1

SALI(N) NA, POE!

SALI(N) NA, POE!

Ang Sali(n) Na, Poe! ay isang timpalak sa pagsasalin sa Filipino ng mahahalagang tekstong pampanitikan na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na lumahok sa gawaing pagsasalin. Para sa taóng 2017, ang tekstong isasalin ay ang mga piling tula ni Edgar Allan Poe.

Ito ay bukas sa lahat ng kabataang nása edad 12–17. Ang mga lalahok ay maaaring mag-aaral o out-of-school youth na naninirahan sa Filipinas

  1. Ang Sali(n) Na, Poe! ay bukás sa lahat ng kabataang nasa edad 12–17 maliban sa mga kaanak ng mga empleado ng KWF. Ang akdang isasalin ay alinman sa tulang pinili ng KWF na mada-download sa www.kwf.gov.ph. Isang tula lamang ang isasalin.
  2. Mulang Ingles tungong Filipino ang gagawing pagsasalin. Ang salin ay kailangang orihinal na likha ng kalahok, at hindi pa nalalathala sa alinmang publikasyon o nagwagi sa alinmang timpalak bago ang 17 Marso 2017. Hindi patatawarin ang sinumang nahuli at napatunayang nagkasala sa pangongopya. Kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nito sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.
  3. Isa (1) lamang entri ng salin ang maaaring isumite. Ang bawat lahok ay kinakailangang nasa anyong PDF, gagamit ng font na Arial na may laking 12 pt, doble espasyo sa 8 ½” x 11” na bond paper na may palugit na isang (1) pulgada sa itaas at ibaba at sa magkabilang tabi.
  4. Ang sumusunod na mga dokumento ay kailangang nakalagay sa isang selyadong long brown envelope: (1) tatlong hard copy ng lahok; (2) isang CD na naglalaman ng digital na kopya ng entri; (3) pormularyo sa paglahok (mada-download sa KWF website o KWF facebook); (4) pormularyo sa pahintulot ng magulang; at (5) sertipikasyon mula sa prinsipal ng paaralan para sa mga mag-aaral o sertipikasyon mula sa punong barangay para sa mga out of school youth. Tanging ang pamagat lamang ng lahok isusulat o ilalagay sa envelope. Ipadadala ang naturang dokumento sa:

Lupon sa Sali(n) Na, Poe!
2F Gusali Watson, 1610 Kalye J. P. Laurel
Malacañang Complex, San Miguel
Lungsod Maynila

Maaari ring ipadala ang mga lahok sa email ng KWF sa komisyonsawika@gmail.com.

5. Ang mga lahok ay kinakailangang matanggap ng KWF bago o sa 17 Marso 2017, 5nh.

6. Ang mga magwawagi ay tatanggap ng medalya mula sa KWF at ng sumusunod na gantimpalang salapi:

7. Anumang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pangwakas at hindi na mababago. Ang lahat ng lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok at angkin ng KWF at ng ka-tagapagtaguyod nitó ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.

Unang gantimpala: PHP5,000.00
Ikalawang gantimpala: PHP3,500.00
Ikatlong gantimpala: PHP1,500.00

8. Para sa mga tanong, sumulat sa komisyonsawika@gmail.como komfil@kwf.gov.ph o tumawag sa (02) 736-2519. Maaaring bisitahin rin ang kwf.gov.ph para sa karagdagang impormasyon. (KWF)

Maligayang ika-101 anibersaryo ng kapanganakan kay Severino Montano, Pambansang Alagad ng Sining

Severino Montano

SEVERINO MONTANO
Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro
(3 Enero 1915–12 Disyembre 1980)

Si Severino Montano ay isang mandudula, makata, direktor, at organisador ng teatro. Siya ang nagtatag at nag-organisa ng Teatrong Arena noong 1953 sa Philippine Normal College (PNC), at pinangunahan ang Kilusang Balik sa Barrio, habang siya ay Dekano para sa Intruksiyon ng PNC noong dekada 70. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro noong 2001.

Mula sa Sagisag Kultura ng NCCA.

Florentino H. Hornedo (1938–2015), Komisyoner para sa wikang Ivatan

Nakikiramay ang KWF sa pamilya ni Dr. Florentino H. Hornedo na pumanaw noong 9 Disyembre 2015 sa Sabtang, Batanes. Si Dr. Hornedo ay isang iginagalang na eskolar, kritiko, propesor, at eksperto sa wika. Naglingkod siya sa KWF bilang komisyoner para sa wikang Ivatan.

Florentino HornedoRetrato mula sa culturalcenter.gov.ph

Mula sa Rappler: Pagtuturo at paggamit ng Filipino sa kolehiyo limitado pa rin

Ayon sa survey na isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino, limitado pa rin sa mga asignatura o kursong itinuturo sa wikang pambansa sa mga unibersidad.

Dapat nang simulan ng mga kolehiyo at unibersidad ang reporma sa kanilang mga patakaran at programa para sa Filipino upang maisulong ang wikang pambansa.

Iminungkahi ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) batay sa resulta ng kanilang survey na isinagawa nitong 3rd quarter ng 2015. Sa 144 na institusyong tinarget para sa survey, 73 lang ang tumugon:

  • 44 ang publiko, at 29 ang pribado
  • 48 ang mula sa Luzon, 14 sa Visayas, at 11 sa Mindanao

Layunin ng survey na mailahad ang estado ng paggamit at pagtuturo ng Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad.

Limitado sa mga asignatura o kurso sa Filipino ang programa sa wikang Filipino ng mga kolehiyo at unibersidad, ayon sa survey results na pinag-usapan sa Kapihang Wika nitong Martes, Oktubre 27.

Basahin ang buong balita sa Rappler.

MGA MISYON PARA SA KOMISYON SA WIKANG FILIPINO

(Isang Ulat para sa Kongreso ng Pagplanong Wika, 5 Agosto 2015)

ni Virgilio S. Almario

NAPAKAHALAGA NG PAGPAPLANONG WIKA ngunit waring nawala ito sa isip ng nagdaang mga tagapamahala ng Surian ng Wikang Pambansa at hanggang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Mahirap tuloy mabalikan ngayon kung ano ba ang direksiyong ninais abutin para sa Wikang Pambansa sa loob ng nakaraang mahigit 65 taon. Nang mabuo ang kasalukuyang Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF nitóng Marso 2013, naging unang hakbang namin ang pagtawag ng isang seminar upang konsultahin at ganyakin ang ilang pinilìng alagad ng wika sa pagbuo ng isang Medyo Matagalang Plano (Medium Term Plan) para sa wikang Filipino. Sagot ang plano sa mga lumitaw na analisis hinggil sa naging mabagal na pagsusúlong sa Filipino at sa mga posibleng gawin ng KWF upang mabisàng matupad ang atas ng 1987 Konstitusyon at ng Batas Republika Blg. 7104.

Sa patnubay ng bisyon na—Wikang Filipino: Wika ng Dangal at Kaunlaran—inihanda ng Kalupunan ang buong komisyon para sa tatlong taóng masugid na pagkilos upang pasiglahin ang pagtataguyod sa Wikang Pambansa at ibang wikang katutubo at makapagdulot ng pambansang patnubay sa wastong paggamit, pagtuturo, at pagpapahalaga sa Filipino.

Sa ilalim ng programang Súlong: Dangal ng Filipino, unang naganap ang reorganisasyon ng KWF. Binago ang komposisyon at tungkulin ng mga sangay upang umangkop sa mga bagong adhika sa Medyo Matagalang Plano. Nagkaroon ng bagong Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN) at Sangay ng mga Literatura at Araling Kultural (SLAK) samantalang binigyan ng mga tiyak na gawain at proyekto ang Sangay ng Salita at Gramatika (SSG) at Sangay ng Salin (SS). Sinundan ito ng mga regular na pag-aaral at palihan upang mapataas ang antas ng kaalaman at kasanayan ng mga kawani. Nirebisa din ang organisasyon at programa ng mga sangay ng KWF sa mga rehiyon at lalawigan sa ilalim ng bagong pangalang Sentro ng Wika at Kultura (SWK). Bago matapos ang 2013, naaprobahan din ang bagong logo ng KWF upang maging sagisag ng nagbagong misyon ng komisyon para sa sarili at para sa Filipino.

Mula naman sa isang serye ng mga forum at konsultasyon ay nabuo ang Ortograpiyang Pambansa, na hindi nagluwat ay nadugtungan ng Manwal sa Masinop na Pagsulat. Natapos din ang pagrebisa sa Patnubay sa Korespondensiya Opisyal na siyang pangunahing instrumento para sa pagpapatupad ng Executive Order 335 ni Pangulong Corazon C. Aquino. Samantala, sinimulan ang publikasyon ng jornal na Pandiwa at lathalaang Aklat ng Bayan, na may kaukulang tulong mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), upang pasiglahin ang saliksik, pagsasalin, at paglalathala ng mga aklat na makapagpapalaganap ng bagong kaalaman at magtatanghal sa kapasidad ng Filipino bilang wikang modernisado at intelektuwalisado.

Pambansang Kaisahan

Ang mga aklat at manwal ang naging kasangkapan sa kampanyang Filipino: Wika ng Pagkakaisa para sa taóng 2014. Adhika ng KWF na maging sagisag ang wikang Filipino ng diwang maugnayin (inclusive) hinggil sa pangangalaga ng mga wika at kulturang katutubo samantalang pinauunlad ang Wikang Pambansa bílang modelo ng pagpapaunlad at pagkakaisa. Sa loob ng kampanyang ito isinagawa ang malawakang seminar hinggil sa Ortograpiyang Pambansa at Manwal sa Masinop na Pagsulat para sa mga guro at hinggil sa Patnubay sa Korespondensiya Opisyal para sa mga pinunò at empleado ng mga ahensiya ng pamahalaan. Naging pangunahing layunin sa mga seminar at workshop ang estandardisasyon o pagkakaisa sa anyo ng Filipino sa pagsulat. Ang layuning ito ay naging armonisasyon nang tumulong ang KWF sa pagsasaayos ng mga ortograpiya ng 19 sariling wika (mother tongues) sa programang MTB-MLE ng DepEd.

Inilunsad din ng KWF ang proyektong Atlas Filipinas na may dalawang sanga. Ang unang sanga ay nauukol sa pagbuo ng isang bagong mapa ng bansa na nagtataglay ng kaukulang pagbabago sa ispeling ng mga pook na katutubo ang pangalan alinsunod sa palabaybayang Filipino. Ikalawang sanga ang pagmamapa sa mga wika ng Filipinas, na isang saliksik hinggil sa tunay na bilang ng mga katutubong wika at sa sitwasyon ng mga komunidad na nagsasalita ng mga ito. Mahigpit na katulong ng KWF sa proyektong ito ang DILG at ang NCIP.

Kaugnay ng pangangalaga sa mga wikang katutubo ang idinaos na malaking Summit sa Wika ng Kapayapaan na dinaluhan ng mga lider ng umaabot sa 100 wikang lumad at pinagmulan ng kasalukuyang saliksik hinggil sa mga nanganganib na wika, simula sa wikang Agta. Itinataguyod din ng KWF ang mga taunang proyektong Ambagan at Sawikaan, bukod sa nagbibigay ng pondo para sa pagsasalin at paglilimbag ng mga bokabularyong sinulat sa panahon ng Español upang maging saligan sa mga manigong pagsusúlong ng mga wika ng Filipinas.

Itinuturing na makabuluhang aspekto ng wika ang paggamit nitó sa panitikan. Sa ngayon, binabalikat ng KWF ang pangangalaga sa mga wika at panitikang katutubo sa pamamagitan ng sumusunod: (1) kumperensiya ukol sa mga wika at panitikang rehiyonal, (2) antolohiya ng mga akdang pampanitikan sa katutubong wika na may katapat na salin sa Filipino, at (3) Timpalak Uswag Darepdep, isang kontest sa pagsulat ng tula at kuwento para sa mga kabataan at gamit ang kanilang katutubong wika. Sa kabilâng bandá, may kilos din ang KWF upang palusugin pa ang imahen ng pambansang panitikan. Isa rito ang Timpalak Salin (Na) na kontest sa pagsasalin at paglilimbag ng mga makasaysayang akda at dokumento.

Pambansang Kaunlaran

Nagpapatuloy ang kampanyang binuksan noong 2013 at 2014. Ngunit itinuon ng KWF ang kampanya sa Filipino: Wika ng Kaunlaran nitóng 2015. Kaugnay ng bagong diin, binago ang islogang Súlong: Dangal ng Filipino tungo sa Uswag: Dangal ng Filipino. Nangangahulugan ito ng pagpangitain sa isang pinalawak na saklaw ng paggamit sa wikang Filipino at ang pananalig na ang pag-unlad ng wikang Filipino ay kaagapay kung hindi man salamin ng pag-unlad ng Filipinas sa ekonomiya at ibang larangan. Binigyan ng bagong tuon ngayon ang saliksik pangkultura at pagsasalin, lalo na kaugnay ng higit na matalik na pakikiisa sa K–12 at sa implementasyon ng CHED Memo Blg. 20, s. 2013 hinggil sa paglikha ng walong bagong core courses sa kolehiyo.

Dalawang proyekto kaugnay ng saliksik pangkultura ang nasimulan nitóng 2015. Una, ang Gawad Julian Cruz Balmaseda na nagpaparangal sa pinakamahusay na tesis at disertasyon ng nakaraang taón at may tuon sa mga pag-aaral na nása ibang disiplina. Ikalawa, ang Lekturang Norberto Romualdez na may layuning makaipon ng mga bagong pagtingin at saliksik sa iba-ibang larang sa pamamagitan ng mga lektura ng mga pangunahing intelektuwal.

Kaugnay nitó ang bagong tuon ng pagsasalin. Idinagdag sa pagsasaling pampanitikan ang pagsasalin ng mga bantog na akdang banyaga, lalo na upang magamit sa pagtuturo ng panitikang pandaigdig. Nangampanya din sa mga embahada hinggil sa isang Programa ng Palitang Salin sa layuning maipakilála ang panitikan ng Filipinas sa ibang bansa samantalang ipinakikilála sa mga mambabasáng Filipino ang mga huwarang akdang banyaga. Pinatindi naman ang gawain ng Sangay ng Salin tungo sa pagsasaling teknikal. Bukod sa mga batas at regulasyong kailangang isa-Filipino, naghahanda ang sangay ng isang serye ng palihan para sa pagsasaling teknikal at tungo sa propesyonalisasyon ng hanay ng mga tagasalin.

Katulong ang WIKA, Inc., nagsagawa ang KWF ng isang konsultasyon hinggil sa kurikulum sa Filipino ng K–12. Ang resulta ng pagsusuri at mga rekomendasyon ay ipinadalá sa DepEd para sa kaukulang pagsasaalang-alang. Sinundan pa ito ng seminar-workshop hinggil sa reoryentasyong pampanitikan na isinagawa sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang makabuo ng isang listahan ng mga akdang mairerekomendang gamitin para sa mga teksbuk sa panitikan ng mga paaralang elementarya at sekundarya. Isang workshop na rin ang naidaos sa Bacolod para sa mga guro at artist ng rehiyon upang matulungan siláng sumulat at gumuhit ng mga kuwentong pambatà.

Kaugnay ng pagtuturo sa batayang edukasyon, inaasahang matapos ang isang bagong Gramatikang Pambansa bago matapos ang 2015. Ipapanukala ng naturang aklat ang bagong pagtingin sa wikang Filipino bilang bahagi ng mga wikang katutubo. Ilulunsad din ang proyektong Pagtuturo ng Filipino bilang Ikalawang Wika upang higit na maging epektibo ang pagtuturo ng Filipino sa mga pook na di-Tagalog.

Pinakamabigat na misyon ngayon ang Pambansang Programa sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (PPIF) na ipinanukala ng KWF para sa pakikipagtulungan ng CHED. Nagsimula ito sa inisyatiba ng KWF kasáma ang NCCA, na tumulong sa retooling ng mga guro sa Filipino na apektado ng CHED Memo Blg. 20, s. 2013.Sa naturang inisyatiba, pumili ng apat sa panukalang bagong core courses ang KWF, ipinagpagawa ng silabus at sangguniang aklat bawat isa, at upang mabigyan ng bagong kaalaman at kasanayan ang mga guro sa Filipino. Sa isang pulong sa pamunuan ng CHED, nagpahayag ng suporta ang CHED para sa isang organisadong pagpapasigla ng paggamit ng Filipino sa mga disiplina at kurso sa antas tersiyarya. Nagresulta ito sa panukalang PPIF na binubuo ng mga kurso, palihan, at seminar upang maituro ang paggamit ng Filipino lalo na sa pagtuturo ng agham at matematika, mga insentibo sa mga guro na gaya ng grant para sa gradwadong pag-aaral, at pagbuo at paglalathala ng mga kailangang materyales panturo.

Wika ng Karunungan

Ang lahat ng mga nabanggit na gawain at proyekto ng KWF ay hindi lámang para sa pambansang kaisahan at kaunlaran. Higit pa. Sapagkat ang tugatog ng pagpapalaganap at pag-aangat sa “Dangal ng Filipino” ay ang pagkilála at paggálang dito bilang Wika ng Karunungan. Na maaari itong gamitin sa anumang uri ng edukasyon ng sinumang Filipino; na maaari itong kasangkapan ng bayan sa anumang uri ng diskurso at anumang uri ng usapin sa lahat ng dako ng bansa. Kailangang patunayan para sa lahat na: “Hindi Ingles lang ang wika ng karunungan” bukod pa sa pagtatanghal na “Hindi wika lang ng mangmang ang Filipino.”

Hindi naman bago, bagaman sistematiko, ang pamamaraang kinasangkapan ng KWF upang tupdin ang mga itinakdang misyon sa Medyo Matagalang Plano nitó. Nangunguna siyempre ang mga serye ng forum, konsultasyon, at seminar na naging daan upang sa isang bandá ay makakuha ng mga opinyon at mungkahi mula sa mga guro at alagad ng wika, at upang sa kabilâng bandá ay mapalaganap ang mga binagong tuntunin at patakarang pangwika. Kasáma ng ganitong mga pagtitipon ang taunang Kongreso sa Wika upang matalakay at mapag-usapan ng lahat ang mga pangunahing isyu, problema, at tungkulin para sa wikang Filipino. Ipinaplano ding mabuti kahit ang mga dáting pagdiriwang, gaya ng Araw ni Balagtas at Buwan ng Wika, upang magtanghal ng ibang karanasang edukasyonal at makaahon sa nakababagot na’t nakamihasnan.

Naging malaking tulong ang reorganisasyon ng hanay ng KWF upang maging epektibong makinaryang pangwika. Halimbawa, ang pagbuo sa SEN upang aktibong harapin ang networking. Agresibo ang SEN sa paghahanap ng panahon upang makapagsalita ang KWF sa radyo at telebisyon, bukod pa sa regular at buwanang Kapihan sa Wika upang kausapin ang mga miyembro ng mass media at makatulong ang mga ito sa pagbabalita ng mga aktibidad ng KWF.

Bahagi ng promosyong pangwika ang mga gawad at parangal. Sa ngayon, hinigpitan ng KWF ang pagbibigay ng dating parangal, gaya ng Dangal ng Wika at Dangal ni Balagtas, upang higit na maging prestihiyoso. Idinagdag naman ang gawad na gaya ng pambansang Gawad Ulirang Guro sa Filipino upang kilalánin ang pagpapakasakit ng mga guro sa Filipino. Nagiging paraan naman ang pagpilì ng mga Kampeon ng Wika sa pana-panahon at sa iba’t ibang larang at rehiyon upang lumaki ang hanay ng mga tagapagtaguyod ng Filipino. Napakalaki ng posibilidad ng bagong deklarang Buwan ng Pambansang Panitikan tungo sa higit na pag-akit ng madla sa halaga ng wika at panitikan ng Filipinas. Ang totoo, nakasalalay ang tagumpay ng mga misyon ng KWF sa wastong pagpapakilos ng mga kaalyadong tao, organisasyon, at institusyon.

Sa loob ng nakaraang dalawang taón, sinikap itaguyod ng KWF ang isang organisado at planadong pagkilos, at dahil organisado at planado ang pagkilos ay natupad nitó ang mga misyong hindi isinagawa ng mga nakaraang administrasyon. Ngunit napakaikli ng tatlong taón para matupad ang lahat. Kung sakali, nagsisimula pa lámang ngayon ang KWF at kailangan pa marahil ang isang bagong set ng pamunuan na magpapatuloy sa sinimulan ngayon upang maging kaganapan ang atas ng 1987 Konstitusyon. Gayunman, humaharap ang KWF sa 2016, sa ika-25 anibersaryo nitó, nang may matatag na paninindigan para sa Filipino bilang wika ng pinagsanib na pambansang Kaisahan, Kaunlaran, at Karunungan. Maipagmamalaki na ngayon ng sinumang na “Filipino ako, Filipino ang wika ko, Filipinas ang bansa ko.”

Salamat po inyong tulong at taguyod.

Ferndale Homes

28 Hulyo 2015

Sarbey hinggil sa Filipino, Gawad Balmaseda, at mga aktibidad sa pagsasalin tinalakay sa Kapihan ng KWF

Tinipon muli ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang midya para sa mga makabuluhang talakay hinggil sa wika at kulturang Filipino sa Kapihang Wika na nangyari noong 27 Oktubre 2015, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Naunang inulat ang isinagawang sarbey ng KWF hinggil sa mga programa ng Filipino sa mga Kolehiyo at Unibersidad. Ang isinagawang sarbey sa kabuuang 145 kolehiyo at unibersisad ay magsisilbing gabay ng KWF sa mga kaukulang hakbang sa pagpapaunlad ng paggamit ng wikang Filipino sa antas tersiyarya.

Sumunod na nag-ulat si Dr. Benjamin Mendillo, punò ng Sangay ng Salin, hinggil sa mga gawain sa pagsasalin ng KWF. Kabilang dito ang kauna-unahang programang sertipiko ng KWF para sa mga tagasalin na mangyayari sa 11–12 Nobyembre.

Sa hulíng bahagi ng programa, nagpanayam si Dr. Marlon S. Delupio hinggil sa kilusang Sakdalista. Kasama sa tinalakay ni Delupio ang mithiin ng kilusang panlipunan at mga kritikal na aspektong nakapaloob sa kanilang panulat at lathalain, partikular ang pahayagang Sakdal.

Si Dr. Delupio ang kauna-unanahang nagwagi ng Gawad Julian Cruz Balmaseda para sa kaniyang disertasyon tungkol sa mga Sakdalista, ang Sakdal: Kasaysayang Pangkalinangan ng Isang Kilusang Panlipunan, 1930-1938. Para sa kaniyang disertasyon, tumanggap siya ng PHP 100,000.00 at karapatang mailimbag sa ilalim ng KWF Aklat ng Bayan.

Nása ikalawang taon na ang Gawad Julian Cruz Balmaseda at tatanggap ito ng mga tesis at disertasyon sa agham, matematika, at agham panlipunan na nakasulat sa wikang Filipino. 27 Nobyembre 2015 ang hulíng araw ng pagpapása at maaaring makakuha ng karagdagang detalye sa kwf.gov.ph.

Forum ng KWF, dinaluhan ng mga guro sa Agham at Matematika

Higit 100 mga guro ng Agham at Matematika, mula sa iba’t ibang paaralan sa Maynila, ang dumalo sa isang forum ng KWF hinggil sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng Agham at Matematika noong 9 Oktubre 2015 at the Tanghalang Teresita Quirino, Unibersidad ng Santo Tomas.

PAMAGAT Tampok sa forum ang mga panayam ng mga kilalang akademiko at propesor na sina Dr. Fortunato Sevilla III at Dr. Jose Maria Balmaceda.

Matapos ang mga panayam, nagkaroon ng mga pakitang-turo sa Filipino sa Kemistri at Matematika. Isinagawa ito nina Dr. Bernard John Tongol (Chemistry) at John Gabriel Pelias (Integral Calculus).

Nagbigay naman ng mga kritisismo ang ilang kilalang mga edukador para sa paggamit ng Filipino sa ibang larang. Kabilang sa mga umupo sa panel ng kritiko sina Dr. Queena Lee-Chua (Ateneo De Manila University), Dr. Benjamin Vallejo Jr. (UP Diliman), Prof. Ernesto Sonido Jr. (UP Diliman), at Dr. Recto M. Calingasan (UST).

Bahagi ang forum na ito ng serye ng mga talakayan sa paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larang. Susundan ito ng mga forum hinggil sa Pananalapi, Ekonomiya, Batas, at Hurisprudensiya.

Ito rin ay paghahanda ng KWF sa nalalapit na Pambansang Kongreso sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino na mangyayari sa Buwan ng Wikang Pambansa 2016 sa Agosto.

Tawag para sa mga nominasyon sa Gawad Dangal ni Balagtas 2016

Tawag sa Nominasyon para sa Dangal ni Balagtas 2016

TUNGKOL SA DANGAL NI BALAGTAS:

Kumikilala sa mataas na ambag sa panitikan, ang Dangal ni Balagtas ay iginagawad sa mga institusyon na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Filipinas at/o manunulat at alagad ng sining na nakalikha ng mga akdang nag-iiwan ng bakás o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat. Pangunahing konsiderasyon ang pagpapamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang wikang panrehiyon o panlalawigan. Isinasaalang-alang din ang mga nalathalang aklat at iba pang akda na pawang kinikilala sa angkin nitong husay, lawak, at lalim, alinsunod sa matalisik na pagtanaw ng mga kritiko at pangkalahatang publiko. Ang mga nakaraang tumanggap nito ay sina Lamberto E. Antonio (2013), Teodoro “Teo” T. Antonio (2014), at Rogelio G. Mangahas (2015).

PANUNTUNAN:

  1. Bukás ang nominasyon sa mga institusyon at/o manunulat na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Filipinas. Ang mga ambag ay dapat na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa wikang Filipino.
  2. Ang mga nominado ay marapat na manggaling sa rekomendasyon ng indibidwal o pangkat. Maaaring i-download ang pormularyo ng nominasyon sa link na ito.
  3. Para sa nominasyon, mangyaring sumulat kalakip ang anumang credential o mga dokumentong magpapatotoo sa kanilang mga ambag at ipadala sa: Lupon sa Dangal ni Balagtas 2016, Sangay ng Salin, Komisyon sa Wikang Filipino, Gusaling Watson,1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Maynila

4. Ang huling araw ng pagpapasa ng nominasyon ay sa 26 Pebrero 2016.

5. Ang tatanghaling Dangal ni Balagtas 2016 ay tatanggap ng naturang gawad sa iginagayak na programa ng KWF sa Orion, Bataan.

6. Para sa iba pang detalye, mangyaring makipag-ugnayan sa Sangay ng Salin sa telepono blg. (02) 708-6972 o sa Sangay  ng Edukasyon at Networking sa telepono blg. (02) 736-2519, o magpadala ng email sa komfil@kwf.gov.ph.