1

MGA MISYON PARA SA KOMISYON SA WIKANG FILIPINO

(Isang Ulat para sa Kongreso ng Pagplanong Wika, 5 Agosto 2015)

ni Virgilio S. Almario

NAPAKAHALAGA NG PAGPAPLANONG WIKA ngunit waring nawala ito sa isip ng nagdaang mga tagapamahala ng Surian ng Wikang Pambansa at hanggang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Mahirap tuloy mabalikan ngayon kung ano ba ang direksiyong ninais abutin para sa Wikang Pambansa sa loob ng nakaraang mahigit 65 taon. Nang mabuo ang kasalukuyang Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF nitóng Marso 2013, naging unang hakbang namin ang pagtawag ng isang seminar upang konsultahin at ganyakin ang ilang pinilìng alagad ng wika sa pagbuo ng isang Medyo Matagalang Plano (Medium Term Plan) para sa wikang Filipino. Sagot ang plano sa mga lumitaw na analisis hinggil sa naging mabagal na pagsusúlong sa Filipino at sa mga posibleng gawin ng KWF upang mabisàng matupad ang atas ng 1987 Konstitusyon at ng Batas Republika Blg. 7104.

Sa patnubay ng bisyon na—Wikang Filipino: Wika ng Dangal at Kaunlaran—inihanda ng Kalupunan ang buong komisyon para sa tatlong taóng masugid na pagkilos upang pasiglahin ang pagtataguyod sa Wikang Pambansa at ibang wikang katutubo at makapagdulot ng pambansang patnubay sa wastong paggamit, pagtuturo, at pagpapahalaga sa Filipino.

Sa ilalim ng programang Súlong: Dangal ng Filipino, unang naganap ang reorganisasyon ng KWF. Binago ang komposisyon at tungkulin ng mga sangay upang umangkop sa mga bagong adhika sa Medyo Matagalang Plano. Nagkaroon ng bagong Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN) at Sangay ng mga Literatura at Araling Kultural (SLAK) samantalang binigyan ng mga tiyak na gawain at proyekto ang Sangay ng Salita at Gramatika (SSG) at Sangay ng Salin (SS). Sinundan ito ng mga regular na pag-aaral at palihan upang mapataas ang antas ng kaalaman at kasanayan ng mga kawani. Nirebisa din ang organisasyon at programa ng mga sangay ng KWF sa mga rehiyon at lalawigan sa ilalim ng bagong pangalang Sentro ng Wika at Kultura (SWK). Bago matapos ang 2013, naaprobahan din ang bagong logo ng KWF upang maging sagisag ng nagbagong misyon ng komisyon para sa sarili at para sa Filipino.

Mula naman sa isang serye ng mga forum at konsultasyon ay nabuo ang Ortograpiyang Pambansa, na hindi nagluwat ay nadugtungan ng Manwal sa Masinop na Pagsulat. Natapos din ang pagrebisa sa Patnubay sa Korespondensiya Opisyal na siyang pangunahing instrumento para sa pagpapatupad ng Executive Order 335 ni Pangulong Corazon C. Aquino. Samantala, sinimulan ang publikasyon ng jornal na Pandiwa at lathalaang Aklat ng Bayan, na may kaukulang tulong mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), upang pasiglahin ang saliksik, pagsasalin, at paglalathala ng mga aklat na makapagpapalaganap ng bagong kaalaman at magtatanghal sa kapasidad ng Filipino bilang wikang modernisado at intelektuwalisado.

Pambansang Kaisahan

Ang mga aklat at manwal ang naging kasangkapan sa kampanyang Filipino: Wika ng Pagkakaisa para sa taóng 2014. Adhika ng KWF na maging sagisag ang wikang Filipino ng diwang maugnayin (inclusive) hinggil sa pangangalaga ng mga wika at kulturang katutubo samantalang pinauunlad ang Wikang Pambansa bílang modelo ng pagpapaunlad at pagkakaisa. Sa loob ng kampanyang ito isinagawa ang malawakang seminar hinggil sa Ortograpiyang Pambansa at Manwal sa Masinop na Pagsulat para sa mga guro at hinggil sa Patnubay sa Korespondensiya Opisyal para sa mga pinunò at empleado ng mga ahensiya ng pamahalaan. Naging pangunahing layunin sa mga seminar at workshop ang estandardisasyon o pagkakaisa sa anyo ng Filipino sa pagsulat. Ang layuning ito ay naging armonisasyon nang tumulong ang KWF sa pagsasaayos ng mga ortograpiya ng 19 sariling wika (mother tongues) sa programang MTB-MLE ng DepEd.

Inilunsad din ng KWF ang proyektong Atlas Filipinas na may dalawang sanga. Ang unang sanga ay nauukol sa pagbuo ng isang bagong mapa ng bansa na nagtataglay ng kaukulang pagbabago sa ispeling ng mga pook na katutubo ang pangalan alinsunod sa palabaybayang Filipino. Ikalawang sanga ang pagmamapa sa mga wika ng Filipinas, na isang saliksik hinggil sa tunay na bilang ng mga katutubong wika at sa sitwasyon ng mga komunidad na nagsasalita ng mga ito. Mahigpit na katulong ng KWF sa proyektong ito ang DILG at ang NCIP.

Kaugnay ng pangangalaga sa mga wikang katutubo ang idinaos na malaking Summit sa Wika ng Kapayapaan na dinaluhan ng mga lider ng umaabot sa 100 wikang lumad at pinagmulan ng kasalukuyang saliksik hinggil sa mga nanganganib na wika, simula sa wikang Agta. Itinataguyod din ng KWF ang mga taunang proyektong Ambagan at Sawikaan, bukod sa nagbibigay ng pondo para sa pagsasalin at paglilimbag ng mga bokabularyong sinulat sa panahon ng Español upang maging saligan sa mga manigong pagsusúlong ng mga wika ng Filipinas.

Itinuturing na makabuluhang aspekto ng wika ang paggamit nitó sa panitikan. Sa ngayon, binabalikat ng KWF ang pangangalaga sa mga wika at panitikang katutubo sa pamamagitan ng sumusunod: (1) kumperensiya ukol sa mga wika at panitikang rehiyonal, (2) antolohiya ng mga akdang pampanitikan sa katutubong wika na may katapat na salin sa Filipino, at (3) Timpalak Uswag Darepdep, isang kontest sa pagsulat ng tula at kuwento para sa mga kabataan at gamit ang kanilang katutubong wika. Sa kabilâng bandá, may kilos din ang KWF upang palusugin pa ang imahen ng pambansang panitikan. Isa rito ang Timpalak Salin (Na) na kontest sa pagsasalin at paglilimbag ng mga makasaysayang akda at dokumento.

Pambansang Kaunlaran

Nagpapatuloy ang kampanyang binuksan noong 2013 at 2014. Ngunit itinuon ng KWF ang kampanya sa Filipino: Wika ng Kaunlaran nitóng 2015. Kaugnay ng bagong diin, binago ang islogang Súlong: Dangal ng Filipino tungo sa Uswag: Dangal ng Filipino. Nangangahulugan ito ng pagpangitain sa isang pinalawak na saklaw ng paggamit sa wikang Filipino at ang pananalig na ang pag-unlad ng wikang Filipino ay kaagapay kung hindi man salamin ng pag-unlad ng Filipinas sa ekonomiya at ibang larangan. Binigyan ng bagong tuon ngayon ang saliksik pangkultura at pagsasalin, lalo na kaugnay ng higit na matalik na pakikiisa sa K–12 at sa implementasyon ng CHED Memo Blg. 20, s. 2013 hinggil sa paglikha ng walong bagong core courses sa kolehiyo.

Dalawang proyekto kaugnay ng saliksik pangkultura ang nasimulan nitóng 2015. Una, ang Gawad Julian Cruz Balmaseda na nagpaparangal sa pinakamahusay na tesis at disertasyon ng nakaraang taón at may tuon sa mga pag-aaral na nása ibang disiplina. Ikalawa, ang Lekturang Norberto Romualdez na may layuning makaipon ng mga bagong pagtingin at saliksik sa iba-ibang larang sa pamamagitan ng mga lektura ng mga pangunahing intelektuwal.

Kaugnay nitó ang bagong tuon ng pagsasalin. Idinagdag sa pagsasaling pampanitikan ang pagsasalin ng mga bantog na akdang banyaga, lalo na upang magamit sa pagtuturo ng panitikang pandaigdig. Nangampanya din sa mga embahada hinggil sa isang Programa ng Palitang Salin sa layuning maipakilála ang panitikan ng Filipinas sa ibang bansa samantalang ipinakikilála sa mga mambabasáng Filipino ang mga huwarang akdang banyaga. Pinatindi naman ang gawain ng Sangay ng Salin tungo sa pagsasaling teknikal. Bukod sa mga batas at regulasyong kailangang isa-Filipino, naghahanda ang sangay ng isang serye ng palihan para sa pagsasaling teknikal at tungo sa propesyonalisasyon ng hanay ng mga tagasalin.

Katulong ang WIKA, Inc., nagsagawa ang KWF ng isang konsultasyon hinggil sa kurikulum sa Filipino ng K–12. Ang resulta ng pagsusuri at mga rekomendasyon ay ipinadalá sa DepEd para sa kaukulang pagsasaalang-alang. Sinundan pa ito ng seminar-workshop hinggil sa reoryentasyong pampanitikan na isinagawa sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang makabuo ng isang listahan ng mga akdang mairerekomendang gamitin para sa mga teksbuk sa panitikan ng mga paaralang elementarya at sekundarya. Isang workshop na rin ang naidaos sa Bacolod para sa mga guro at artist ng rehiyon upang matulungan siláng sumulat at gumuhit ng mga kuwentong pambatà.

Kaugnay ng pagtuturo sa batayang edukasyon, inaasahang matapos ang isang bagong Gramatikang Pambansa bago matapos ang 2015. Ipapanukala ng naturang aklat ang bagong pagtingin sa wikang Filipino bilang bahagi ng mga wikang katutubo. Ilulunsad din ang proyektong Pagtuturo ng Filipino bilang Ikalawang Wika upang higit na maging epektibo ang pagtuturo ng Filipino sa mga pook na di-Tagalog.

Pinakamabigat na misyon ngayon ang Pambansang Programa sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (PPIF) na ipinanukala ng KWF para sa pakikipagtulungan ng CHED. Nagsimula ito sa inisyatiba ng KWF kasáma ang NCCA, na tumulong sa retooling ng mga guro sa Filipino na apektado ng CHED Memo Blg. 20, s. 2013.Sa naturang inisyatiba, pumili ng apat sa panukalang bagong core courses ang KWF, ipinagpagawa ng silabus at sangguniang aklat bawat isa, at upang mabigyan ng bagong kaalaman at kasanayan ang mga guro sa Filipino. Sa isang pulong sa pamunuan ng CHED, nagpahayag ng suporta ang CHED para sa isang organisadong pagpapasigla ng paggamit ng Filipino sa mga disiplina at kurso sa antas tersiyarya. Nagresulta ito sa panukalang PPIF na binubuo ng mga kurso, palihan, at seminar upang maituro ang paggamit ng Filipino lalo na sa pagtuturo ng agham at matematika, mga insentibo sa mga guro na gaya ng grant para sa gradwadong pag-aaral, at pagbuo at paglalathala ng mga kailangang materyales panturo.

Wika ng Karunungan

Ang lahat ng mga nabanggit na gawain at proyekto ng KWF ay hindi lámang para sa pambansang kaisahan at kaunlaran. Higit pa. Sapagkat ang tugatog ng pagpapalaganap at pag-aangat sa “Dangal ng Filipino” ay ang pagkilála at paggálang dito bilang Wika ng Karunungan. Na maaari itong gamitin sa anumang uri ng edukasyon ng sinumang Filipino; na maaari itong kasangkapan ng bayan sa anumang uri ng diskurso at anumang uri ng usapin sa lahat ng dako ng bansa. Kailangang patunayan para sa lahat na: “Hindi Ingles lang ang wika ng karunungan” bukod pa sa pagtatanghal na “Hindi wika lang ng mangmang ang Filipino.”

Hindi naman bago, bagaman sistematiko, ang pamamaraang kinasangkapan ng KWF upang tupdin ang mga itinakdang misyon sa Medyo Matagalang Plano nitó. Nangunguna siyempre ang mga serye ng forum, konsultasyon, at seminar na naging daan upang sa isang bandá ay makakuha ng mga opinyon at mungkahi mula sa mga guro at alagad ng wika, at upang sa kabilâng bandá ay mapalaganap ang mga binagong tuntunin at patakarang pangwika. Kasáma ng ganitong mga pagtitipon ang taunang Kongreso sa Wika upang matalakay at mapag-usapan ng lahat ang mga pangunahing isyu, problema, at tungkulin para sa wikang Filipino. Ipinaplano ding mabuti kahit ang mga dáting pagdiriwang, gaya ng Araw ni Balagtas at Buwan ng Wika, upang magtanghal ng ibang karanasang edukasyonal at makaahon sa nakababagot na’t nakamihasnan.

Naging malaking tulong ang reorganisasyon ng hanay ng KWF upang maging epektibong makinaryang pangwika. Halimbawa, ang pagbuo sa SEN upang aktibong harapin ang networking. Agresibo ang SEN sa paghahanap ng panahon upang makapagsalita ang KWF sa radyo at telebisyon, bukod pa sa regular at buwanang Kapihan sa Wika upang kausapin ang mga miyembro ng mass media at makatulong ang mga ito sa pagbabalita ng mga aktibidad ng KWF.

Bahagi ng promosyong pangwika ang mga gawad at parangal. Sa ngayon, hinigpitan ng KWF ang pagbibigay ng dating parangal, gaya ng Dangal ng Wika at Dangal ni Balagtas, upang higit na maging prestihiyoso. Idinagdag naman ang gawad na gaya ng pambansang Gawad Ulirang Guro sa Filipino upang kilalánin ang pagpapakasakit ng mga guro sa Filipino. Nagiging paraan naman ang pagpilì ng mga Kampeon ng Wika sa pana-panahon at sa iba’t ibang larang at rehiyon upang lumaki ang hanay ng mga tagapagtaguyod ng Filipino. Napakalaki ng posibilidad ng bagong deklarang Buwan ng Pambansang Panitikan tungo sa higit na pag-akit ng madla sa halaga ng wika at panitikan ng Filipinas. Ang totoo, nakasalalay ang tagumpay ng mga misyon ng KWF sa wastong pagpapakilos ng mga kaalyadong tao, organisasyon, at institusyon.

Sa loob ng nakaraang dalawang taón, sinikap itaguyod ng KWF ang isang organisado at planadong pagkilos, at dahil organisado at planado ang pagkilos ay natupad nitó ang mga misyong hindi isinagawa ng mga nakaraang administrasyon. Ngunit napakaikli ng tatlong taón para matupad ang lahat. Kung sakali, nagsisimula pa lámang ngayon ang KWF at kailangan pa marahil ang isang bagong set ng pamunuan na magpapatuloy sa sinimulan ngayon upang maging kaganapan ang atas ng 1987 Konstitusyon. Gayunman, humaharap ang KWF sa 2016, sa ika-25 anibersaryo nitó, nang may matatag na paninindigan para sa Filipino bilang wika ng pinagsanib na pambansang Kaisahan, Kaunlaran, at Karunungan. Maipagmamalaki na ngayon ng sinumang na “Filipino ako, Filipino ang wika ko, Filipinas ang bansa ko.”

Salamat po inyong tulong at taguyod.

Ferndale Homes

28 Hulyo 2015

Talumpati ni Senador Pia Cayetano para sa Kongreso sa Pagpaplanong Wika 2015

Filipino, Wika ng Pambansang Kaunlaran

Ni Senadora Pia S. Cayetano

Tagapangulo, Komite sa Edukasyon, Sining at Kultura

Senado ng Republika ng Pilipinas

Para sa Kongreso sa Pagpaplanong Wika

Ika-4 ng Agosto, 2015

Malugod na pagbati sa mga kinatawan ng mga organisasyong pangwika, mga guro, mananaliksik at miyembro ng media.

Kamakailan ay inilabas ng Oxford English Dictionary, o OED, ang pinakabagong edisyon ng diksyunaryo nito na naglalaman ng mga bagong salitang Ingles, bukod pa sa mga dati nang termino na pinalawak ang kahulugan ayon sa nagbabagong paggamit nito. [1]

Kabilang dito ang apatnapung (40) salita mula sa Pilipinas na halaw sa ‘Philippine English.’ Ilan sa mga ito ay ang ‘presidentiable,’ ‘gimmick,’ ‘carnap’ at ‘salvage,’ gayundin ang balikbayan, despedida, barkada, kikay, halo-halo at ‘KKB.’ [2]

Ayon sa mga ulat, ito na raw ang pinakamalaking bilang ng mga salitang sariling atin na sabayang kinilala ng OED mula pa noong 1928 nang isama ng Oxford ang ‘abaca’ sa unang edisyon ng diksyunaryo nito. [3]

Ano naman ang halaga nito sa atin? Para sa mga mababaw ang kaligayahan, muling madadagdagan ang mga salitang magagamit nila sa paglalaro ng Scrabble. Pero, syempre, mas malalim ang ibig sabihin ng ganitong pagkilala.

Una, ito’y indikasyon ng lumalaki nating ambag sa ebolusyon ng wikang Ingles, na isa sa mga pangunahing lengguwahe sa buong mundo. At lalo pa itong magpapatuloy sa panahon ng globalisasyon, internet, at social media kung saan napaka-aktibo nating mga Pilipino.

Ikalawa, tanda rin ng pag-unlad ng ating wika ang pagkilala ng Oxford sa mga salitang dati-rati ay tayo lamang ang nakakaintindi at gumagamit. Bagay na hindi nakagugulat – kung iisipin na ang Pilipinas ang tinaguriang social media at texting capital ng Asya, kundi man ng mundo, at pangunahing pinagmumulan ng migranteng propesyunal at manggagawa sa iba’t ibang dako ng daigdig.

Pero hindi lahat ng pagbabagong kinakaharap ng ating wika ay maituturing na positibo. Sa pagbilis at pagdali ng palitan ng impormasyon sa panahon ng texting, internet messaging, Facebook at Twitter, kapansin-pansin din ang masamang impluwensya nito sa pamamaraan ng komunikasyon ng ilan nating kababayan gamit ang sarili nating wika.

Halimbawa, ilang beses ka na bang nakatanggap ng mensahe sa telepono na ‘D2 na me, wer na u?’ na ang ibig sabihin ay ‘Nandito na ako, nasaan ka na ba?’ ‘Muzta?’ sa halip na ‘Kumusta?’ ‘LOL’ imbis na ‘Nakakatawa yan.’ At ‘Kebs’ kaysa sabihing ‘Wala akong pakialam dyan.’ Imbis na ihayag nang buo at malinaw ang isang ideya o saloobin sa sariling wika ay nagkakasya na lang ang iba sa atin sa mga pinaikling kataga, hashtags at emoticon.

Sa ating henerasyon, maaaring malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng wasto at ‘di wastong paggamit ng wika. Ngunit nakakatakot isipin na balang araw ay baka maging katanggap-tanggap na rin ang huli partikular na sa mga kabataan, lalo na’t ito ang kanilang kinagisnan.

Dito pumapasok ang kahalagahan ng papel ninyo bilang mga tagpagtaguyod ng Pambansang Wika. Hawak ninyo ang kaalaman at kakayahan para siguruhin ang pagsulong ng wikang Filipino sa makabagong panahon – maging ito man ay sa silid-aralan, diskusyon sa internet, o sa mass media.

Kung wika ang kaluluwa ng bansa [4], edukasyon, literatura at komunikasyon ang mga salik na nagbibigay-buhay dito.

Sa gitna ng mga bagong hamon, dapat nating pangunahan ang epektibong paggamit  — imbis na magpagamit – sa makabagong teknolohiya at komunikasyon para panatilihing buhay at makabuluhan ang Pambansang Wika sa bawat Pilipino.

Napakahalaga ng tema ng Buwan ng Wika ngayong taon, ‘Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran.’ Alam natin na wika ang nagbibigkis sa naratibo ng ating kasaysayan at sa ating mga hangarin bilang isang bansa.

Batid natin ang malaking papel ng wika sa mga reporma sa sistemang pang-edukasyon ng kasalukuyang gobyerno. Sa ilalim ng K-12, itinaguyod ang programang ‘Mother-Tongue Based Multi-Lingual Education’ mula Kinder hanggang Grade 3. [5] Kasama ng wikang Tagalog and Kapampangan, Pangasinense, Ilokano, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Tausug, Maguindanaoan, Maranao, at Chavacano bilang ‘medium of instruction’ o panturo habang lalong palalawigin and pagkatuto ng Ingles at Filipino.

Layunin ng programa ang mas epektibong pagkatuto ng mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga akda sa wikang una nilang nakagisnan at mas madaling maintindhan.

Syempre pa, patuloy ang debate sa K to12, gayundin sa bagong kurikulum sa Wikang Filipino sa kolehiyo, na kamakailan ay ipinag-utos na isuspinde ng Korte Suprema. Panahon lamang ang makapagsasabi kung tama ang direksyong ating sinusundan. Nasisiguro kong kasama ito sa mga isyung tatalakayin ninyo nangmas  malaliman sa kumperensyang ito.

Magiging mas masaklaw o ‘inclusive’ lamang ang kaunlaran kung ito’y nararamdaman ng bawat mamamayan. Kaugnay nito, gamitin natin ang Pambansang Wika para mas aktibong mapalahok ang mamamayan, ‘di lamang sa pagpapapunlad ng ating kultura at sining, kundi maging ng agham, teknolohiya at lalo’t higit sa ekonomiya ng bansa. Kasama nyo ako sa adhikaing maging katuwang ang Pambansang Wika sa makabuluhang pagbabago at tunay na kaunlaran.  #

END NOTES:

[1] ‘Release notes: New Filipino words,’ by Danica Salazar, Oxford English Dictionary Website, June 2015,http://public.oed.com/the-oed-today/recent-updates-to-the-oed/june-2015-update/release-notes-new-filipino-words/

[2] ibid.

[3] “’Carnap,’ ‘gimmick’ included in Oxford English Dictionary,” by Patricia Lourdes Viray, Philippine Star online, June 25, 2015 http://philstar.com/news-feature/2015/06/25/1469840/carnap-gimmick-included-oxford-english-dictionary

[4] Paquito B. Badayos

[5] “’Carnap,’ ‘gimmick’ included in Oxford English Dictionary,” by Patricia Lourdes Viray, Philippine Star online, June 25, 2015 http://philstar.com/news-feature/2015/06/25/1469840/carnap-gimmick-included-oxford-english-dictionary

[6] ‘K to 12: Lessons to be taught in mother tounge  to help students learn better and stay in school,’ by Richelle Sy-Kho, GMA News Online, June 18, 2012 http://gmanetwork.com/news/story/260658/news/specialreports/k-to12-lessons-to-be-taught-in-mother-tongue-to-help-students-learn-better-and-stay-in-school

RETRATO: senate.gov.ph

Filipino: ‘Pambansang wika, pero hindi wikang opisyal’

Mula sa Rappler: Pangunahing balakid upang maging wikang opisyal ang Filipino ang kahirapang isalin ang mga opisyal na terminolohiya na kadalasang ginagamit sa pamamalakad, pangangasiwa, at sa usaping batas. I-click ang sumusunod na link para sa buong balita mula sa rappler.com. http://rappler.com/nation/101966-filipino-wikang-opisyal

Kongreso sa Pagpaplanong Wika: Mga guro, hinikayat na pag-ibayuhin ang pagtuturo ng wika

Balita mula sa The Varsitarian ng Unibersidad ng Santo Tomas. I-click ang sumusunod na link para sa buong balita sa varsitarian.net. http://varsitarian.net/breaking_news/20150806/mga_guro_hinikayat_na_pag_ibayuhin_ang_pagtuturo_ng_wika