1

Kulo at Kolorum: Mas Responsableng Mass Media

ni Virgilio S. Almario

MAS RESPONSABLENG MASS MEDIA (2)

Kulo at Kolorum_Mas Responsable_2

SA ISANG PAGTITIPON ng “Kapihang Wika” ay nagreklamo ang isang reporter. [Hindi ko babanggitin ang kaniyang pangalan dahil bakâ mawalan siya ng trabaho.] Sabi niya, nahihirapan siláng mga reporter sumunod sa Ortograpiyang Pambansa dahil binabago ng kanilang mga editor ang kanilang balita.

 

Ibinigay niyang simpleng kaso ang salitâng “aksiyón.” Mula ito sa Español na accion at noon pang panahon nina Rizal ay ginagamit na ng taumbayan. Dahil sa abakada na walang titik C, kailangang reispel ang naturang salita alinsunod sa bigkas kayâ naging K ang unang C at naging S ang ikalawang C. Ngunit naging problema nitóng dekada 70 ang paraan ng pagsulat sa kambal-patinig na IO. May mga eksperto sa Lingguwistika na nagsabing dapat palitan ng Y ang lahat ng unang patinig sa naturang kambal-patinig. Kayâ lumitaw ang anyong “aksyon” at siya ngayong malaganap na isinusulat.

 

Siniyasat mabuti ng KWF ang naturang kaso at nagkaroon ng pangkalahatang tuntunin hinggil sa kambal-patinig ang Ortograpiyang Pambansa. Sa anyo pa lámang ng “ortograpiya” sa halip na “ortograpya” ay makikita nang hindi ganap na sumasang-ayon ang KWF sa atas ng mga Linggwistasero natin. Basáhing mabuti ang Tuntunin 5 sa Ortograpiyang Pambansa upang mapag-aralan ang higit na masalimuot na pagtrato sa kambal-patinig. Masalimuot, dahil may mahabà nang iba-ibang paraan ng pagtrato sa kambal-patinig sa nakasulat na panitikan ng Filipinas. Masalimuot, kayâ hindi maaaring lapatan ng isang simplistikong tuntunin na gaya ng nais ng mga Linggwistasero.

 

Iminumungkahi kong bumása ng Ortograpiyang Pambansa ang mga editor ng peryodiko sa Filipino. Bahagi ito ng kanilang tungkulin bilang editor at itinuturing na mas maalam sa wika kaysa mga reporter nilá. Hindi puwedeng wido lang ang pagsulat. Hindi rin puwedeng pairalin lang ang kung ano ang kanilang “nakamihasnan.” Nagbabago ang ating wika araw-araw. Malaking pagbabago sa pagsulat ang bagong alpabeto. At kayâ tungkulin ng isang mas responsableng editor na ilahok ang sarili sa pagbabago. Iniimbita nga namin ang mga editor na dumalo sa buwanang “Kapihang Wika” upang maging aktibong kalahok sa pagpanday natin ng Filipino bilang isang wika ng karunungan.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.

 




KULO AT KOLORUM (20)

ni Virgilio S. Almario

RIZAL: KAAWAY NG WIKANG FILIPINO?

 

TULAD NG KINATATAKUTAN ko, may artikulong nalathala sa isang peryodiko noong 19 Hunyo na isang makawikang Filipino si Rizal dahil sa kaniyang tulang “Sa Aking mga Kabata.” Mahirap talagang sawatain ang isang lumaganap na kamangmangan. Subalit higit akong nagitla sa isang narinig kong pahayag na halimbawa si Rizal ng mga edukado na mas mahal ang banyagang wika. Ang patunay? Lahat ng makabuluhang akda niya ay nakasulat sa Espanyol. Kung buháy daw ngayon si Rizal, sumusulat ito sa Ingles.

 

May dalawang sektor na puwedeng panggalingan ng ganitong makamandag na pag-iisip. Una ang mga ayaw kay Rizal at nais ipinta ang limitasyon ng kaniyang pagiging makabayan. Ikalawa, at mas segurado akong magkakalat nitó, ang mga edukado natin ngayon na pikitmatang ipinagmamalaki ang kanilang kahusayan sa Ingles.

 

Sumulat nga si Rizal sa Espanyol at hindi niya sinulat ang tulang “Sa Aking mga Kabata.” Ngunit ipinahayag din niya sa Fili, sa pamamagitan ni Simoun, ang pagmamahal sa sariling wika bílang isang makabuluhang hakbang para sa kalayaan ng pag-iisip. Sinikap din niyang ipasalin ang mga nobela niya sa Tagalog at nagplano ng isang pangatlong nobela sa Tagalog. Ang higit na maganda, ang matinding malasakit niyang makatulong sa pagpapahusay ng pagsulat sa Tagalog sa pamamagitan ng kaniyang Estudios sobre la lengua tagala na pinilit niyang tapusin habang nakadestiyero sa Dapitan.

 

Dapat tingnan si Rizal na tulad ng ating mga edukado ngayon ay biktima ng isang kolonyal na edukasyon. Hindi niya maiiwasang gamitin ang Espanyol dahil iyon ang itinuro sa kaniya sa paaralan. Bílang Propagandista, kailangan din niyang sumulat sa Espanyol dahil mga Espanyol ang target niyang mambabasá. Nagtagumpay naman siyang ipahayag ang kaniyang makabayan at kontra-kolonyal na mga kaisipan kahit gumagamit ng Espanyol. At ginawa niya ito nang hindi nagpaparangalang mas mahal niya ang banyagang wika kaysa sariling wika.

 

May pahayag ba si Rizal laban sa sariling wika? Sa wakas, iyon ang kaibhan niya sa mga edukado ngayon na ayaw tanggapin ang bisàng mapagpalaya ng wikang Filipino. Sa mga edukado ngayon na kahit baluktot ang Ingles ay nagmamalaki na Ingles ang dapat maging wikang pambansa at wika ng edukasyon. Silá ang mga tunay na kaaway ng wikang Filipino bukod sa silá ang tunay na kaaway ni Rizal.

 

Bilang pag-uulit, nais kong ipagpauna na ang lahat ng mababása ninyo dito ay sarili kong opinyon at hindi sa KWF, maliban kung isaad ko. Nakabukás din ako sa anumang nais itanong bukod sa nais ipanukala ng mambabása. Nais kong makipag-usap sa mga alagad ng wika.