MAYNILA—Para sa hulíng tertulya na mangyayari sa Maynila ngayong Buwan ng Panitikan ng Filipinas, magtitipon at maghuhuntahan ang mga tangyag na manunulat sa 26 Abril 2016, 1–3nh, FEU-University Center, Far Eastern Univeristy, Maynila.

Magbabahagi sa madla sa tertulyang “Kuwentuhan sa Panitikan ng Filipinas at Kulturang Popular,” ang mga makata at manunulat na sina Allan Popa (Pamantasang Ateneo de Manila), Joselito Delos Reyes (Unibersidad ng Santo Tomas), Mark Angeles (KWF Makata ng Taon, 2016), at Paulyn Bando (manunulat ng Diary ng Panget).

Naglingkod bilang tagapangasiwa ng tertulya sa FEU ang Interdisciplinary Studies Department, Literature and Humanities Department, at Tanggapan ng Larangan ng Filipino.

Itinataguyod ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Pambansang Lupon para sa Pagpapaunlad ng Aklat (NBDB), at iba pang mga institusyon ang Buwan ng Panitikan ng Filipinas batay sa Proklamasyon Blg. 968.

Nauna nang isinagawa ang mga tertulya sa Pamantansang De La Salle, 5 Abril; Pamantasang Ateneo, 12 Abril; at Unibersidad ng Santo Tomas, 20 Abril. Para sa impormasyon at kumpirmasyon, mangyaring tumawag sa 736-2519, o magpadala ng email sa komisyonsawik@gmail.com.