filipino at maipagamit ito bilang wikang panturo sa mga kolehiyo at unibersidad” at nagmungkahing “pakinggang mabuti ng inyong Komisyon ang kasalukuyang karaingan ng mga guro sa Filipino at ang nakikinitang masamang epekto ng CMO No. 20 sa buhay ng libo-libong guro.”

Sinabi din ni Almario na matagal nang nagsisikap magbukas ang KWF ng talakayan sa CHED hinggil sa Filipino sa tersiyarya at kayĆ¢ ikinatuwa na magpapasimula na ito ng talakayan sa KWF.