1

Sarbey hinggil sa Filipino, Gawad Balmaseda, at mga aktibidad sa pagsasalin tinalakay sa Kapihan ng KWF

Tinipon muli ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang midya para sa mga makabuluhang talakay hinggil sa wika at kulturang Filipino sa Kapihang Wika na nangyari noong 27 Oktubre 2015, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Naunang inulat ang isinagawang sarbey ng KWF hinggil sa mga programa ng Filipino sa mga Kolehiyo at Unibersidad. Ang isinagawang sarbey sa kabuuang 145 kolehiyo at unibersisad ay magsisilbing gabay ng KWF sa mga kaukulang hakbang sa pagpapaunlad ng paggamit ng wikang Filipino sa antas tersiyarya.

Sumunod na nag-ulat si Dr. Benjamin Mendillo, punò ng Sangay ng Salin, hinggil sa mga gawain sa pagsasalin ng KWF. Kabilang dito ang kauna-unahang programang sertipiko ng KWF para sa mga tagasalin na mangyayari sa 11–12 Nobyembre.

Sa hulíng bahagi ng programa, nagpanayam si Dr. Marlon S. Delupio hinggil sa kilusang Sakdalista. Kasama sa tinalakay ni Delupio ang mithiin ng kilusang panlipunan at mga kritikal na aspektong nakapaloob sa kanilang panulat at lathalain, partikular ang pahayagang Sakdal.

Si Dr. Delupio ang kauna-unanahang nagwagi ng Gawad Julian Cruz Balmaseda para sa kaniyang disertasyon tungkol sa mga Sakdalista, ang Sakdal: Kasaysayang Pangkalinangan ng Isang Kilusang Panlipunan, 1930-1938. Para sa kaniyang disertasyon, tumanggap siya ng PHP 100,000.00 at karapatang mailimbag sa ilalim ng KWF Aklat ng Bayan.

Nása ikalawang taon na ang Gawad Julian Cruz Balmaseda at tatanggap ito ng mga tesis at disertasyon sa agham, matematika, at agham panlipunan na nakasulat sa wikang Filipino. 27 Nobyembre 2015 ang hulíng araw ng pagpapása at maaaring makakuha ng karagdagang detalye sa kwf.gov.ph.




Kulo at Kolorum: Mas Responsableng Mass Media

ni Virgilio S. Almario

MAS RESPONSABLENG MASS MEDIA (2)

Kulo at Kolorum_Mas Responsable_2

SA ISANG PAGTITIPON ng “Kapihang Wika” ay nagreklamo ang isang reporter. [Hindi ko babanggitin ang kaniyang pangalan dahil bakâ mawalan siya ng trabaho.] Sabi niya, nahihirapan siláng mga reporter sumunod sa Ortograpiyang Pambansa dahil binabago ng kanilang mga editor ang kanilang balita.

 

Ibinigay niyang simpleng kaso ang salitâng “aksiyón.” Mula ito sa Español na accion at noon pang panahon nina Rizal ay ginagamit na ng taumbayan. Dahil sa abakada na walang titik C, kailangang reispel ang naturang salita alinsunod sa bigkas kayâ naging K ang unang C at naging S ang ikalawang C. Ngunit naging problema nitóng dekada 70 ang paraan ng pagsulat sa kambal-patinig na IO. May mga eksperto sa Lingguwistika na nagsabing dapat palitan ng Y ang lahat ng unang patinig sa naturang kambal-patinig. Kayâ lumitaw ang anyong “aksyon” at siya ngayong malaganap na isinusulat.

 

Siniyasat mabuti ng KWF ang naturang kaso at nagkaroon ng pangkalahatang tuntunin hinggil sa kambal-patinig ang Ortograpiyang Pambansa. Sa anyo pa lámang ng “ortograpiya” sa halip na “ortograpya” ay makikita nang hindi ganap na sumasang-ayon ang KWF sa atas ng mga Linggwistasero natin. Basáhing mabuti ang Tuntunin 5 sa Ortograpiyang Pambansa upang mapag-aralan ang higit na masalimuot na pagtrato sa kambal-patinig. Masalimuot, dahil may mahabà nang iba-ibang paraan ng pagtrato sa kambal-patinig sa nakasulat na panitikan ng Filipinas. Masalimuot, kayâ hindi maaaring lapatan ng isang simplistikong tuntunin na gaya ng nais ng mga Linggwistasero.

 

Iminumungkahi kong bumása ng Ortograpiyang Pambansa ang mga editor ng peryodiko sa Filipino. Bahagi ito ng kanilang tungkulin bilang editor at itinuturing na mas maalam sa wika kaysa mga reporter nilá. Hindi puwedeng wido lang ang pagsulat. Hindi rin puwedeng pairalin lang ang kung ano ang kanilang “nakamihasnan.” Nagbabago ang ating wika araw-araw. Malaking pagbabago sa pagsulat ang bagong alpabeto. At kayâ tungkulin ng isang mas responsableng editor na ilahok ang sarili sa pagbabago. Iniimbita nga namin ang mga editor na dumalo sa buwanang “Kapihang Wika” upang maging aktibong kalahok sa pagpanday natin ng Filipino bilang isang wika ng karunungan.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.

 




TUNGKULIN NG MIDYA PARA SA FILIPINO AT ATLAS FILIPINAS, TINALAKAY SA KAPIHANG WIKA NG KWF

Dumalo ang higit 30 kasapi ng midya upang pag-usapan ang mga napapanahong isyu sa wikang Filipino gaya ng estandardisasyon at kultibasyon, pati ang isinasagawang mapa ng mga wika sa Filipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 30 Setyembre 2014, Bulwagang Romualdez, Gusaling Watson, Maynila.

Tinalakay ng Tagapangulo ng KWF at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario ang mga hakbangin ng KWF tungo sa language planning at ang halaga ng midya sa pagpapakalat ng wastong paggamit ng Filipino.

Nagpakita si Almario ng mga mabubuting halimbawa ng paggamit ng Filipino na matatagpuan sa iba’t ibang midyum sa kasalukuyan. Iminungkahi rin niya ang pagsangguni ng midya sa KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat at Ortograpiyang Pambansa.

Sumunod na nag-ulat hinggil sa Atlas Filipinas si Dr. Purificacion G. Delima, Full-time Komisyoner para sa Programa at Proyekto at kinatawan ng wikang Ilokano. Maituturing na napapanahon ang binubuong Atlas Filipinas na magsisilbing panlingguwistikang mapa ng mga wika sa buong Filipinas.

Isinasagawa ng KWF ang buwanang Kapihang Wika upang maipagtuloy ang pakikipag-ugnayan at pagpapaalam sa midya sa mga gawaing pangwika at kultura ng ahensiya.