1

SEGURADO KA BA?

KuloatKolorum-Logo

ni Virgilio S. Almario

SEGURADO KA BA?

 

NABANGGIT NI Ambeth Ocampo sa isang kolum niya ang problema ng nagbagong kahulugan sa atin ng “sigúro” mula sa orihinal na seguro ng Espanyol. Maraming ganitong pangyayari sa mundo ng hiramang wika. Sa naturang kaso, ang bagong anyo sa ating wika ay halos kabaligtaran ang kahulugan ng hiniraman. Ang seguro sa Espanyol ay nangangahulugan ng (1) libre sa panganib o pinsala, (2) tiyak at walang duda, o (3) pirme o matatag. Ang ating “siguro” ay kabaligtaran ng kahulugang (2) at (3) ng salitang Espanyol. Ang ating “siguro” ay ekspresyon ng kawalang katiyakan sa pinag-uusapan.

 

Ngunit hindi naman natin kompletong iniwan ang orihinal na Espanyol. Ang totoo, may salita din táyong “segúro” at halos katumbas ng Espanyol na seguro. Kayâ ito ang tawag natin sa ahensiyang nagbebenta ng insurance. Ito rin ang ugat ng hiram na “seguridád”—mula sa paglalagay ng kandado laban sa magnanakaw, pag-upa ng bantay kung gabi, regular na pag-iinspeksiyon ng tulay, at pagbuo ng hukbong pangkaayusan.

 

Para sa atin ngayon, ito ang isang makabuluhang halimbawa hinggil sa maingat na paggamit ng E/I. Sa pamamagitan ng pagbago sa orihinal na E sa unang pantig ng seguro ay naging iba ang ibig sabihin ng may I na siguro. At kailangang-kailangan itong tandaan pag binigkas o lalo na’y isinulat ang “segurádo” sa kahulugang garantisado o tiyak na tiyak. Hindi ito puwedeng isulat na “sigurado” dahil lilitaw na nakaugat mula sa “siguro” ng kawalang katiyakan.

 

Siyempre, tututulan ang paglilinaw kong ito ng mga kaaway ng estandardisasyon. Igigiit niláng hindi kailangan ang ganoong paghihigpit. Ipipilit niláng natural naman ang pagpapalit ng E at nagiging I. Na totoo namang malimit mangyari. Ngunit noon pang 1610 ay ipinayo na ni Tomas Pinpin na kailangang matuto ng wastong pagbigkas sa E at I. Tatlo lang kasi ang patinig ng ating mga ninuno at kayâ nagkakapalitan ang E/I at O/U. Pero dapat daw madisiplina ang ating dila, lalo na sa pag-aaral ng wikang Espanyol. May mga salita na nag-iiba ang kahulugan kapag napalitan ang E ng I (at ang O ng U). Halimbawa, iba ang péna (parusa) sa pína (dulo o gilid), iba ang mésa sa mísa.

 

Ngayon, segurado ka ba sa E at I mo? Praktis lang ang kailangan, kaibigan.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.