1

Kulo at Kolorum: Mas Responsableng Mass Media

ni Virgilio S. Almario

MAS RESPONSABLENG MASS MEDIA (2)

Kulo at Kolorum_Mas Responsable_2

SA ISANG PAGTITIPON ng “Kapihang Wika” ay nagreklamo ang isang reporter. [Hindi ko babanggitin ang kaniyang pangalan dahil bakâ mawalan siya ng trabaho.] Sabi niya, nahihirapan siláng mga reporter sumunod sa Ortograpiyang Pambansa dahil binabago ng kanilang mga editor ang kanilang balita.

 

Ibinigay niyang simpleng kaso ang salitâng “aksiyón.” Mula ito sa Español na accion at noon pang panahon nina Rizal ay ginagamit na ng taumbayan. Dahil sa abakada na walang titik C, kailangang reispel ang naturang salita alinsunod sa bigkas kayâ naging K ang unang C at naging S ang ikalawang C. Ngunit naging problema nitóng dekada 70 ang paraan ng pagsulat sa kambal-patinig na IO. May mga eksperto sa Lingguwistika na nagsabing dapat palitan ng Y ang lahat ng unang patinig sa naturang kambal-patinig. Kayâ lumitaw ang anyong “aksyon” at siya ngayong malaganap na isinusulat.

 

Siniyasat mabuti ng KWF ang naturang kaso at nagkaroon ng pangkalahatang tuntunin hinggil sa kambal-patinig ang Ortograpiyang Pambansa. Sa anyo pa lámang ng “ortograpiya” sa halip na “ortograpya” ay makikita nang hindi ganap na sumasang-ayon ang KWF sa atas ng mga Linggwistasero natin. Basáhing mabuti ang Tuntunin 5 sa Ortograpiyang Pambansa upang mapag-aralan ang higit na masalimuot na pagtrato sa kambal-patinig. Masalimuot, dahil may mahabà nang iba-ibang paraan ng pagtrato sa kambal-patinig sa nakasulat na panitikan ng Filipinas. Masalimuot, kayâ hindi maaaring lapatan ng isang simplistikong tuntunin na gaya ng nais ng mga Linggwistasero.

 

Iminumungkahi kong bumása ng Ortograpiyang Pambansa ang mga editor ng peryodiko sa Filipino. Bahagi ito ng kanilang tungkulin bilang editor at itinuturing na mas maalam sa wika kaysa mga reporter nilá. Hindi puwedeng wido lang ang pagsulat. Hindi rin puwedeng pairalin lang ang kung ano ang kanilang “nakamihasnan.” Nagbabago ang ating wika araw-araw. Malaking pagbabago sa pagsulat ang bagong alpabeto. At kayâ tungkulin ng isang mas responsableng editor na ilahok ang sarili sa pagbabago. Iniimbita nga namin ang mga editor na dumalo sa buwanang “Kapihang Wika” upang maging aktibong kalahok sa pagpanday natin ng Filipino bilang isang wika ng karunungan.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.

 




NGAYON, NGAYONG UMAGA, NGAYONG GABI

KuloatKolorum-Logo

ni Virgilio S. Almario

NGAYON, NGAYONG UMAGA, NGAYONG GABI

NABASA KO SA balita ng ANC nitóng 24 Oktubre 2014: BANGKAY NI JENNIFER ILILIBING NGAYONG ARAW. Hindi ko na matandaan ang buong pangungusap. Ngunit dumikit sa isip ko ang “ngayong araw.” Bakit? Dahil madalas ko na itong mabása sa libro at marinig kahit sa mga titser ng Filipino.

 

Hindi naman maituturing na malî ang “ngayong araw.” Ngunit mallinaw ding literal na salin lang ito ng today or this day sa Ingles. Sa idyomatikong Tagalog, sasabihin lang ng matatandang Tagalog na “Ililibing ang bangkay ni Jennifer NGAYON.”  Hindi na kailangan ang “araw” kasunod ng “ngayon.” Bakit? Dahil ang “ngayon” ay sumasaklaw sa buong isang araw o 24 oras.

 

[Dapat lang muling linawin na ang sinaunang 24 oras ay siklo ng maghápong mula sa ikaanim ng umaga hanggang ikalima ng takipsilim at ng magdamag mula ikaanim ng gabi hanggang ikalima ng madaling-araw. Naiiba ito sa modernong pag-ooras na may AM na sumasaklaw sa ikaisa ng umaga hanggang 12 tanghali at may PM na sumasaklaw sa ikaisa ng hápon hanggang 12 ng hatinggabi.]

 

Kung nais maging tiyak ang pagbabalita, maaaring idagdag ang nakamihasnang paghahati sa araw sa “maghápon” at “magdamag.” Gayunman, higit pang tiyak at eksakto ang mga yugtong “umaga,” “tanghali,” “hápon,” at “gabi” na maaaring idugtong sa “ngayon.” Halimbawa, maaaring ibalita sana na “Bangkay ni Jennifer ililibing ngayong umaga.” O “ngayong hápon.” Depende sa totoong mangyayari at alinsunod sa pasiya ng pamilya ni Jennifer.

 

Huwag ding kalilimutan ang iba pang maliit na yugto sa isang araw, gaya ng “madaling-araw” at “bukang-liwayway” bago maganap ang umaga at ang “dapithápon” o “takipsilim” bago lumatag ang dilim ng gabi. Sa pagbabalita, may inihahatid na taká ang libing sa bukang-liwayway. Tandaan ang kamatayan nina Sisa at Elias. Samantala, laging dramatiko ang llibing sa takipsilim, lalo na sa pelikula ng mga sawing pagsinta. [Ngunit masdang mabuti ang ispeling ng mga ito. May gitling ang “madaling-araw” at “bukang-liwayway” at may paliwanag kung kailangang ipaliwanag. Sa kabilâng dako, ganap nang pinagdikit kayâ walang gitling ang “dapithápon” at “takipsilim.”]

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.




KATUTUBO BA SA ATIN ANG CORAL REEF?

KuloatKolorum-Logo

ni Virgilio S. Almario

KATUTUBO BA SA ATIN ANG CORAL REEF?

 

NAPAKAHALAGA SA ATIN ng coral reef. Unang-una, ito ang pugad ng mga isda at lamang-dagat. Sa gayon, ang pangangalaga sa kalusugan nitó ay katumbas ng pag-iingat sa ating likás na yamang-dagat. Sapagkat may mga  coral reef sa nakapaligid na tubigan ng Filipinas, tiyak na kilalá ito sa sari-saring pangalan sa iba’t ibang katutubong wika natin.

 

 

 

Kayâ laking gúlat ko nang tanungin ang mahigit 4,000 titser ng Calabarzon sa isang kumperensiya sa Cavite kamakailan. Ano sa Tagalog ang coral reef? Matagal  na katahimikan. Pagkuwan, isang taga-Laguna ang nagtaas ng kamay. “Bahura,” sagot niya. Bakit “bahúra”? usisa ko. Hindi ba katutubo ang coral reef sa mga dagat sa paligid ng Calabarzon? [Ang “bahúra” ay mula sa Espanyol na bajura.] Bukod pa, isang malaking pagkakamali ito sa paggamit ng Espanyol. [Ang bajura ay Espanyol para sa malaking tumpok o isla ng buhangin sa dagat na kinasasadlakan ng barko kapag maalon ang dagat. Samantala, ang Espanyol sa tumpok ng korales ay arrecife.]

 

Sa matandang bokabularyo nina Noceda at Sanlucar, nakalista ang “bangkóta” bílang katumbas ng arrecife. Ngunit matandang Tagalog iyon. May gumagamit pa kayâ ng “bangkóta” sa mga mangingisda ngayon sa Quezon, Laguna, Batangas, o Cavite?

 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino, pinilì ang “tangríb” ng mga Ilokano bílang pangunahing lahok para sa coral reef. Bukod sa “bangkóta,” may lahok at singkahulugan din mulang Hiligaynon—ang “págang.” Sa Cagayan de Oro, inulit ko ang itinanong ko sa mga titser ng Calabarzon. Isa sa mga titser ay Sebwano at isinagot ang Sebwanong “pásil.” Natuto ako ng isang bagong pangalan. Sa KWF, isinagot naman sa akin ni Sheilee Vega, isang taga-Albay, ang Bikol na “barawáng.” Nadagdagan ang aking karunungan.

 

Ano pa kayâ ang “tangríb” sa Waray, sa Ivatan, sa Tausug, sa Palawan, at sa mahigit sandaan pang wikang katutubo ng Filipinas?

 

Ang ginawa kong paghahanap ay dapat ipagpatuloy. Sa ganitong simpleng paraan ay napatutunayan natin kung katutubo o hindi ang isang bagay na mahalaga sa ating búhay. Sa ganitong paraan din ay higit nating nailalapit sa ating puso ang isang taal na yaman ng bansa, na hindi natin ganap na naisasaloob sa patuloy na pagtawag ditong coral reef o sa bulagsak na “bahúra.”

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.




MAY BUNDOK DITO SI CLEOPATRA

KuloatKolorum-Logo

ni Virgilio S. Almario

MAY BUNDOK DITO SI CLEOPATRA

ALAM BA NINYO na may tinatawag na Mount Cleopatra sa Filipinas? Nagulat din ako nang mabása sa diyaryo na isa sa pinakamataas na bundok natin ay ipinangalan na bantog at kontrobersiyal na Reyna ng Ehipto. Sino kayâ ang nagpangalan?

 

Ngunit ang higit na interesante ay ang balita na ang Mount Cleopatra ay tahanan para sa isang mayamang ekosistema—mula sa mayabong na kagubatan, dalisay na tubigan, at hanggang sa mga ilahas na hayop at halaman. Dahil nanganganib na maglaho, ang kaligiran nitóng umaabot sa 30,000 ektarya ay idineklarang protektadong pook. Umakit din ito ng mga pandaigdigang komunidad para sa preserbasyon at sa pangunguna ng Rainforest Trust ay nagtitipon ng pondo para mapangalaang ang bundok.

 

Ngayon pa lang, may natipon nang $203,950 donasyon ang Rainforest Trust at may mga biyolohistang nagsasaliksik sa mga di-karaniwang nilikhang matatagpuan sa Mount Cleopatra. May ulat na nakatagpo na ng ispesi ng Palawan toadlet na inakalang naglaho na. Kasáma sa mga hayop na dito lámang matatagpuan ang Palawan birdwing, isa sa pinakamalaking paruparo sa mundo at may pakpak na 20.32 sentimetro ang lapad. Nakatagpo na rin dito ng Palawan bearcat, Palawan peacock pheasant, Palawan flying squirrel, at marami pa.

 

Siyanga palá, tahanan din ang bundok ng mga Batak, isang munting pangkating etniko na umaabot na lámang ang miyembro sa 200. Bahagi ng pangangalaga sa bundok ang pag-aalaga sa pangkating ito na nabubuhay sa pangangaso at pangunguha ng pagkaing-gubat.

 

Ngunit naisip ko, ano kayâ ang pangalan para sa mga Batak ng kanilang bundok? Ano rin kayâ ang orihinal na pangalan ng Palawan toadlet o ng Palawan birdwing? Marahil, higit nating pahahalagahang tunay na katutubo ang sinasabing 31 ispesi ng hayop na natagpuan kung tatawagin ang mga ito sa wikang Batak. Sa ngayon at dahil sa pangalang Ingles, parang mga hayop itong Amerikano at naligaw lámang sa Palawan.

 

Kahit nga ang Mount Cleopatra ay agad mong iisiping isang bundok sa Gitnang Silangan.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.

 




SEGURADO KA BA?

KuloatKolorum-Logo

ni Virgilio S. Almario

SEGURADO KA BA?

 

NABANGGIT NI Ambeth Ocampo sa isang kolum niya ang problema ng nagbagong kahulugan sa atin ng “sigúro” mula sa orihinal na seguro ng Espanyol. Maraming ganitong pangyayari sa mundo ng hiramang wika. Sa naturang kaso, ang bagong anyo sa ating wika ay halos kabaligtaran ang kahulugan ng hiniraman. Ang seguro sa Espanyol ay nangangahulugan ng (1) libre sa panganib o pinsala, (2) tiyak at walang duda, o (3) pirme o matatag. Ang ating “siguro” ay kabaligtaran ng kahulugang (2) at (3) ng salitang Espanyol. Ang ating “siguro” ay ekspresyon ng kawalang katiyakan sa pinag-uusapan.

 

Ngunit hindi naman natin kompletong iniwan ang orihinal na Espanyol. Ang totoo, may salita din táyong “segúro” at halos katumbas ng Espanyol na seguro. Kayâ ito ang tawag natin sa ahensiyang nagbebenta ng insurance. Ito rin ang ugat ng hiram na “seguridád”—mula sa paglalagay ng kandado laban sa magnanakaw, pag-upa ng bantay kung gabi, regular na pag-iinspeksiyon ng tulay, at pagbuo ng hukbong pangkaayusan.

 

Para sa atin ngayon, ito ang isang makabuluhang halimbawa hinggil sa maingat na paggamit ng E/I. Sa pamamagitan ng pagbago sa orihinal na E sa unang pantig ng seguro ay naging iba ang ibig sabihin ng may I na siguro. At kailangang-kailangan itong tandaan pag binigkas o lalo na’y isinulat ang “segurádo” sa kahulugang garantisado o tiyak na tiyak. Hindi ito puwedeng isulat na “sigurado” dahil lilitaw na nakaugat mula sa “siguro” ng kawalang katiyakan.

 

Siyempre, tututulan ang paglilinaw kong ito ng mga kaaway ng estandardisasyon. Igigiit niláng hindi kailangan ang ganoong paghihigpit. Ipipilit niláng natural naman ang pagpapalit ng E at nagiging I. Na totoo namang malimit mangyari. Ngunit noon pang 1610 ay ipinayo na ni Tomas Pinpin na kailangang matuto ng wastong pagbigkas sa E at I. Tatlo lang kasi ang patinig ng ating mga ninuno at kayâ nagkakapalitan ang E/I at O/U. Pero dapat daw madisiplina ang ating dila, lalo na sa pag-aaral ng wikang Espanyol. May mga salita na nag-iiba ang kahulugan kapag napalitan ang E ng I (at ang O ng U). Halimbawa, iba ang péna (parusa) sa pína (dulo o gilid), iba ang mésa sa mísa.

 

Ngayon, segurado ka ba sa E at I mo? Praktis lang ang kailangan, kaibigan.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.




KULO AT KOLORUM (20)

ni Virgilio S. Almario

RIZAL: KAAWAY NG WIKANG FILIPINO?

 

TULAD NG KINATATAKUTAN ko, may artikulong nalathala sa isang peryodiko noong 19 Hunyo na isang makawikang Filipino si Rizal dahil sa kaniyang tulang “Sa Aking mga Kabata.” Mahirap talagang sawatain ang isang lumaganap na kamangmangan. Subalit higit akong nagitla sa isang narinig kong pahayag na halimbawa si Rizal ng mga edukado na mas mahal ang banyagang wika. Ang patunay? Lahat ng makabuluhang akda niya ay nakasulat sa Espanyol. Kung buháy daw ngayon si Rizal, sumusulat ito sa Ingles.

 

May dalawang sektor na puwedeng panggalingan ng ganitong makamandag na pag-iisip. Una ang mga ayaw kay Rizal at nais ipinta ang limitasyon ng kaniyang pagiging makabayan. Ikalawa, at mas segurado akong magkakalat nitó, ang mga edukado natin ngayon na pikitmatang ipinagmamalaki ang kanilang kahusayan sa Ingles.

 

Sumulat nga si Rizal sa Espanyol at hindi niya sinulat ang tulang “Sa Aking mga Kabata.” Ngunit ipinahayag din niya sa Fili, sa pamamagitan ni Simoun, ang pagmamahal sa sariling wika bílang isang makabuluhang hakbang para sa kalayaan ng pag-iisip. Sinikap din niyang ipasalin ang mga nobela niya sa Tagalog at nagplano ng isang pangatlong nobela sa Tagalog. Ang higit na maganda, ang matinding malasakit niyang makatulong sa pagpapahusay ng pagsulat sa Tagalog sa pamamagitan ng kaniyang Estudios sobre la lengua tagala na pinilit niyang tapusin habang nakadestiyero sa Dapitan.

 

Dapat tingnan si Rizal na tulad ng ating mga edukado ngayon ay biktima ng isang kolonyal na edukasyon. Hindi niya maiiwasang gamitin ang Espanyol dahil iyon ang itinuro sa kaniya sa paaralan. Bílang Propagandista, kailangan din niyang sumulat sa Espanyol dahil mga Espanyol ang target niyang mambabasá. Nagtagumpay naman siyang ipahayag ang kaniyang makabayan at kontra-kolonyal na mga kaisipan kahit gumagamit ng Espanyol. At ginawa niya ito nang hindi nagpaparangalang mas mahal niya ang banyagang wika kaysa sariling wika.

 

May pahayag ba si Rizal laban sa sariling wika? Sa wakas, iyon ang kaibhan niya sa mga edukado ngayon na ayaw tanggapin ang bisàng mapagpalaya ng wikang Filipino. Sa mga edukado ngayon na kahit baluktot ang Ingles ay nagmamalaki na Ingles ang dapat maging wikang pambansa at wika ng edukasyon. Silá ang mga tunay na kaaway ng wikang Filipino bukod sa silá ang tunay na kaaway ni Rizal.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.