Inaanyayahan ang publiko na dumalo sa idaraos na Paglulunsad ng Aklat ng Bayan 2015 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 24 Agosto 2015, 1:00-5:00 nh sa Marble Hall, National Museum, Taft Ave., Ermita, Maynila. Magsasagawa rin ng Forum sa Panitikang Rehiyonal sa panayam ng mga premyadong manunulat at makata na sina Prop. Junley Lazaga ng Unibersidad ng Pilipinas-Baguio tungkol sa panitikang Ilokano, Prop. Kristian Cordero ng Ateneo de Naga University hinggil sa panitikang Bikol, at Prop. John Iremil Teodoro ng Miriam College para sa panitikan ng Kanlurang Bisaya.

Sa taóng ito, 21 aklat ang ilulunsad kabilang ang salin sa Filipino ng mga klasikong akdang pampanitikan na Pitong Kuwento ni Anton Chekhov, Gitanjali ni Rabindranath Tagore, Niyebe ng Kilimanjaro ni Ernest Hemingway, Ang Metamorposis ni Franz Kafka, at Ang Kuwintas at Iba pang Kuwento Guy de Maupassant; mga antolohiya mula sa iba’t ibang wika ng Filipinas, katulad ng Mga Retrato han Akon Bungto at iba pang Akda (Waray), Pagbalik sang Babaylan (Hiligaynon), Dandaniw Ilokano (Ilokano), Pagdakëp sa Ilahas (Kinaray-a), at An Samuyang Kakanon sa Aro-aldaw (Bikol); mga aklat hinggil sa pilosopiya, pagsasalin, panitikan, wika, at kultura, na kinabibilangan ng Bayung Sunis, Huseng Sisiw, Tagalische Verskunst, Buhay at Kulturang Filipino, Napapanahong Panlipunang Pilosopiya, Ang Rebolusyong Filipino, Atlas ng mga Bansa sa Mundo, Ang Republika ni Mabini, Introduksiyon sa Pagsasalin, Naku, ang Maynila!, Isang Sariling Wikang Pambansa, at Sawikaan: Isang Dekada ng Pagpili ng Salita ng Taon.

Ang halaga ng libro ay mula PHP100 pataas. Magkakaroon din ng libreng kopya ng mga pilîng aklat mula sa Aklat ng Bayan 2013 kapag bumili ng halagang PHP200 pataas.