Talumpati sa Panunumpa
ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte
Palasyo ng Malacañang ǀ 30 Hunyo 2016

Pangulong Fidel Ramos, sir, salamat po sa tulong ninyo upang maging Pangulo ako; Pangulong Joseph Ejercito Estrada; Pangulo ng Senado Franklin Drillon at mga miyembro ng Senado; Ispiker Feliciano Belmonte at mga miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan; Punòng Mahistrado Maria Lourdes Sereno at mga Kawaksing Hukom ng Korte Suprema; Kagalang-galang Guiseppe Pinto at mga miyembro ng Diplomatic Corps; mga bagong hirang na miyembro ng Gabinete; mga kapuwa manggagawa sa pamahalaan; mga kababayan.

Walang pinunò, gaano man siya kalakas, ang magtatagumpay sa anumang bagay na mahalaga o makabuluhan sa bansa kung wala siyang suporta at kooperasyon ng mga mamamayan na tungkulin niyang pamunuan at sinumpaang paglilingkuran.
Sa mamamayan kumukuha ng lakas ang mga pamahalaang demokratiko at isa na rito ang administrasyong ito. Kayâ kailangan nating pakinggan ang mga hinaing ng mamamayan, damhin ang kanilang mga pulso, ipagkaloob ang kanilang pangangailangan, at patibayin ang kanilang paniniwala at pagtitiwala sa atin na iniluklok nilá sa ating mga katungkulan.

Marami sa atin ang nagsabi na ang mga suliraning sumisira sa ating bansa ngayon na kailangang matugunan kaagad ay korupsiyon, kapuwa sa matataas at mabababàng antas sa pamahalaan; kriminalidad sa lansangan, at ang laganap na bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa lahat ng panig ng lipunang Filipino, at ang kawalan ng paggálang sa batas at kaayusan. Totoo, bagaman hindi ganap na totoo. Sapagkat para sa akin ang mga suliraning ito ay mga palatandaan lámang ng isang malubhang sakít ng lipunan na sumisira at dumudurog sa katatagang moral ng lipunang Filipino. Sa palagay ko, may suliranin na mas malalim at mas mabigat pa kaysa alinman sa mga nabanggit o kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng iyon. Ngunit mangyari pa, hindi na kailangan pang sabihin na isasantabi natin ang mga iyon sapagkat kailangang masugpo ang mga iyon sa anumang paraang ipinahihintulot ng batas.

Ang pagguho ng paniniwala at tiwala sa pamahalaan—iyan ang tunay na suliranin na dapat nating harapin. Nagbubunga ito ng pagguho ng tiwala ng mamamayan sa liderato ng bansa; ng pagguho ng tiwala sa sistemang hudisyal; ng pagguho ng kompiyansa sa kakayahan ng mga lingkod-bayan upang mas maging maayos ang búhay ng sambayanan, maging mas ligtas silá, at mas malusog.

Totoó, ang problema natin ay problema ding nagpapahinà sa espiritu ng tao. Subalit hindi pa hulí ang lahat. Alam ko na may hindi sumasang-ayon sa aking mga paraan sa pagsugpo ng kriminalidad, sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at sa korupsiyon. Sabi nilá ang ganitong pamamaraan ay lihis sa karaniwan at nása bingit ng pagiging ilegal. Nais kong sabihin ito bilang tugon: Nakita ko kung paano sairin ng korupsiyon ang pondo ng bayan, na inilaan upang iahon ang mahihirap mula sa lusak na kanilang kinasadlakan.

Nakita ko kung paano wasakin ng mga ipinagbabawal na gamot ang mga indibidwal at durugin ang mga relasyong pampamilya.

Nakita ko kung paanong ang kriminalidad, sa lahat ng paraang magdaraya, ay hinahablot sa mga inosente at di-mapaghinala ang maraming taon ng pagtitipid para makaipon. Mga taon ng pagsisikap upang, bigla, bumalik silá kung saan nag-umpisa.

Tingnan natin ito mula sa ganitong pananaw at sabihin ninyo sa akin kung ako ay mali.
Sa labang ito, hinahámon ko ang Kongreso at ang Komisyon sa Karapatang Pantao at ang ibá pa na mayroong kahalintulad na gawain upang pahintulutan kami sa isang uri ng pamamahala na umaalinsunod sa itinatadhana ng batas. Magiging malupit ang labang ito at kailangang tuloy-tuloy.

Bilang abogado at dating tagausig, batid ko ang hanggahan ng kapangyarihan at awtoridad ng pangulo. Alam ko kung ano ang legal at kung ano ang hindi.

Ang katápatan ko sa wastong proseso at pananaig ng batas ay hindi matitinag.

Gawin ninyo ang inyong trabaho at gagawin ko ang trabaho ko. “Malasakit. Tunay na Pagbabago. Tinud-anay nga Kausaban”– ang mga salitâng ito ang naghatid sa akin sa pagkapangulo. Ang mga islogang ito ang nása aking isip hindi lámang para sa tanging layuning makuha ang boto ng mga botante. “Tinud-anay nga kabag-uhan. Mao kana ang tumong sa atong panggobyerno (Tunay na pagbabago. Dito patungo ang ating gobyerno).”

Higit pa kaysa pagkuha ng boto. Ito ang mga sigaw ko sa pakikipaglaban sa ngalan ng mga táong uhaw na uhaw sa tunay at makabuluhang pagbabago. Subalit ang pagbabago, kung nais na maging permanente at makabuluhan, ay dapat na magsimula sa atin at sa ating mga sarili.

Sa salita ni F. Sionil Jose, naging pinakamalupit na kaaway natin ang ating sarili. Dahil dito, dapat na may tapang táyo at pagkukusang baguhin ang ating mga sarili.

Ang pag-ibig sa bayan, pagpigil sa mga personal na interes alang-alang sa kabutihan ng lahat, malasakit sa mahihinà at maralita—kasáma ang mga ito sa mga hálagáhang naglaho na at nagmaliw, at nais nating maibalik at mapalakas muli sa pagsisimula ng ating paglalakbay túngo sa mas mabuting Filipinas. Magiging mahirap ang paglalakbay na ito. Subalit halina’t samáhan pa rin ninyo ako. Magkakasáma, magkakabalikat, nating isagawa ang unang mabubuway na hakbang sa hangaring ito.

May dalawang kasabihan mula sa mga pinagpipitaganang tao na magsisilbing pundasyon ng administrasyong ito.
“Ang pagsúkat sa gobyerno ay hindi kung nakapag-ambag táyo sa kasaganaan ng mga mayaman; ang sukatan ay kung natulungan natin ang mga naghihikahos.” – Franklin Delano Roosevelt.

Mula naman kay (Abraham) Lincoln, nais kong hugutin ang pahayag na ito: “ Hindi mo mapalalakas ang mahinà sa pamamagitan ng pagpapahinà sa malalakas; Hindi mo matutulungan ang mahirap sa pamamagitan ng pagsira sa kalooban ng mayayaman; Hindi mo matutulungan ang sumasahod sa pamamagitan ng paghila pababâ sa nagpapasahod; Hindi mo maitataguyod ang kapatiran sa pamamagitan ng pagpukaw ng pagkamuhi sa mga uri sa lipunan .”

Ang aking mga patakarang ekonomiko, pinansiyal, at politikal ay nakapaloob sa mga pahayag na iyon, kahit pa isinalin sa malawakang paraan. Matuto kayong magbasá. Hindi ko na kailangang magtungo sa mga detalye. Ibibigay ang mga ito sa inyo sa takdang panahon.

Kayâ, inaatas ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na bawasan ang mga rekisito at panahon sa pagproseso ng mga aplikasyon, mula sa pagsusumite hanggang pagpapalabas. Inaatas ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na alisin ang mga nag-uulit na rekisito at ang pagtalima sa isang kagawaran o ahensiya ay sapat na para sa lahat.

Inuutos ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na umiwas sa pagbago at pagbaluktot ng tuntunin sa mga kontrata, transaksiyon, at proyekto ng pamahalaang pinagtibay na at naghihintay ng pagpapatupad. Ang pagbabago ng mga tuntunin hábang nangyayari ang laro ay malî.
Kinamumuhian ko ang paglilihim at sa halip ay isinusúlong ang transparensi sa lahat ng mga kontrata, proyekto, at transaksiyon sa negosyo mulang pagsusumite ng mga panukala hanggang negosasyon tungo sa perpeksiyon, at sa wakas, sa pagpapatupad.
Gawin ninyo ito at magtatrabaho táyo nang magkasáma. Huwag ninyong gawin, at maghihiwalay táyo nang mas maaga sa inaasahan.
Hinggil sa gawaing internasyonal at sa komunidad ng mga nasyon, hayaan ninyong ulitin ko na igagálang ng Republika ng Filipinas ang mga kasunduan at internasyonal na obligasyon.
Sa gawaing domestiko, nangangako ang aking administrasyon na ipatutupad ang lahat ng pinirmahang kasunduang pangkapayapaang umaalinsunod sa mga repormang konstitusyonal at legal. Nagagalak ako sa pahayag ng pakikiisa ng ating mga kapatid na Muslim at mga pinunò nilá, at sa tugon ng lahat sa aking panawagan para sa kapayapaan.

Umaasa ako sa pakikilahok ng ibá pang stakeholder, lalo na ang ating mga lumad, upang matiyak ang pakikibahagi ng lahat sa prosesong pangkapayapaan.

Sa pagtatapos ng aking talumpati ay hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo na inihalal ako sa pagkapangulo upang pagsilbihan ang buong bansa. Hindi ako iniluklok upang pagsilbihan ang interes ng kahit sinong tao, o anumang pangkat, o anumang uri. Pagsisilbihan ko ang bawat isa at hindi ang isa lang.

Kung kayâ’t hinango ko bilang gabay sa sarili ang sumusunod na pangungusap na isinulat ng táong hindi ko na maalala ang pangalan. Sinabi niya: “Wala akong kaibigang pagsisilbihan, wala akong kaaway na sasaktan.”

Mula roon, hinihiling ko sa bawat isa, at ang tinutukoy ko ay ang lahat, na samáhan ako sa pagsisimula ng krusada para sa mas mabuti at maliwanag na kinabukasan.

Ngunit bago ako magtapos, hayaan ninyong ipahayag ko, sa ngalan ng mga Filipino, ang pakikiramay sa Republika ng Turkey dahil sa nangyari sa kanilang lugar. Ipinaaabot namin ang aming mataos na pakikiramay.

Bakit ako narito? Narito ako dahil mahal ko ang aking bansa at mahal ko ang mga mamamayan ng Filipinas. Narito ako. Bakit? Dahil handa na akong simulan ang paglilingkod sa bansa.

Maraming salamat at magandang hápon sa inyo.

Sanggunian: (Sa Ingles)
http://newsinfo.inquirer.net/793344/full-text-president-rodrigo-duterte-inauguration-speech#ixzz4D78gz98H
@inquirerdotnet on twitter l inqurerdotnet on Facebook