1

Kampeon ng Wika 2015: Lamiraw Writers Workshop

Lamiraw Writers Workshop

Kampeon ng Wika 2015

Dahil sa mahigit isang dekada ng tuloy-tuloy na pagsasagawa ng palihan ng mga tula, kuwento, at dula sa wikang Waray at iba pang mga katutubong wika. Sa taguyod ng Northwest Samar State University, ipinagpatuloy ng Lamiraw ang mga nauna nang pagsisikap ng Visayas Writers Workshop sa Unibersidad Pilipinas-Tacloban para pasiglahin ang panulat na Waray. Sa tulong ng mga panelist na may malalim na malasakit sa wika at kultura ng Silangang Kabisayaan, hinasa ng Lamiraw ang mga bagong sibol na manunulat na Waray, hindi lamang sa akademya kundi maging sa hanay ng mga karaniwang tao. Muling pinasigla ng Lamiraw ang pagsulat sa Samar at Leyte, iniangat ang antas ng panulat sa rehiyon, tiniyak na ang Wikang Waray ay gagamitin sa mga siday, susumaton, sanaysay, at drama, upang bigyan ng tinig at hugis ang karanasang Leytenhon-Samarnon tungo sa pagbubuo ng Panitikang Filipino. Habang buháy ang Lamiraw, habang patuloy na umuusbong ang mga bagong manunulat na may gugma at malasakit sa kanilang pinulungan, nakatitiyak na mabubuhay ang Wika at Panitikang Waray sa habang-panahon.

Igagawad sa Leyte Normal University, Lungsod Tacloban, Leyte kaugnay ng Pambansang Kumperensiya sa Wika at Panitikang Waray.




Kampeon ng Wika 2015: Merlie M. Alunan

Merlie M. Alunan

Kampeon ng Wika 2015

Bilang makata, itinula niya ang kaniyang mga karanasan bilang ina, asawa, babae, Filipino, hindi lamang sa wikang Ingles kundi maging sa wikang Sebwano. Itinaguyod niya ang Visayas Writers Workshop (VisWrite) sa Unibersidad ng Pilipinas-Tacloban, at naging instrumento sa pagtatatag ng Lamiraw Writers Workshop sa Northwest Samar State University sa Calbayog. Hinubog niya ang bagong henerasyon ng mga manunulat at hinimok silang gamitin ang wikang Waray at iba pang mga wika ng Kabisayaan para ipahayag ang kanilang mga karanasan at saloobin sa kanilang mga kuwento, dula, at tula, sa paniniwalang ang mga katutubong wika ang tunay na magbibigay ng tinig sa hindi naririnig na boses ng sambayanan. Tinipon niya ang mga puplonganon o siday ng Leyte at Samar, pinaksa sa kaniyang mga aklat at artikulo ang kasaysayan at sining ng Panitikang Waray. Tunay siyang “Hitana ng Kabisayaan” at ang kaniyang paglalagalag sa iba’t ibang panig ng ating mga isla upang hikayatin ang ating mga manunulat na tumula, magkuwento, at umawit gamit ang ating mga katutubong wika ay walang dudang higit pang magpapayaman sa ating pambansang panitikan.

Igagawad sa Leyte Normal University, Lungsod Tacloban, Leyte kaugnay ng Pambansang Kumperensiya sa Wika at Panitikang Waray.