ANG NINGNING AT ANG LIWANAG
Emilio Jacinto
Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin.
Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.
Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na síkat ng araw ay nagningning; ngunit sumusugat sa sa kamay ng nagaganyak na dumampot.
Ang ningning ay maraya.
Ating hanapin ang liwanag, táyo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang naugalian. Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin? Táyo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa’y marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kaniyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusòng sukaban.
Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Táyo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kayâ ninakaw? Datapwa’y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kaniyang noo at sa hapo ng kaniyang katawan na siya’y nabubúhay sa sipag at kapagalang tunay.
Ay! Sa ating pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.
(1896)